The chat will start when you send the first message.
1Sinabi sa akin ng Panginoon ,
2“Anak ng tao, ipaalam mo sa Jerusalem ang mga kasuklam-suklam niyang gawa.
3Sabihin mo sa kanya na ako, ang Makapangyarihang Panginoon , ang nagsasabi nito sa Jerusalem: Isa ka sa lahi ng mga Cananeo! Ang ama mo ay isang Amoreo at ang iyong ina ay isang Heteo.
4Nang ipinanganak kaʼy walang nag-asikaso sa iyo. Walang pumutol ng pusod mo, nagpaligo o nagpahid ng asin sa katawan mo at wala ring nagbalot ng lampin sa iyo.
5Walang nagmalasakit sa iyo upang gawin ang mga bagay na ito. Walang sinumang naawa sa iyo. Sa halip, itinapon ka sa kapatagan at isinumpa mula nang araw na isinilang ka.
6“Ngunit nang mapadaan ako, nakita kitang kumakawag-kawag sa sarili mong dugo at sinabi ko sa iyong mabubuhay ka.
7Pinalaki kita tulad ng isang tanim sa bukirin. Lumaki ka at naging dalaga. Lumaki ang dibdib mo at lumago ang iyong buhok, pero hubad ka pa rin.
8“Nang muli akong mapadaan, nakita kong ganap ka nang dalaga. Kaya tinakpan ko ng aking balabal ang kahubaran mo at ipinangakong ikaw ay aking mamahalin. Gumawa ako ng kasunduan sa iyo, at ikaw ay naging akin. Ako, ang Makapangyarihang Panginoon , ang nagsasabi nito.
9“Pinaliguan kita at nilinis ang mga dugo sa katawan mo at pinahiran din kita ng langis.
10Pagkatapos, dinamitan kita ng mamahaling tela na pinong lino, seda na may magagandang burda at pinagsuot ng sandalyas na balat.
11Binigyan kita ng mga alahas: mga pulseras at kuwintas.
12Binigyan din kita ng singsing para sa ilong, hikaw at korona.
13Pinalamutian kita ng pilak at ginto, dinamitan ng pinong lino, mamahaling tela at burdadong damit. Ang pagkain moʼy mula sa pinakamagandang klase ng harina, pulot at langis ng olibo. Mas gumanda ka at ikaw ay naging reyna.
14Naging tanyag ka sa mga bansa dahil sa labis mong kagandahan, at sa karangyaang ibinigay ko sa iyo. Ako, ang Makapangyarihang Panginoon , ang nagsasabi nito.
15“Ngunit, nagtiwala ka sa iyong kagandahan at ginamit mo ang iyong katanyagan. Tulad ng isang babaeng bayaran, ipinagamit mo ang sarili mo sa kung kani-kaninong lalaki at nagpakasasa sila sa iyo.
16Ginamit mo ang iba mong damit upang pagandahin ang mga sambahan sa matataas na lugar at dooʼy ipinagamit mo ang iyong sarili sa mga lalaki. Hindi ito dapat nangyari.
17Ginamit mo rin ang mga pilak at gintong alahas na ibinigay ko sa iyo sa paggawa ng mga lalaking diyos-diyosan na sinamba mo at naging tulad ka ng babaeng bayaran.
18Pinadamitan mo ang mga diyos-diyosang iyon ng mga damit na may mga burda na ibinigay ko sa iyo at inihandog mo sa kanila ang mga langis ko at insenso.
19Inihandog mo rin sa kanila ang mga pagkaing ibinigay ko sa iyo mula sa magandang klaseng harina, pulot at langis ng olibo. Inihandog mo ito sa kanila bilang mabangong handog. Oo, iyan nga ang nangyari. Ako, ang Makapangyarihang Panginoon , ang nagsasabi nito.
20“Inihandog mo ang mga anak natin sa iyong mga diyos-diyosan upang kainin. Hindi ka pa ba nasisiyahan sa pagpapagamit mo sa kanila?
21Pinatay mo pa ang mga anak ko at inihandog sa mga diyos-diyosan.
22Sa lahat ng kasuklam-suklam mong gawain at pagpapagamit sa iba ay hindi mo na naisip kung papaano kita inalagaan noong kabataan mo pa, noong hubad ka at kumakawag-kawag sa sarili mong dugo.
