The chat will start when you send the first message.
1Sinabi sa akin ng Panginoon :
2“Anak ng tao, humarap ka sa Bundok ng Seir; at sabihin mo ito laban sa mga mamamayan niya.[#35:2 : Isa pang tawag sa Edom.]
3Sabihin mong ako, ang Makapangyarihang Panginoon , ay nagsasabi: Kalaban ko kayo, mga taga-bundok ng Seir. Parurusahan ko kayo at magiging tiwangwang ang inyong lugar.
4Magigiba at magiging tiwangwang ang mga bayan ninyo. At malalaman ninyo na ako ang Panginoon .
5“Matagal na ninyong kinimkim ang inyong galit sa Israel, at pinabayaan lang ninyo sila sa digmaan sa panahon ng kanilang kagipitan, ang panahon na pinarurusahan sila dahil sa kanilang mga kasalanan.
6Kaya ako, ang Makapangyarihang Panginoon na buhay, ay sumusumpang ipapapatay ko kayo kahit saan kayo pumunta. Hahabulin kayo ng mamamatay-tao dahil pumatay din kayo.
7Gagawin kong tiwangwang ang bundok ng Seir at papatayin ko ang lahat ng dumadaan dito.
8Ang mga namatay sa inyo sa digmaan ay kakalat sa mga kabundukan, kaburulan, lambak at sa mga daluyan ng tubig.
9Gagawin kong tiwangwang ang inyong lugar sa habang panahon. Wala nang titira sa mga bayan ninyo. At malalaman ninyo na ako ang Panginoon .
10“Sinasabi ninyo na ang mga bansang Juda at ang Israel ay magiging inyo, at aangkinin ninyo ito kahit ako, ang Panginoon , ay kasama nila.
11Kaya ako, ang Makapangyarihang Panginoon na buhay, ay sumusumpang gagantihan ko kayo sa inyong galit, inggit at poot, na ipinadama ninyo sa mga mamamayan ko. Kaya malalaman ninyong ako ang Panginoon habang pinarurusahan ko kayo.
12Sa ganitong paraan, malalaman din ninyong ako ang Panginoon na nakaririnig ng lahat ng paglapastangan ninyo sa mga bundok ng Israel. Sapagkat sinasabi ninyong, ‘Wasak na ito, sakupin na natin!’
13Nagmalaki kayo sa akin. Kinutya nʼyo ako at narinig ko ito.
14Ito ang sinasabi ng Makapangyarihang Panginoon : Habang nagagalak ang buong mundo, gagawin kong tiwangwang ang inyong lupain.
15Dahil natuwa kayo nang naging tiwangwang ang lupaing ipinamana ko sa mga mamamayan ng Israel. Kaya ito rin ang mangyayari sa inyo. Magiging tiwangwang ang bundok ng Seir at ang buong lupain ng Edom. At malalaman ninyo na ako ang Panginoon .”