Ezekiel 6

Ang Hatol Laban sa mga Bundok ng Israel

1Sinabi ng Panginoon sa akin,

2“Anak ng tao, humarap ka sa mga bundok ng Israel at sabihin mo ito sa kanila:

3‘O mga bundok ng Israel, mga burol, mga lambak, at mga kapatagan, dinggin ninyo ang sinasabi ng Makapangyarihang Panginoon : Padadalhan ko kayo ng digmaan at gigibain ko ang mga sambahan sa matataas na lugar.

4Gigibain ko ang mga altar ninyo pati na ang mga altar na pagsusunugan ng insenso at papatayin ko ang mamamayan ninyo sa harap ng inyong mga diyos-diyosan.

5Ikakalat ko ang mga bangkay ninyong mga Israelita sa harap ng inyong mga diyos-diyosan at ikakalat ko rin ang mga buto ninyo sa palibot ng inyong mga altar.

6Saan ka man manirahan na bayan sa Israel, ito ay wawasakin upang masira ang mga sambahan ninyo sa matataas na lugar, mga diyos-diyosan at mga altar pati na ang mga altar na pinagsusunugan ng insenso at ang iba pang ginawa ninyo.

7Mamamatay ang inyong mga mamamayan at malalaman ninyo na ako ang Panginoon .

8“ ‘Ngunit may ititira ako sa inyo mula sa digmaan. Makakatakas ang iba at makakalat sa ibang bansa.

9At doon sa mga bansang pinagdalhan sa kanila bilang mga bihag, doon nila ako maaalala at maiisip na nila kung paano ako nagdamdam nang magtaksil sila sa akin at higit nilang pinahalagahan ang mga diyos-diyosan. Masusuklam sila sa sarili nila dahil sa masama at kasuklam-suklam nilang ginawa.

10At malalaman nilang ako ang Panginoon , at totoo ang babala na ipinasabi ko na gagawin ko sa kanila.

11“ ‘Pagkatapos, sinabi sa akin ng Makapangyarihang Panginoon : Pumalakpak ka at pumadyak at sabihin mong mabuti nga sa mga mamamayan ng Israel, dahil sa lahat ng masasama at kasuklam-suklam nilang ginawa. Ito ang dahilan kung bakit mamamatay sila sa digmaan, gutom at sakit.

12Ang mga nasa malayo ay mamamatay sa sakit. Ang nasa malapit ay mamamatay sa digmaan. At ang natitira ay mamamatay sa gutom. Sa ganitong paraan, madadama nila ang galit ko sa kanila.

13At malalaman nilang ako ang Panginoon kapag ang bangkay ng mga kababayan nila ay kumalat kasama ng kanilang mga diyos-diyosan sa palibot ng kanilang mga altar, burol, tuktok ng bundok, malalaking punongkahoy at mayayabong na punong ensina sa lugar na pinaghahandugan nila ng mabangong samyo para sa lahat ng kanilang diyos-diyosan.

14Parurusahan ko sila saan man sila tumira, at gagawin kong tiwangwang ang lupain nila mula sa disyerto sa timog hanggang sa Dibla sa hilaga, at malalaman nila na ako ang Panginoon .’ ”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.