Exodus 38

Ang Altar para sa Handog na Sinusunog

(Exo. 27:1‑8)

1Gumawa rin sila ng kuwadradong altar na pagsusunugan ng handog na sinusunog gamit ang akasya. Pitoʼt kalahating talampakan ang haba nito, pitoʼt kalahating talampakan din ang lapad, at apat at kalahating talampakan ang taas.

2Nilagyan nila ito ng parang mga sungay sa apat na sulok, na kasama nang ginawa nang gawin ang altar. Binalutan nila ng tanso ang altar.

3Ang lahat ng kagamitan ng altar ay gawa rin sa tanso – ang mga lalagyan ng abo, pala, mangkok, malalaking tinidor para sa karne at mga lalagyan ng baga.

4Gumawa rin sila ng parilyang tanso para sa altar, at inilagay nila sa ilalim ng altar, sa patungan nito sa gitna ng altar.

5Gumawa rin sila ng apat na argolyang tanso at ikinabit ito sa apat na sulok ng parilyang tanso. Ang mga argolyang ito ang pagsusuksukan ng mga tukod na pambuhat sa altar.

6Ang mga tukod ay gawa sa kahoy ng akasya at binalutan ng tanso.

7Isinuksok nila ang mga tukod sa argolya sa bawat gilid ng altar upang mabuhat ito. Tabla ang ginawa nilang altar at bakante ang loob.

Ang Paggawa ng Plangganang Hugasan

(Exo. 30:18‑21)

8Pagkatapos, gumawa sila ng tansong palanggana. Ang patungan nito ay tanso rin. Ang mga tansong ginamit dito ay galing sa salamin ng mga babaeng naglilingkod sa pintuan ng Tabernakulo.

Ang Paggawa sa Bakuran ng Tabernakulo

(Exo. 27:9‑19)

9Ginawa nila ang bakuran ang Tabernakulo, at pinalibutan ito ng mga kurtinang hinabing pinong lino. Ang haba ng kurtina sa bandang timog ay 150 talampakan.

10Ikinabit nila ang kurtina sa dalawampung haliging tanso na nakasuksok din sa dalawampung patungang tanso. Ang kinabitan ng kurtina ay ang mga kawit na pilak na nakakabit sa mga baras na pilak sa mga haligi.

11Ang kurtina sa bandang hilaga ay 150 talampakan din ang haba at nakakabit ito sa dalawampung haliging tanso na nakasuksok sa dalawampung patungang tanso. Ang pinagkakabitan ng kurtina ay ang mga kawit na pilak na nakakabit sa mga baras na pilak sa mga haligi.

12Ang kurtina sa bandang kanluran ay pitumpuʼt limang talampakan ang haba, at nakakabit ito sa sampung haligi na nakasuksok naman sa sampung patungan. Ang pinagkakabitan ng kurtina ay ang mga kawit na pilak na nakakabit sa mga baras na pilak sa mga haligi.

13Ang kurtina sa bandang silangan ay pitumpuʼt limang talampakan ang haba.

14Ang pintuan ng bakuran ay nasa silangan, at may mga kurtina ito sa gilid. Ang kurtina sa kanan ay dalawampuʼt dalawa at kalahating talampakan ang haba, at nakakabit ito sa tatlong haligi na nakasuksok sa tatlo ring patungan.

15Ang kurtina sa kaliwa ay dalawampuʼt dalawa at kalahating talampakan ang haba, at nakakabit ito sa tatlong haligi na nakasuksok sa tatlo ring patungan.

16Ang lahat ng kurtina sa palibot ng bakuran ay gawa sa hinabing pinong lino.

17Tanso ang patungan ng mga haligi, at pilak naman ang mga kawit, at mga baras nito. Ang mga ulo ng haligi ay nababalutan ng pilak. Ang lahat ng haligi sa palibot ng bakuran ay may baras na pilak.

18Ang kurtina ng pintuan ng bakuran ay gawa sa hinabing pinong lino na binurdahan gamit ang lanang kulay asul, ube, at pula. At napakaganda ng pagkakaburda nito. Ang haba nitoʼy 30 talampakan at pitoʼt kalahating talampakan ang taas, katulad ng taas ng mga kurtina na nakapalibot sa bakuran.

19Ang kurtinang itoʼy nakakabit sa apat na haligi na nakasuksok naman sa apat na patungan. Nababalutan ng pilak ang mga kawit at mga baras ng mga haligi at ang mga ulo nito.

20Purong tanso ang lahat ng tulos ng Tolda at ng bakuran sa palibot nito.

Mga Materyales na Ginamit sa Tabernakulo

21Ito ang mga materyales na ginamit sa pagpapatayo ng Tabernakulo, kung saan nakalagay ang malalapad na batong kinasusulatan ng mga utos ng Diyos. Inilista ng mga Levita ang mga materyales na ito ayon sa utos ni Moises. Ang gawaing itoʼy pinamahalaan ni Itamar na anak ni Aaron na pari.

22Si Bezalel na anak ni Uri at apo ni Hur, na mula sa lahi ni Juda ang gumawa sa lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

23Katulong niya si Oholiab na anak ni Ahisamac, na mula sa lahi ni Dan. Magaling siyang magtrabaho, magdisenyo, at magburda ng pinong lino at ng lanang kulay asul, ube at pula.

24Ang kabuuang timbang ng gintong inihandog upang gamitin sa paggawa ng Tolda ay isang libong kilo ayon sa pamantayan ng Tabernakulo.

25Ang kabuuang timbang ng pilak na naipon ay 3,430 kilo ayon sa pamantayan ng Tabernakulo. Nanggaling ito sa mga taong nailista sa sensus.

26Nagbigay ang bawat isa sa kanila ng anim na gramo ng pilak ayon sa pamantayan ng Tabernakulo. Ito ay nalikom mula sa 603,550 na lalaking may edad na dalawampu pataas na nailista sa sensus.

27Ang 3,500 kilo ng pilak ay ginamit sa paggawa ng isang daang patungan ng Tolda at ng mga kurtina, tatlumpuʼt limang kilo bawat patungan.

28Ang natirang dalawampung kilong pilak ay ginawang kawit at baras ng mga haligi, at ibinalot sa ulo ng mga haligi.

29Ang bigat ng tansong inihandog sa Panginoon ay mga 2,500 kilo.

30Ginamit ito sa paggawa ng mga patungan ng mga poste ng pintuan ng Tabernakulo. Ang iba ritoʼy ginamit sa paggawa ng altar na tanso, ng parilya nito, at ng lahat ng kagamitan ng altar.

31Ginamit din ang mga tanso sa paggawa ng mga patungan ng mga haligi sa palibot ng bakuran at ng pintuan nito, at sa paggawa ng lahat ng tulos ng Tolda at ng mga kurtina sa palibot nito.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.