The chat will start when you send the first message.
1Tumahi rin sina Bezalel ng banal na mga damit para sa mga pari na gagamitin nila kung silaʼy maninilbihan sa Banal na Lugar. Ang telang ginamit nila ay lanang kulay asul, ube at pula. Ito rin ang telang ginamit nila sa pagtahi ng damit ni Aaron ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
2Nagtahi rin sila ng efod ng mga pari. Ang telang ginamit nila ay hinabing pinong lino na binurdahan gamit ang lanang kulay asul, ube at pula.
3Gumawa sila ng sinulid na ginto sa pamamagitan ng pagpanday sa ginto at paghahati-hati rito nang manipis. Pagkatapos, ibinurda nila ito sa pinong lino, kasama ng lanang kulay asul, ube at pula. Napakaganda ng pagkakaburda nito.
4May dalawang parte ang damit na ito, sa likod at harap, at pinagdudugtong ito ng dalawang tirante sa may balikat.
5Ang sinturon nito ay gawa sa hinabing pinong lino na binurdahan ng gintong sinulid at lanang kulay asul, ube at pula. Ginawa nila itong lahat ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
6Ikinabit nila ang mga batong onise sa balangkas na ginto. Inukitan nila ito ng pangalan ng mga anak ni Jacob gaya ng pagkakaukit sa pantatak.
7Ikinabit nila ito sa mga tirante ng efod bilang mga alaalang bato para sa lahi ng Israel. Ginawa nila itong lahat ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
8Gumawa rin sila ng pektoral at napakaganda ng pagkakagawa nito. Ang tela nitoʼy katulad din ng tela ng efod: hinabing pinong lino na binurdahan gamit ang gintong sinulid, lanang kulay asul, ube at pula.
9Ang bulsa na nasa dibdib ay nakatupi ng doble at parisukat – siyam na pulgada ang haba at siyam na pulgada rin ang lapad.
10Inilagay nila rito ang apat na hanay ng mamahaling mga bato. Sa unang hanay nakalagay ang rubi, topaz, at beril;
11sa ikalawang hanay, esmeralda, safiro at turkois;
12sa ikatlong hanay, hasinto, agata at ametista;
13at sa ikaapat na hanay, krisolito, onise at haspe. Inilagay nila ito sa balangkas na ginto.
14Ang bawat bato ay may pangalan ng isa sa mga anak ni Jacob bilang kinatawan sa labindalawang lahi ng Israel. Ang pagkakaukit ng pangalan ay gaya ng pagkakaukit sa pantatak.
15Nilagyan nila ng mala-kuwintas na tali na purong ginto ang pektoral.
16Gumawa rin sila ng dalawang balangkas na ginto at dalawang parang singsing na ginto sa ibabaw ng mga sulok ng pektoral.
17Isinuot nila ang dalawang mala-kuwintas na taling ginto sa dalawang parang singsing sa mga sulok ng pektoral,
18at ang dalawang dulo naman ng mala-kuwintas na tali ay isinuot sa dalawang balangkas na ginto na nakakabit sa tirante ng efod.
19Gumawa rin sila ng dalawa pang parang mga singsing na ginto at isinuot ito sa ilalim ng mga gilid ng pektoral na nakapatong sa efod.
20Gumawa pa rin sila ng dalawa pang parang singsing na ginto at ikabit nila ito sa efod sa may bandang sinturon.
21Pagkatapos, tinahi nila ng asul na panali ang ilalim ng mga parang singsing sa pektoral at ang mga parang singsing sa efod. Sa pamamagitan nito, mapapagdugtong nang maayos ang mga parang singsing sa pektoral at sa efod, sa itaas ng sinturon. Ginawa nila itong lahat ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
22Ginawa nila ang balabal ng efod gamit ang hinabing lana na purong asul,
23at may butas sa gitna para sa ulo. Hinabi ang palibot ng butas na ito na parang kuwelyo upang hindi ito mapunit.
24Nilagyan nila ang palibot ng laylayan ng damit ng mga palamuting korteng prutas na pomegranata, na gawa sa hinabing pinong lino na binurdahan gamit ang lanang kulay asul, ube at pula.
25Gumawa rin sila ng mga kampanilya na purong ginto at inilagay ang mga ito sa laylayan ng damit sa pagitan ng mga palamuting parang prutas na pomegranata.
26Magkasalit ang mga kampanilyang ginto at ang mga palamuting pomegranata sa palibot ng laylayan ng balabal at itoʼy isusuot ng pari kapag naglilingkod siya. Ginawa nila itong lahat ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
27Gumawa rin sila ng panloob na mga damit para kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki. Hinabing pinong lino ang tela na kanilang ginamit.
28Ganito rin ang telang ginamit nila sa paggawa ng mga turban, mga panali sa ulo at panloob na mga damit.
29Ang mga sinturon ay gawa rin sa hinabing pinong lino na binurdahan gamit ang lanang kulay asul, ube at pula. At napakaganda ng pagkakaburda nito. Ginawa nila itong lahat ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
30Gumawa sila ng palamuting purong ginto at iniukit nila ang mga salitang ito, katulad ng pagkakaukit sa pantatak: Ibinukod para sa Panginoon .
31Itinali nila ito sa harap ng turban sa pamamagitan ng asul na panali. Ginawa nila itong lahat ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
32Natapos ang lahat ng gawain sa Tabernakulo na tinatawag ding Toldang Tipanan. Ginawa ng mga Israelita ang lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
33Ipinakita nila kay Moises ang Tabernakulo at ang lahat ng kagamitan nito:
ang mga kawit, balangkas, biga, haligi, patungan,
34ang pantaklob na gawa sa balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, ang pantaklob na gawa sa magandang klase ng balat, ang mga kurtina;
35ang Kahon ng Kasunduan, ang takip nito at pambuhat;
36ang mesa at ang lahat ng kagamitan nito, ang tinapay na inihahandog sa presensya ng Diyos;
37ang ilawang purong ginto at ang mga ilaw at kagamitan nito, ang langis para sa ilaw;
38ang altar na ginto, ang langis na pamahid, ang mabangong insenso, ang kurtina sa pintuan ng Tolda;
39ang altar na tanso at ang parilyang tanso, ang pambuhat at ang lahat ng kagamitan nito,
ang planggana at ang patungan nito;
40ang mga kurtina ng bakuran at ang mga haligi at mga patungan nito, ang kurtina sa pintuan ng bakuran, ang mga panali at mga tulos para sa kurtina ng bakuran, ang lahat ng kagamitan sa Tabernakulo na tinatawag ding Toldang Tipanan;
41at ang banal na mga damit na isusuot ni Aaron at ng mga anak niya kapag naglilingkod na sila bilang mga pari sa Tolda.
42Ginawa ng mga Israelita ang lahat ng gawain ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
43Tiningnan ni Moises ang trabaho nila, at nakita niya na ginawa nilang lahat iyon ayon sa iniutos ng Panginoon . Kaya binasbasan sila ni Moises.