23“Ako, ang Makapangyarihang Panginoon ay nagsasabing, nakakaawa ka! Maliban sa mga kasamaang ito na ginawa mo,
24nagtayo ka rin ng sambahan para sa mga diyos-diyosan, doon sa mga plasa
25at kanto ng mga lansangan. Doon, dinumihan mo ang iyong kagandahan at ipinagamit ang sarili mo sa kung kani-kaninong lalaki. Ipinagamit mo nang ipinagamit ang sarili mo.
26Nagpagamit ka tulad ng babaeng bayaran sa mga taga-Ehiptong kalapit-bansa mong malibog. Ginalit mo ako sa pamamagitan ng patuloy mong pagpapagamit bilang babaeng bayaran.
27Kaya pinarusahan kita at pinaliit ang nasasakupan mo. Ipinasakop kita sa mga kaaway mong Filisteo. Kahit sila ay nagulat sa iyong kahalayan.
28“At hindi ka pa nakontento, nagpagamit ka rin bilang babaeng bayaran sa mga taga-Asiria. Ngunit pagkatapos, hindi ka pa rin nasiyahan.
29Lalo pang tumindi ang iyong pagnanasa at nangalunya ka pa sa Babilonia na lugar ng mga mangangalakal, pero hindi ka pa rin nasiyahan.
30“Ako, ang Makapangyarihang Panginoon ay nagsasabing kay dali mong mahikayat! Para kang babaeng bayaran na walang kahihiyan!
31Nagtayo ka ng mga sambahan para sa mga diyos-diyosan sa mga kanto ng lansangan at mga plasa. Mas masahol ka pa kaysa sa babaeng bayaran dahil hindi ka nagpapabayad sa mga gumagamit sa iyo.
32Isa kang babaeng mangangalunya! Mas gusto mo pang sumiping sa iba kaysa sa asawa mo!
33Tumatanggap ng bayad ang mga babaeng bayaran, pero ikaw, ikaw pa ang nagbibigay ng mga regalo sa mga mangingibig mo upang suhulan silang makipagtalik sa iyo.
34Kabaligtaran ka ng mga babaeng bayaran! Walang nagyayaya sa iyo upang sumiping; ikaw pa ang nagyayaya. Hindi ka na nagpapabayad, ikaw pa ang nagbabayad. Kakaiba ka talaga!
35“Kaya ikaw babaeng bayaran, pakinggan mo ang sasabihin ng Panginoon !
36Ako, ang Makapangyarihang Panginoon , ay nagsasabi: Ipinakita mo ang iyong kahalayan at kahubaran sa mga mangingibig mo at sa mga kasuklam-suklam mong diyos-diyosan. Pinatay mo ang mga anak mo at inihandog sa kanila.
37Dahil sa ginawa mong ito, titipunin ko ang mga mangingibig na pinasasaya mo, ang mga minahal at kahit ang mga kinainisan mo. Titipunin ko sila upang kalabanin ka at huhubaran kita sa harap nila upang makita nila ang kahubaran mo.
38Paparusahan kita dahil sa pangangalunya mo at pagpatay. At dahil sa tindi ng galit ko at panibugho, papatayin kita.
39Ibibigay kita sa mga naging mangingibig mo at gigibain nila ang mga sambahang itinayo mo para sa iyong mga diyos-diyosan. Huhubaran ka nila at kukunin ang naggagandahan mong alahas, at iiwan ka nilang hubad.
40Dadalhin ka nila sa mga taong babato at tatadtad sa iyo sa pamamagitan ng kanilang espada.
41Susunugin nila ang bahay mo at parurusahan ka nila sa harap ng maraming babae. Ipapatigil ko ang pagpapagamit mo at ang pagbabayad mo sa iyong mga mangingibig.
42Sa gayon, mapapawi na ang matinding galit ko sa iyo at ang aking panibugho. Hindi na ako magagalit sa iyo.
43“Kinalimutan mo kung papaano kita inalagaan noong kabataan mo pa. Sa halip, ginalit mo ako sa iyong mga ginawa, kaya paparusahan kita ayon sa iyong mga gawa. Ako, ang Makapangyarihang Panginoon , ang nagsasabi nito. Hindi baʼt sa dami ng mga kasuklam-suklam mong ginawa, nagawa mo pang dagdagan ito ng kalaswaan?
