The chat will start when you send the first message.
1Pagkatapos, pumunta sina Moises at Aaron sa Faraon at sinabi, “Ito ang sinasabi ng Panginoon , ang Diyos ng Israel: ‘Payagan mong umalis ang aking mga mamamayan, upang makapagdaos sila ng pista sa ilang para sa akin.’ ”
2Sinabi ng Faraon, “Sino ba ang Panginoon upang makinig ako sa kanya at payagang umalis ang mga Israelita? Hindi ko kilala ang Panginoon at hindi ko paaalisin ang mga Israelita.”
3Sumagot sina Moises at Aaron, “Nagpakita sa amin ang Diyos ng mga Hebreo. Kaya kung maaari, payagan mo kaming umalis nang tatlong araw papunta sa ilang upang makapaghandog kami sa Panginoon naming Diyos, dahil kung hindi, papatayin niya kami sa pamamagitan ng sakit o digmaan.”[#5:3 : Sa literal, espada.]
4Ngunit sinabi ng hari ng Ehipto, “Bakit ninyo patitigilin sa pagtatrabaho ang mga tao? Bumalik na kayo sa trabaho!
5Tingnan ninyo kung gaano kadami ang mga taong patitigilin ninyo sa pagtatrabaho.”
6Nang araw na iyon, nag-utos ang Faraon sa mga Ehipsiyong namamahala sa mga Israelita sa trabaho at sa mga kapatas na Israelita. Sinabi niya,
7“Hindi na kayo magbibigay sa mga trabahador ng mga dayaming gagamitin sa paggawa ng tisa, kundi sila na mismo ang maghahanap nito.
8Ngunit kailangang ganoon pa rin kadaming tisa ang gagawin nila. Mga tamad sila, iyan ang dahilan na nakikiusap silang paalisin ko sila upang makapaghandog sa kanilang Diyos.
9Pagtrabahuhin pa ninyo sila nang matindi upang lalo silang maging abala at mawalan ng panahong makinig sa mga kasinungalingan.”
10Kaya pinuntahan nila ang mga Israelita at sinabi, “Nag-utos ang Faraon na hindi na namin kayo bibigyan ng dayami.
11Kayo na ang maghahanap nito kahit saan, pero ganoon pa rin kadaming tisa ang gagawin ninyo.”
12Kaya kumalat ang mga Israelita sa buong Ehipto sa pangunguha ng dayami.
13Pinagmamadali sila ng mga namamahala sa kanila at sinasabi, “Dapat ganoon pa rin kadaming tisa ang gagawin ninyo bawat araw, kagaya ng ginagawa ninyo noong binibigyan pa kayo ng dayami.”
14Pagkatapos, hinagupit nila ang mga kapatas na Israelita at tinanong, “Bakit hindi ninyo nagawa kahapon at ngayon ang dating bilang ng mga tisang ipinapagawa sa inyo, kagaya ng ginagawa ninyo noon?”
15Kaya pumunta ang mga kapatas na Israelita sa Faraon at nagreklamo, “Bakit ganito ang trato nʼyo sa amin na inyong mga lingkod?
16Hindi kami binibigyan ng dayami, pero pinipilit kaming gumawa ng ganoon pa rin kadaming tisa. Binubugbog pa kami, gayong ang mga tauhan ninyo ang mali!”
17Sinabi ng Faraon, “Napakatatamad ninyo! Iyan ang dahilan kung bakit nakikiusap kayong paalisin ko kayo upang makapaghandog kayo sa Panginoon .
18Bumalik na kayo sa mga trabaho nʼyo! Hindi kayo bibigyan ng dayami pero ganoon pa rin kadaming tisa ang gagawin ninyo.”
19Dahil sa ipinilit ng Faraon na gawin nila ang dami ng tisang ipinapagawa sa kanila araw-araw. Napag-isip-isip ng mga kapatas na Israelita na mahihirapan sila.
20Pagkagaling nila sa Faraon, nakita nila sina Moises at Aaron na naghihintay sa kanila.
21Sinabi nila kina Moises at Aaron, “Parusahan sana kayo ng Panginoon . Dahil sa inyo nagalit sa amin ang Faraon at ang mga tauhan niya. Magiging dahilan nila ang ginawa ninyo upang patayin kami.”
22Bumalik si Moises sa Panginoon at nanalangin, “O Panginoon , bakit nʼyo po pinahihirapan ang inyong mga mamamayan? Bakit pa ninyo ako isinugo sa kanila?
23Mula nang sinabi ko sa Faraon ang mensahe ninyo, lalo pa niyang pinagmalupitan ang inyong mga mamamayan, at hindi nʼyo man lang sila iniligtas.”