1Ito ang talaan ng mga lahi ng Israel at ang mga lupaing magiging bahagi nila: Ang lupain para sa lahi ni Dan ay nasa hilaga. Ang hangganan nito ay magsisimula sa Hetlon patungo sa Lebo-hamat hanggang sa Hazar Enan na nasa hangganan ng Damasco at ng Hamat sa hilaga. Ang luwang ng lupain para sa lahi ni Dan ay magmumula sa silangan hanggang sa kanluran ng Israel.
2Ang lupain ng lahi ni Asher ay nasa bandang timog ng lupain ng lahi ni Dan, at ang luwang nito ay mula rin sa silangan hanggang sa kanluran ng Israel.
3Katabi ng lupain ng lahi ni Asher ang lupain ng lahi ni Neftali na nasa hilaga ng lupain ni Asher at ang luwang nito ay mula rin sa silangan hanggang sa kanluran ng lupain ng Israel.
4Ang lupain ng lahi ni Manases ay nasa gawing timog ng lupain ng lahi ni Neftali, at ang luwang nito ay mula pa rin sa silangan hanggang sa kanluran ng Israel.
5Ang lahi ni Efraim ay magkakaroon ng isang bahagi; ang magiging hangganan nito ay ang teritoryo ng lahi ni Manases mula sa silangan hanggang sa kanluran.
6Ang lahi ni Ruben ay magkakaroon ng isang bahagi; ang magiging hangganan nito ay teritoryo ni Efraim mula sa silangan hanggang sa kanluran.
7Ang lahi ni Juda ay magkakaroon ng isang bahagi; ang magiging hangganan nito ay ang teritoryo ng lahi ni Ruben mula sa silangan hanggang sa kanluran.
8Ang lupain sa bandang hilaga ng Juda ay ibibigay ninyo sa Panginoon bilang tanging handog. Ang haba nito ay 13 kilometro at ang lawak ay mula rin sa silangan hanggang sa kanluran ng Israel, katulad din ng sa mga lahi ng Israel. Sa gitna ng lupang ito itatayo ang Templo.
9Ang bahaging ibibigay ninyo sa Panginoon upang pagtayuan ng Templo ay 13 kilometro ang haba at mga limang kilometro ang lawak.
10At ang natitirang kalahati ng lupaing ito ay ibibigay sa mga pari, 13 kilometro ang haba mula sa silangan hanggang sa kanluran, at mga limang kilometro ang lawak mula timog hanggang hilaga. Sa gitna nito ay ang Templo ng Panginoon .
11Ang lupang ito ay para sa mga hinirang na pari, na anak ni Sadoc, na aking tapat na lingkod. Hindi siya lumayo sa akin, hindi katulad ng ginawa ng ibang Levita na sumáma sa mga Israelitang tumalikod sa akin.
12Ito ang natatanging handog para sa kanila sa panahong paghahati-hatiin na ninyo ang lupain, at ito ang kabanal-banalang lupa na hangganan ng teritoryo ng mga Levita.
13Katabi ng lupain ng mga pari ay ang lupain para sa ibang Levita na 13 kilometro ang haba at mga limang kilometro ang lawak.
14Ang lupaing ito ay hindi nila maaaring ipagbili o ipalit kahit na maliit na bahagi nito, dahil pinakamagandang lupain ito at banal para sa Panginoon .
15Ang natitirang lupain na 13 kilometro ang haba at dalawaʼt kalahating kilometro ang luwang ay para sa lahat. Maaari itong tirahan ng tao o pastulan ng kanilang mga hayop. Sa gitna nito ay ang lungsod
16na ang lawak ay mahigit dalawang kilometro sa gawing kanluran, mahigit dalawang kilometro sa gawing silangan, mahigit dalawang kilometro sa gawing hilaga, at mahigit dalawang kilometro rin sa gawing timog.
