The chat will start when you send the first message.
1Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Makinig ka! Gagawin kitang parang Diyos sa Faraon at si Aaron naman ay magiging parang propeta mo.
2Sabihin mo kay Aaron ang lahat ng sinabi ko sa iyo at ipasabi mo ito sa kanya sa Faraon. Sasabihin niya sa Faraon na palayain ang mga Israelita sa kanyang bayan.
3Ngunit patitigasin ko ang puso ng Faraon at kahit na gumawa pa ako ng maraming tanda at kababalaghan sa Ehipto,
4hindi siya makikinig sa iyo. Pagkatapos, parurusahan ko nang matindi ang Ehipto, at palalayain ko ang bawat lahi ng Israel na aking mga mamamayan.
5Kapag naparusahan ko na ang mga Ehipsiyo at napalabas na ang mga Israelita sa kanilang bansa, malalaman nilang ako ang Panginoon .”
6Sinunod nila Moises at Aaron ang iniutos ng Panginoon sa kanila.
7Si Moises ay walumpung taóng gulang at si Aaron ay walumpuʼt tatlo naman nang makipag-usap sila sa Faraon.
8Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron,
9“Kapag sinabi ng Faraon na gumawa kayo ng himala, sabihin mo Moises kay Aaron, ‘Ihagis mo ang tungkod sa harap ng Faraon,’ at magiging ahas ito.”
10Kaya pumunta sina Moises at Aaron sa Faraon at ginawa ang sinabi ng Panginoon . Inihagis ni Aaron ang tungkod niya sa harap ng Faraon at ng kanyang mga opisyal, at naging ahas ito.
11Ipinatawag naman ng Faraon ang kanyang matatalinong tao at mga salamangkero. Sa pamamagitan ng kanilang salamangka, nagawa rin nila ang ganoong himala.
12Inihagis ng bawat isa sa kanila ang mga tungkod nila at naging ahas din ang mga ito. Ngunit nilunok ng ahas ni Aaron ang mga ahas nila.
13Ngunit nagmatigas pa rin ang puso ng Faraon at hindi siya nakinig kina Moises at Aaron, gaya na rin ng sinabi ng Panginoon .
14Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Matigas pa rin ang puso ng Faraon; ayaw pa rin niyang umalis ang mga Israelita.
15Kaya puntahan mo bukas ng umaga ang Faraon habang papunta siya sa Ilog Nilo. Dalhin mo ang tungkod na naging ahas at makipagkita ka sa kanya sa pampang ng ilog.
16Sabihin mo sa kanya, ‘Inutusan po ako ng Panginoon , ang Diyos ng mga Hebreo, na sabihin ito sa inyo: Paalisin mo ang mamamayan ko upang makasamba sila sa akin sa ilang. Ngunit hanggang ngayon, hindi mo ito sinusunod.
17Ito nga sinasabi ng Panginoon : Sa pamamagitan ng aking gagawin, malalaman mo na ako ang Panginoon . Sa pamamagitan ng tungkod na ito, hahampasin ko ang tubig ng Nilo at magiging dugo ang tubig.
18Mamamatay ang mga isda at babaho ito. Sa gayun, hindi na maiinom ng mga Ehipsiyo ang tubig ng Nilo.’ ”
19Sinabi pa ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo kay Aaron na iunat niya ang kanyang tungkod sa lahat ng tubig sa Ehipto: sa mga ilog, sapa, kanal at sa lahat ng pinag-iipunan ng tubig, at magiging dugo ang lahat ng ito. Ganito ang mangyayari sa buong lupain ng Ehipto. Kahit na ang mga tubig sa mga sisidlang kahoy o bato ay magiging dugo.”
20Sinunod nila Moises at Aaron ang iniutos ng Panginoon . Habang nakatingin ang Faraon at ang kanyang mga opisyal, itinaas ni Aaron ang kanyang tungkod at hinampas ang Ilog ng Nilo, at naging dugo ang tubig.
21Namatay ang mga isda at bumaho ang ilog kaya hindi ito mainom ng mga Ehipsiyo. Lahat ng tubig sa buong Ehipto ay naging dugo rin.
22Ngunit nagawa rin ito ng mga Ehipsiyong salamangkero sa pamamagitan ng kanilang salamangka, kaya nagmatigas pa rin ang puso ng Faraon. Hindi pa rin siya nakinig kila Moises at Aaron, gaya ng sinabi ng Panginoon .
23Bumalik ang Faraon sa palasyo niya at hindi pinansin ang nangyari.
24Naghukay ang mga Ehipsiyo sa palibot ng Ilog Nilo upang makakuha ng tubig na maiinom dahil hindi nila mainom ang tubig sa ilog.
25Pagkaraan ng pitong araw mula nang hampasin ng Panginoon ang Ilog Nilo.