44“Tingnan mo, may mga taong nagsabi ng kasabihang ito sa iyo: ‘Kung ano ang ina, ganoon din ang anak.’
45Talagang pareho kayo ng iyong ina na nagtakwil ng kanyang asawaʼt mga anak. Ang ina mo ay isang Heteo at ang ama mo ay isang Amoreo.
46Ang nakatatanda mong kapatid na babae ay ang Samaria sa hilaga kasama ang mga anak niyang babae at ang nakababata mong kapatid na babae ay ang Sodoma sa timog pati na ang mga anak niyang babae.[#16:46 : Ang ibig sabihin, mga naninirahan dito o ang mga baryo sa paligid nito. Ganito rin sa talata 48, 49, 53, 55|EZK 16:48,49,53,55.]
47Sinunod mo ang mga pag-uugali at kasuklam-suklam na gawain nila. At sa loob lang ng maikling panahon ay mas masama pa ang ginawa mo kaysa sa kanila.
48Ako, ang Makapangyarihang Panginoon na buhay, ay nagsasabi na ang kapatid mong Sodoma at ang mga anak niyang babae ay hindi gumawa ng tulad ng ginawa mo at ng mga anak mong babae.
49Ang kasalanan ng kapatid mong Sodoma ay pagmamataas. Siya at ang mga anak niyang babae ay sagana sa pagkain at maunlad ang buhay, pero hindi sila tumulong sa mahihirap at mga nangangailangan.
50Sa pagmamataas nila, gumawa sila ng kasuklam-suklam sa paningin ko, kaya pinarusahan ko sila katulad nga ng nakita mo.
51“Kahit ang Samaria ay hindi nakagawa ng kalahati man lang ng mga kasalanan mo. Mas marami ang mga kasuklam-suklam na bagay na ginawa mo kaysa sa kanila. At dahil sa mga ginawa mong ito, itinuring silang mas matuwid kaysa saʼyo.
52Pagdusahan mo ang iyong kahihiyan, sapagkat naging dahilan ka na maging matuwid ang iyong mga kapatid. Dapat kang mahiya dahil mas marami kang ginawang kasuklam-suklam na kasalanan kaysa sa mga kapatid mong babae, kaya lumabas pang mas matuwid sila kaysa sa iyo.
53Ngunit darating ang araw na muli kong pauunlarin ang Sodoma at Samaria, pati na ang mga anak nilang babae. At ikaw ay muli kong pauunlarin kasama nila,
54upang mapahiya ka sa lahat ng ginawa mo, dahil nagmukha pa silang matuwid kaysa sa iyo.
55Oo, muli kong pauunlarin ang mga kapatid mong babae – ang Sodoma at Samaria, ganoon din ang mga anak nilang babae. Ito rin ang mangyayari sa iyo at sa mga anak mong babae.
56Nilait mo noon ang Sodoma noong ikaw ay nagmamataas pa
57at hindi pa nabubunyag ang iyong kasamaan. Ngunit ngayon, katulad ka na rin niya. Nilalait ka na rin ng mga taga-Aram at ng mga bansa sa palibot niya, pati na ng mga Filisteo. Kinukutya ka ng mga nakapalibot sa iyo.
58Dadanasin mo ang parusa dahil sa iyong kahalayan at kasuklam-suklam na gawain. Ako, ang Panginoon , ang nagsasabi nito.”
59Ito pa ang sinabi ng Makapangyarihang Panginoon . “Parurusahan kita nang nararapat, dahil binalewala mo ang iyong pangako sa pamamagitan ng pagsira sa kasunduan natin.
60Ngunit tutuparin ko pa rin ang kasunduang ginawa ko sa iyo noong kabataan mo pa at gagawa ako sa iyo ng kasunduan na walang hanggan.
61Sa gayon, maaalala mo ang mga ginawa mo at mapapahiya ka, lalo na kung gagawin ko ang iyong mga kapatid na babae, ang Samaria at Sodoma, na iyong mga anak, kahit na hindi sila kasama sa kasunduan natin.
62Patitibayin ko ang kasunduan ko sa iyo, at malalaman mong ako ang Panginoon .
63Maaalala mo ang mga kasalanan mo at mahihiya ka, lalo na kapag pinatawad ko na ang lahat ng ginawa mo, hindi ka na makakapagsalita dahil sa sobrang kahihiyan,” sabi ng Makapangyarihang Panginoon .