The chat will start when you send the first message.
1Sinabi ng Panginoon kay Moises,
2“Itayo mo ang Tabernakulo ng Toldang Tipanan sa unang araw ng unang buwan.
3Ilagay mo sa loob ang Kahon ng Kasunduan, at tabingan mo ito ng kurtina.
4Ipasok mo ang mesa sa Tolda at ayusin mo ang mga kagamitan nito. Ipasok mo rin ang mga ilawan at ilagay ang mga ilaw nito.
5Ilagay mo ang gintong altar na pagsusunugan ng insenso sa harap ng Kahon ng Kasunduan, at ikabit ang kurtina sa pintuan ng Tolda.
6“Ilagay mo ang altar na pagsusunugan ng mga handog na sinusunog sa harapan ng pintuan ng Tabernakulo ng Toldang Tipanan.
7Ang planggana ay ilagay sa pagitan ng Tolda at ng altar, at lagyan ito ng tubig.
8Ilagay ang mga kurtina sa bakuran ng Tolda, pati ang kurtina sa pintuan ng bakuran.
9“Pagkatapos, kunin mo ang langis at wisikan ang Tolda at ang lahat ng kagamitan nito bilang pagtatalaga nito sa akin, at magiging banal ito.
10Wisikan mo rin ang altar na pagsusunugan ng mga handog na sinusunog at ang lahat ng kagamitan nito bilang pagtatalaga nito sa akin, at magiging napakabanal ito.
11Wisikan mo rin ang planggana at ang patungan nito bilang pagtatalaga nito sa akin.
12“Dalhin mo si Aaron at ang mga anak niyang lalaki sa pintuan ng Tabernakulo at paliguin mo sila roon.
13Ipasuot mo kay Aaron ang banal na mga damit at italaga siya sa akin sa pamamagitan ng pagbuhos sa kanya ng langis upang makapaglingkod siya sa akin bilang pari.
14Dalhin mo rin ang mga anak niya at ipasuot ang damit-panloob nila.
15Buhusan mo rin sila ng langis gaya ng ginawa mo sa kanilang ama, upang makapaglingkod din sila sa akin bilang mga pari sa lahat ng susunod pang mga henerasyon.”
16Ginawa ni Moises ang lahat ng iniutos sa kanya ng Panginoon .
17Kaya itinayo ang Tabernakulo noong unang araw ng unang buwan. Ikalawang taon iyon nang paglabas nila ng Ehipto.
18Ganito itinayo ni Moises ang Tolda: Inilagay niya ang mga patungan, balangkas, biga, at haligi.
19Inilatag niya ang Tolda at pinatungan niya ng pantaklob ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon .
20Pagkatapos, ipinasok niya sa Kahon ang malalapad na batong kinasusulatan ng mga utos ng Diyos, at isinuksok niya sa argolya ng Kahon ang mga tukod na pambuhat, at ipinatong ang takip sa ibabaw nito.
21Ipinasok niya ang Kahon sa loob ng Tabernakulo, at isinabit ang kurtina upang matakpan ang Kahon ng Kasunduan ayon sa iniutos ng Panginoon sa kanya.
22Inilagay niya ang mesa sa loob ng Tolda, sa bandang hilaga, sa labas ng kurtina.
23At inilagay niya sa mesa ang tinapay na inihahandog sa harapan ng Panginoon ayon sa iniutos ng Panginoon sa kanya.
24Inilagay din niya ang ilawan sa loob ng Tolda, sa harapan ng mesa, sa bandang timog.
25At inilagay niya ang mga ilaw nito sa harapan ng Panginoon ayon sa iniutos sa ng Panginoon sa kanya.
26Inilagay din niya ang gintong altar sa loob ng Tolda, sa harapan ng kurtina,
27at nagsunog siya ng mabangong insenso sa altar ayon sa iniutos ng Panginoon sa kanya.
28Ikinabit din niya ang kurtina sa pintuan ng Tolda,
29at inilagay niya malapit sa pintuan ang altar na pagsusunugan ng mga handog na sinusunog. Pagkatapos, nag-alay siya sa altar na ito ng mga handog na sinusunog at mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon ayon sa iniutos ng Panginoon sa kanya.
30Inilagay din niya ang planggana sa pagitan ng Tolda at ng altar. Nilagyan niya ito ng tubig upang paghugasan.
31At naghugas sina Moises, Aaron at ang mga anak niyang lalaki ng mga kamay at paa nila.
32Maghuhugas sila kapag pumapasok sa Tolda o kapag lalapit sila sa altar ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
33Pagkatapos, inilagay ni Moises ang mga kurtina ng bakuran, na nakapaligid sa Tolda at altar, pati ang kurtina sa pintuan ng bakuran. At natapos ni Moises ang lahat ng gawain niya.
34Pagkatapos ng lahat ng ito, binalot ang Tabernakulo ng makapangyarihang presensya ng Panginoon na nasa anyo ng isang ulap.[#40:34 : O tinatawag din na Toldang Tipanan.]
35Hindi makapasok si Moises sa Tolda dahil nababalot ito ng makapangyarihang presensya ng Panginoon na nasa anyong ulap.
36Kapag pumaitaas ang ulap mula sa Tolda at umalis, umaalis din ang mga Israelita sa pinagkakampuhan nila.
37Ngunit kung hindi, hindi rin sila umaalis hanggang sa araw na ito ay pumaitaas.
38Ang ulap na sumisimbolo sa presensya ng Panginoon ay nasa itaas ng Tolda kapag araw, at nag-aapoy naman ito kapag gabi upang makita ng lahat ng Israelita habang naglalakbay sila.