The chat will start when you send the first message.
1Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Puntahan mo ang Faraon at sabihin sa kanya, ‘Ito ang sinasabi ng Panginoon , ang Diyos ng mga Hebreo: Paalisin mo ang aking mga mamamayan upang makasamba sila sa akin.
2Kung hindi mo sila paaalisin,
3padadalhan ko ng nakamamatay na sakit ang mga hayop mo na nasa bukid – kabayo, asno, kamelyo, baka, tupa at kambing.
4Hindi magiging pareho ang trato ko sa mga hayop ng mga Israelita at sa mga hayop ng mga Ehipsiyo, at walang mamamatay sa mga hayop ng mga Israelita.’ ”
5Itinakda ng Panginoon ang oras. Sabi niya, “Bukas ko ito gagawin sa lupaing ito.”
6At kinabukasan ay ginawa nga ng Panginoon ang sinabi niya. Namatay ang lahat ng alagang hayop ng mga Ehipsiyo, pero walang namatay ni isa man lang sa mga alagang hayop ng mga Israelita.
7Nagpadala ang Faraon ng mga tao at nalaman niya na walang namatay kahit isa sa mga hayop ng mga Israelita. Ngunit matigas pa rin ang puso niya at hindi pinaalis ang mga Israelita.
8Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, “Kumuha kayo ng ilang dakot ng abo sa pugon at isasaboy ito ni Moises sa hangin sa harap ng Faraon.
9Kakalat ang mga abo sa buong Ehipto, at dahil dito tutubuan ng mga bukol ang katawan ng mga tao at mga hayop.”
10Kaya kumuha ng abo sa pugon sila Moises at Aaron, at tumayo sa harap ng Faraon. Isinaboy ito ni Moises sa hangin, at tinubuan ng mga bukol ang mga tao at mga hayop.
11Kahit na ang mga salamangkero ay hindi makaharap kay Moises dahil tinubuan din sila ng mga bukol katulad ng lahat ng Ehipsiyo.
12Ngunit pinatigas ng Panginoon ang puso ng Faraon, at hindi siya nakinig kina Moises at Aaron, gaya ng sinabi ng Panginoon kay Moises.
13Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bumangon ka nang maaga bukas at puntahan mo ang Faraon, at sabihin sa kanya, ‘Ito ang sinasabi ng Panginoon , ang Diyos ng mga Hebreo: Paalisin mo ang aking mga mamamayan upang makasamba sila sa akin.
14Dahil kung hindi, magpapadala ako ng matinding salot na magpaparusa sa iyo, sa mga opisyal at mga mamamayan mo upang malaman mo na wala akong katulad sa buong mundo.
15Kahit noon pa, kaya na kitang patayin pati na ang mga mamamayan mo sa pamamagitan ng karamdaman, at wala na sana kayo ngayon.
16Ngunit pinayagan kitang mabuhay dahil dito: upang makita mo ang kapangyarihan ko at upang makilala ang pangalan ko sa buong mundo.
17Ngunit nagyayabang ka pa rin sa aking mga mamamayan, at hindi mo pa rin sila pinapayagang umalis.
18Kaya bukas, sa ganito ring oras, magpapaulan ako ng mga yelong parang bato, at ang lakas ng pagbagsak nitoʼy hindi pa nararanasan ng Ehipto mula nang maging bansa ito.
19Kaya iutos mo ngayon na isilong ang lahat ng hayop mo at ang lahat ng alipin mo na nasa bukid, dahil ang sinumang nasa labas, tao man o hayop ay mamamatay kapag tinamaan ng mga yelong parang bato.’ ”
20Natakot ang ibang mga opisyal ng Faraon sa sinabi ng Panginoon , kaya nagmadali silang isilong ang mga alipin at mga hayop nila.
21Ngunit may ilan na binalewala ang babala ng Panginoon ; pinabayaan lang nila ang mga hayop at alipin nila sa labas.
22Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Iunat mo ang iyong kamay sa langit upang umulan ng mga yelong parang bato sa buong Ehipto – sa mga tao, mga hayop at sa lahat ng pananim.”
23Kaya itinaas niya ang kanyang tungkod, at nagpadala ang Panginoon ng kulog at mga batong yelo, at tinamaan ng kidlat ang lupa. Pinaulanan ng Panginoon ng mga batong yelo ang lupain ng Ehipto.
24Tuloy-tuloy ang pagbagsak ng mga batong yelo at sunod-sunod naman ang pagkidlat. Ito ang pinakamatinding ulan ng batong yelo sa lupain ng Ehipto mula nang maging bansa ito.
25Bumagsak ito sa buong Ehipto. Tinamaan nito ang lahat ng tao at hayop na nasa labas, pati na ang lahat ng tanim sa bukid, at binali ang mga punongkahoy.
26Tanging sa Goshen lang hindi umulan ng yelo kung saan nakatira ang mga Israelita.
27Ipinatawag ng Faraon sila Moises at Aaron. Sinabi niya sa kanila, “Sa pagkakataong ito, inaamin ko na nagkasala ako. Tama ang Panginoon , at ako at ang aking mga mamamayan ang mali.
28Pakiusapan ninyo ang Panginoon na itigil na niya ang matinding kulog na ito at ang pag-ulan ng yelo. Paaalisin ko na kayo, hindi na kayo dapat pang manatili rito.”
29Sumagot si Moises, “Kapag nakalabas na ako ng lungsod, itataas ko ang aking kamay sa Panginoon upang manalangin. At titigil ang kulog at hindi na uulan ng yelo, upang malaman mo na pag-aari ng Panginoon ang mundo.
30Ngunit alam kong ikaw at ang mga opisyal mo ay hindi pa rin natatakot sa Panginoong Diyos.”
31(Nasira ang mga halamang ginagawang telang lino at sebada, dahil aanihin na noon ang sebada at namumulaklak na ang mga halamang ginagawang lino.[#9:31 : ang butil na ito ay ginagawang tinapay at inumin.]
32Ngunit hindi nasira ang trigo at espelta dahil hindi pa aanihin ang mga ito.)
33Umalis si Moises sa harapan ng Faraon at lumabas ng lungsod. Itinaas niya ang kanyang kamay sa Panginoon upang manalangin at huminto ang kulog, ang pag-ulan ng yelong parang bato at ang ulan.
34Pagkakita ng Faraon na huminto na ang ulan, ang yelo at ang kulog, muli siyang nagkasala. Nagmatigas siya at ang kanyang mga opisyal.
35Sa pagmamatigas niya, hindi niya pinaalis ang mga Israelita, gaya ng sinabi ng Panginoon kay Moises.