Exodus 8

5Sinabi pa ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo kay Aaron na iunat niya ang kanyang tungkod sa mga ilog, sapa, at mga kanal, at mapupuno ng palaka ang buong Ehipto.”

6Kaya iniunat ni Aaron ang kanyang tungkod sa mga tubig ng Ehipto, at lumabas ang mga palaka at napuno ang buong Ehipto.

7Ngunit ginawa rin ito ng mga salamangkero sa pamamagitan ng kanilang salamangka. Nakapagpaahon din sila ng mga palaka sa lupain ng Ehipto.

8Ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron, at sinabi sa kanila, “Manalangin kayo sa Panginoon na tanggalin niya ang mga palakang ito sa aking bansa, at paaalisin ko ang mga kababayan nʼyo upang makapaghandog sila sa Panginoon .”

9Sinabi ni Moises sa Faraon, “Sabihin mo sa akin kung kailan ako mananalangin para sa inyo, sa mga opisyal at sa mga mamamayan mo, upang mawala ang mga palakang ito sa inyo at sa mga bahay ninyo. At ang matitira na lang na palaka ay ang mga nasa Ilog Nilo.”

10Sumagot ang Faraon, “Ipanalangin mo ako bukas.”

Sinabi ni Moises, “Matutupad ito ayon sa sinabi nʼyo, upang malaman nʼyo na walang ibang katulad ang Panginoon naming Diyos.

11Mawawala ang lahat ng palaka sa inyong mga bahay at sa bahay ng inyong mga pinamumunuan at sa buong bayan; maliban ang mga nasa Ilog Nilo.”

12Pagkaalis nila Moises at Aaron sa harap ng Faraon, nanalangin si Moises sa Panginoon na alisin na ang mga palaka na ipinadala niya sa Ehipto.

13At ginawa ng Panginoon ang ipinakiusap ni Moises. Namatay ang mga palaka sa mga bahay, mga hardin at sa mga bukid.

14Tinipon ito ng mga Ehipsiyo at ibinunton, dahil ditoʼy bumaho ang buong Ehipto.

15Ngunit nang makita ng Faraon na wala na ang mga palaka, nagmatigas na naman siya, at ayaw niyang makinig kina Moises at Aaron, gaya ng sinabi ng Panginoon .

Ang Salot ng mga Lamok

16Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo kay Aaron na ihampas niya ang kanyang tungkod sa lupa, at magiging lamok ang mga alikabok sa buong lupain ng Ehipto.”[#8:16 : O kuto.]

17Sinunod nila ito, kaya nang hampasin ni Aaron ng kanyang tungkod ang lupa, naging lamok ang mga alikabok sa buong lupain ng Ehipto. At dumapo ang mga ito sa mga tao at mga hayop.

18Tinangka rin ng mga salamangkero na gayahin ito sa pamamagitan ng kanilang salamangka pero nabigo sila. Patuloy na nagsidapo ang mga lamok sa mga tao at mga hayop.

19Sinabi ng mga salamangkero sa Faraon, “Ang Diyos ang may gawa nito!” Ngunit matigas pa rin ang puso ng Faraon, at hindi siya nakinig kina Moises at Aaron, gaya ng sinabi ng Panginoon .

Ang Salot ng mga Langaw

20Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bumangon ka nang maaga bukas at abangan mo ang Faraon habang papunta siya sa ilog. Sabihin mo sa kanya na ito ang sinasabi ko, ‘Paalisin mo ang aking mga mamamayan upang makasamba sila sa akin.

21Kung hindi mo sila paaalisin, padadalhan kita ng maraming langaw, pati na ang mga opisyal at mga mamamayan mo. Mapupuno ng mga langaw ang mga bahay ninyo, at matatabunan ng mga ito ang lupa.

22“ ‘Ngunit hindi ito mararanasan sa lupain ng Goshen kung saan naninirahan ang aking mga mamamayan; hindi dadapo ang mga langaw sa lugar na iyon, upang malaman nila na akong Panginoon ay nasa lupaing iyon.

23Hindi magiging pareho ang trato ko sa aking mga mamamayan at sa iyong mga mamamayan. Ang himalang ito ay mangyayari bukas.’ ”

24Nagpadala nga ang Panginoon ng maraming langaw sa palasyo ng Faraon at sa mga bahay ng kanyang mga opisyal, at naminsala ang mga ito sa buong lupain ng Ehipto.

25Kaya ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron, at sinabi, “Sige, maghandog na kayo sa Diyos ninyo, pero dito lang sa Ehipto.”

26Sumagot si Moises, “Hindi puwedeng dito kami maghandog sa Ehipto, dahil ang mga handog namin sa Panginoon naming Diyos ay kasuklam-suklam sa mga Ehipsiyo. At kung maghahandog kami ng mga handog na kasuklam-suklam sa kanila, siguradong babatuhin nila kami.

27Kailangang umalis kami nang tatlong araw papunta sa ilang upang maghandog sa Panginoon naming Diyos, gaya ng iniutos niya sa amin.”

28Sinabi ng Faraon, “Papayagan ko kayong maghandog sa Panginoon na inyong Diyos sa ilang pero huwag kayong lalayo. Ngayon, ipanalangin ninyo ako.”

29Sumagot si Moises, “Pag-alis ko rito, mananalangin ako sa Panginoon . At bukas, mawawala ang mga langaw sa inyo, at sa mga opisyal at mamamayan mo. Ngunit siguraduhin mo na hindi mo na kami lolokohing muli at pipigilang umalis upang maghandog sa Panginoon .”

30Umalis sila Moises at nanalangin sa Panginoon ,

31at ginawa ng Panginoon ang pakiusap ni Moises. Umalis ang mga langaw sa lahat ng Ehipsiyo. Walang natira kahit isa.

32Ngunit nagmatigas pa rin ang Faraon at hindi niya pinaalis ang mga Israelita.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.