Ezekiel 45

Ang Paghahati-hati ng Lupain

1Sinabi pa ng Panginoon , “Kapag pinaghati-hati na ninyo ang lupain para sa bawat lahi ng Israel, bigyan ninyo ako ng parte na labintatlong kilometro ang haba at labing-isang kilometro ang luwang. Ang lupaing ito ay ituturing na banal.[#45:1 : Ganito sa tekstong Septuagint. Sa tekstong Hebreo, limang kilometro.]

2Ang bahagi nito na mga 265 metrong parisukat ang siyang pagtatayuan ng Templo, at sa paligid ng Templo ay may bakanteng bahagi na walumpuʼt walong metro ang luwang.

3-4Ang kalahati ng parte kong lupain na labintatlong kilometro ang haba at limang kilometro ang luwang ay ibubukod ko para sa mga paring naglilingkod sa Panginoon sa Templo. Pagtatayuan ito ng mga bahay nila at ng Templo na siyang pinakabanal na lugar.

5Ang natirang kalahati na labintatlong kilometro ang haba at mga limang kilometro ang lawak ay para sa mga Levita. Sila ang magmamay-ari nito at dito sila maninirahan.[#45:5 : Ganito sa tekstong Septuagint. Sa tekstong Hebreo, ng 20 silid.]

6“Sa katabi ng lupa na para sa akin, magbukod din kayo ng lupang labintatlong kilometro ang haba at tatlong kilometro ang luwang. Ito ang gawin ninyong lungsod, na maaaring ibigay na tirahan ng sinumang Israelita na gustong tumira roon.

7Ibibigay din ang dalawang bahagi ng lupain sa pinuno ng Israel. Ang isang bahagi ay nasa gawing kanluran ng hangganan ng lupaing para sa akin at ng lupaing gagawing lungsod papunta sa Dagat ng Mediteraneo, at ang isa ay mula sa hangganan sa silangan papunta sa Ilog Jordan. Ang hangganan nito sa silangan at sa kanluran ay pantay sa hangganan ng lupaing ibinahagi sa mga lahi ng Israel.

8Ang lupaing ito ang magiging parte ng pinuno ng Israel.

“Ang aking mga pinuno ay hindi na mang-aapi sa aking mga mamamayan. Hahayaan nila na ang mga mamamayan ng Israel ang magmay-ari ng lupang ibinibigay sa kanila ayon sa angkan nila.

9Sapagkat ako, ang Makapangyarihang Panginoon , ay nagsasabi: Kayong mga pinuno ng Israel, tama na ang ginagawa ninyo. Tigilan nʼyo na ang pagmamalupit at pang-aapi, at gawin ninyo kung ano ang matuwid at tama. Tigilan nʼyo na rin ang pangangamkam ng lupain ng aking mga mamamayan.

10Gamitin ninyo ang tamang timbangan, sukatan, o takalan.

11Ang homer ang batayan ng panukat sa pagbilang. Ang isang homer ay sampung epa o sampung bat.[#45:11 : Katumbas ng 100 salop.; #45:11 : Ang ginagamit na panukat ng trigo, sebada at iba pang mga butil.; #45:11 : Ang ginagamit na panukat ng langis, alak at iba pang inumin.]

12Ang shekel ang siyang batayan ng pagsukat ng bigat. Ang isang shekel ay dalawampung gera, at ang animnapung shekel ay isang mina.[#45:12 : Ang shekel ay mga 12 gramo.]

13“Ito ang mga kaloob na dapat ninyong ibigay sa pinuno ng Israel: isa sa bawat animnapu ng inani ninyong trigo at sebada,

14isa sa bawat isang daang bat ng langis ng olibo (ang takalan na gagamitin nito ay ang bat; ang sampung bat ay isang homer o isang cor),

15at isang tupa sa bawat dalawandaan ninyong hayop mula sa pastulan ng Israel. Ang mga kaloob na itoʼy gagamiting handog na pagkaing butil, handog na sinusunog at handog pangkapayapaan, upang mapatawad ang mga kasalanan ninyo. Ako, ang Makapangyarihang Panginoon , ang nagsasabi nito.

16Ang lahat ng Israelita ang magdadala ng mga kaloob na ito upang magamit ng pinuno ng Israel.

17Tungkulin naman ng pinuno ng Israel ang pagbibigay ng mga handog na sinusunog, handog ng pagkaing butil, handog na inumin, handog para sa kasalanan, at handog pangkapayapaan sa panahon ng pista katulad ng Pista ng Bagong Buwan, mga Araw ng Pamamahinga, at iba pang mga pista na ipinagdiriwang ng mga Israelita. Iaalay ang mga handog na ito upang mapatawad ang mga kasalanan ng mga mamamayan ng Israel.”

18Sinabi pa ng Makapangyarihang Panginoon , “Sa unang araw ng unang buwan, maghahandog kayo ng toro na walang kapintasan para sa paglilinis ng Templo.

19Ang pari ang dapat kumuha ng dugo mula sa handog para sa kasalanan at ipapahid niya sa hamba ng pintuan ng Templo, sa apat na sulok ng altar, at sa mga hamba ng pintuan sa bakuran sa loob.

20Ganito rin ang gawin ninyong seremonya sa ikapitong araw ng buwan ding iyon, para sa sinumang magkasala ng hindi sinasadya o nagkasala nang walang alam. Sa ganitong paraan malilinis ninyo ang Templo.

21“Sa ikalabing-apat na araw ng unang buwan, ipagdiwang ninyo ang Pista ng Paglampas ng Anghel. Ipagdiriwang ninyo ito sa loob ng pitong araw, at tinapay na walang pampaalsa lang ang kakainin ninyo.

22Sa unang araw ng pagdiriwang ninyo, ang pinuno ay mag-aalay ng batang toro bilang handog para sa kasalanan para sa kanyang sarili at sa lahat ng Israelita.

23Bawat araw sa loob ng pitong araw ng pagdiriwang ninyo, ang pinuno ay maghahandog ng pitong batang toro at pitong lalaking tupa na walang kapintasan bilang handog na sinusunog para sa Panginoon . At maghahandog din siya ng isang lalaking kambing bilang handog para sa kasalanan.

24Sa bawat batang toro at lalaking tupa, kinakailangang may kasamang handog pagkaing butil na kalahating sakong harina at isang galong langis ng olibo.

25Ganito rin ang ihahandog ng pinuno sa Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol na magsisimula sa ikalabinlimang araw ng ikapitong buwan. At sa loob ng pitong araw, ang pinuno ay mag-aalay ng katulad ng inihandog niya sa Pista ng Paglampas ng Anghel: mga handog para sa kasalanan, handog na sinusunog, handog na pagkaing butil at langis.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.