Ezekiel 7

Malapit na ang Katapusan ng Israel

1Sinabi sa akin ng Panginoon :

2“Anak ng tao, ako, ang Makapangyarihang Panginoon , ay nagsasabi sa bansang Israel:

‘Ito na ang katapusan

ng buong lupain ng Israel.

3Katapusan na ninyo,

dahil ipaparamdam ko na ang galit ko.

Hahatulan ko kayo ayon sa pamumuhay ninyo

at pagbabayarin ko na kayo

ayon sa lahat ng kasuklam-suklam

na ginawa ninyo.

4Hindi ko na kayo kahahabagan.

Hindi ko kayo pagbibigyan.

Hahatulan ko kayo

sa inyong pamumuhay

at sa inyong kasuklam-suklam na ginawa.

Kaya malalaman ninyo na ako ang Panginoon .’

5“Ako, ang Makapangyarihang Panginoon , ay nagsasabi:

‘Darating sa inyo

ang sunod-sunod na kapahamakan.

6Ito na ang wakas!

Ito na ang katapusan ninyo!

7Kayong mga nakatira sa lupain ng Israel,

dumating na sa inyo ang kapahamakan.

Malapit na ang oras na magkakagulo kayo.

Tapos na ang maliligayang araw ninyo

sa mga kabundukan.

8Hindi magtatagal at ipaparamdam ko

na sa inyo ang matindi kong galit.

Hahatulan ko kayo ayon sa inyong pamumuhay,

at pagbabayarin ko kayo

sa inyong mga kasuklam-suklam

na ginawa.

9Hindi ko kayo kahahabagan;

hindi ko kayo pagbibigyan.

Pagbabayarin ko kayo ayon

sa inyong pamumuhay

at sa mga kasuklam-suklam

na ginawa ninyo.

At ditoʼy malalaman ninyong ako,

ang Panginoon ,

ang nagparusa sa inyo.

10“ ‘Malapit na ang araw ng pagpaparusa.

Darating na ang kapahamakan.

Sukdulan na ang kasamaan

at kayabangan ng mga tao.

11Ang kalupitan nilaʼy babalik sa kanila

bilang parusa sa kanilang kasamaan nila.

Walang matitira sa kanila,

pati ang lahat ng kayamanan nila

ay mawawala.

12Oo, malapit na ang araw ng pagpaparusa.

Hindi na ikatutuwa

ng mga mamimili ang natipid nila

at hindi na rin malulungkot

ang mga naluging nagbebenta,

dahil mararanasan

ng lahat ang aking galit.

13Kung may mga nagbebenta mang makakabawi,

hindi na sila makakabalik sa pagtitinda

sapagkat ang mga sinabi ko

tungkol sa buong bansa ng Israel

ay hindi na mababago.

Hindi maililigtas ng bawat

gumagawa ng kasamaan

ang kanyang buhay.

14“ ‘Kahit na hipan pa nila ang trumpeta

upang ihanda ang lahat sa pakikipaglaban,

wala ring pupunta sa digmaan,

dahil mararanasan ng lahat ang galit ko.

15Ang sinumang lalabas ng lungsod

ay mamamatay sa digmaan.

Ang mananatili naman sa loob ng lungsod

ay mamamatay sa sakit at gutom.

16Ang mga makakaligtas sa kamatayan

at tatakas papunta sa mga bundok

ay iiyak doon na parang huni ng kalapati,

dahil sa kani-kanilang kasalanan.

17Manghihina ang mga kamay nila

at mangangatog ang kanilang mga tuhod.

18Magsusuot sila ng damit na sako

at aahitin ang kanilang buhok

upang ipahayag ang kanilang

pagdadalamhati.

Takot at kahihiyan

ang makikita sa mukha nila.

19“ ‘Itatapon nila sa mga lansangan

ang mga pilak

at ginto nila na parang maruruming bagay.

Hindi sila maililigtas ng mga ito

sa araw ng paghatol ng Panginoon .

Hindi rin nila ito makakain upang mabusog sila

sapagkat ito ang dahilan

kung bakit sila nagkasala.

20Ipinagmamalaki nila ang kanilang

mga naggagandahan hiyas

na siyang ginamit nila

upang gumawa ng mga kasuklam-suklam

na diyos-diyosan.

Kaya gagawin kong marumi

ang mga bagay na ito para sa kanila.

21Ipapasamsam ko ito sa masasamang dayuhan

at itoʼy kanilang dudungisan.

22Pababayaan kong lapastanganin nila

at nakawan ang aking Templo.

Papasukin at lalapastanganin ito

ng mga magnanakaw.

23“ ‘Bibihagin ang aking mga mamamayan

dahil puro patayan

at puno ng karahasan

ang kanilang lungsod.

24Dadalhin ko ang pinakamasasamang bansa

upang sakupin ang kanilang

mga tahanan.

Tatapusin ko ang pagmamataas

ng kanilang mga makapangyarihang tao,

at ipalalapastangan ko

ang mga sambahan nila.

25Darating sa kanila ang takot

at hahanapin nila kapayapaan

ngunit hindi nila ito matatagpuan.

26Darating sa kanila ang sunod-sunod na panganib

at masasamang balita.

Magtatanong sila sa mga propeta,

pero wala silang matatanggap

na kasagutan.

Magpapaturo sila sa mga pari

at hihingi ng payo sa mga tagapamahala,

pero hindi sila tuturuan at papayuhan.

27Magdadalamhati ang hari

at mawawalan ng pag-asa

ang kanyang mga tagapamahala.

Ang mga taoʼy manginginig sa takot.

Parurusahan ko sila ayon

sa kanilang pamumuhay.

Hahatulan ko sila

kung paano nila hinatulan ang iba.

At malalaman nila na ako ang Panginoon .’ ”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.