17Napapalibutan ang lungsod ng bakanteng bahagi na 135 metro ang luwang sa kanluran, silangan, hilaga, at sa timog.
18Sa labas ng lungsod ay may bukid na ang haba ay limang kilometro sa gawing silangan at limang kilometro rin sa gawing kanluran. Katabi ito ng banal na lupa. Ang mga ani mula sa bukid na ito ay ibibigay na pagkain para sa mga nagtatrabaho sa lungsod.
19Ang mga nagtatrabahong ito ay mula sa ibaʼt ibang lahi ng Israel. Maaari silang magtanim sa lupa ng lungsod na ito.
20Kaya ang kabuuan ng lupaing ibibigay ninyo sa Panginoon bilang natatanging handog pati na ang banal na lupa at ang lungsod ay labindalawang kilometro kuwadrado.
21Ang natitirang lupain sa gawing silangan at kanluran ng banal na lupain at ng lungsod ay ibibigay sa pinuno. Ang mga lupaing ito ay may luwang na 13 kilometro na umaabot hanggang sa hangganan sa silangan at kanluran.
22Kaya sa gitna ng lupain na para sa pinuno ay ang aking banal na lugar, ang Templo, ang lupain ng mga Levita, at ang bayan. Ang lupaing para sa pinuno ay nasa gitna ng lupain ng lahi ni Juda at ng lahi ni Benjamin.
23Ito naman ang mga lupaing tatanggapin ng ibang mga lahi: Ang lupain ng lahi ni Benjamin ay nasa gawing timog ng lupain ng mga pinuno, at ang lawak ay mula sa silangan hanggang sa kanluran ng lupain ng Israel.
24Katabi ng lupain ng lahi ni Benjamin sa gawing timog ay ang lahi ni Simeon at ang haba nito ay mula sa silangan hanggang sa kanluran ng lupain ng Israel.
25Ang lahi ni Isacar ay magkakaroon ng isang bahagi; ang magiging hangganan nito ay ang teritoryo ng lahi ni Simeon mula sa silangan hanggang sa kanluran.
26Ang lahi ni Zebulun ay magkakaroon ng isang bahagi; ang magiging hangganan nito ay ang teritoryo ng lahi ni Isacar mula sa silangan hanggang sa kanluran.
27Ang lahi ni Gad ay magkakaroon ng isang bahagi; ang magiging hangganan nito ay ang teritoryo ng lahi ni Zebulun mula sa silangan hanggang sa kanluran.
28Ang hangganan sa timog ng lupaing para sa lahi ni Gad ay magsisimula sa Tamar patungo sa bukal ng Meriba-kades hanggang sa Lambak ng Ehipto patungo sa Dagat ng Mediteraneo.[#48:28 : O Meriba sa Kades.]
29Ito ang mga lupaing tatanggapin ng mga lahi ng Israel na kanilang mamanahin, sabi ng Makapangyarihang Panginoon .
30“Ito ang mga lagusan papunta sa lungsod: Sa pader sa hilaga na isaʼt kalahating milya ang haba,
31mayroong tatlong pintuan at bawat pintuan ay pinangalanan ng isang tribo ng Israel. Ang una ay pinangalanang Ruben, ang ikalawa ay Juda, at and ikatlo ay Levi.
32Sa pader sa silangan na isaʼt kalahating milya ang haba, pinangalanan ang mga pintuan na Jose, Benjamin at Dan.
33Sa pader sa timog na isaʼt kalahating milya rin ang haba, ang mga pintuan ay pinangalanang Simeon, Isacar at Zebulun.
34At doon naman sa pader sa kanluran na isaʼt kalahating milya rin ang haba, ang mga pintuan ay pinangalanang Gad, Asher at Neftali.
35Kaya ang kabuuang haba ng pader ay mga siyam na kilometro. At mula sa araw na iyon, ang lungsod ay tatawaging, ‘Naroon ang Panginoon !’ ”