Ezra 10

Ang Pagpapahayag ng mga Israelita ng Kanilang mga Kasalanan

1Habang nakaluhod si Ezra na nananalangin sa harapan ng bahay ng Diyos, umiiyak siya at nagpapahayag ng mga kasalanan ng mga mamamayan ng Israel. Maraming Israelitang lalaki, babae, at mga kabataan ang nakapaligid sa kanya na umiiyak din nang malakas.

2Pagkatapos, sinabi sa kanya ni Secanias na anak ni Jehiel, na angkan ni Elam, “Hindi kami naging tapat sa Diyos natin dahil nagsipag-asawa kami ng mga dayuhang babae na galing sa mga sambayanang nasa paligid natin. Ngunit sa kabila nito, may pag-asa pa rin ang Israel.

3Kaya ngayon, susundin namin ang payo nʼyo at ng iba pang gumagalang sa mga utos ng ating Diyos. Gagawa kami ng kasunduan sa ating Diyos na palalayasin namin ang mga babaeng ito pati na ang kanilang mga anak. Tutuparin namin ang sinasabi ng Kautusan.

4Tumayo po kayo, dahil tungkulin nʼyo na gabayan kami sa mga bagay na ito. Magpakatatag kayo at gawin ang nararapat. Tutulungan namin kayo.”

5Kaya tumayo si Ezra at pinanumpa niya ang mga namumunong pari, mga Levita, at ang lahat ng mga Israelita, na gagawin nila ang sinasabi ni Secanias. At nanumpa sila.

6Pagkatapos, umalis si Ezra sa harapan ng bahay ng Diyos at pumunta sa kuwarto ni Jehohanan na anak ni Eliasib. Pagdating niya roon, hindi siya kumain at uminom, dahil nalulungkot siya dahil hindi naging tapat ang mga Israelitang bumalik mula sa pagkabihag.

7Nagpalabas ng mensahe sa buong Juda at Jerusalem ang mga tagapamahala sa mga Israelita, ipinapabatid na ang lahat ng bumalik galing sa pagkabihag ay magtipon sa Jerusalem.

8At ang sinumang hindi darating sa loob ng tatlong araw, ayon sa utos ng mga pinuno at tagapangasiwa, ay kukunin sa kanya ang lahat ng kanyang ari-arian, at hindi na siya ituturing na bahagi ng mga bumalik mula sa pagkabihag.

9Kaya sa loob ng tatlong araw, nagtipon ang buong mamamayan ng Juda at Benjamin, at naupo sila doon sa plasa ng bahay ng Diyos sa Jerusalem. Nangyari ito nang ikadalawampung araw ng ikasiyam na buwan. Nanginginig ang mga tao dahil napakaseryoso ng pinag-uusapan nila at dahil sa malakas na ulan.

10Pagkatapos, tumayo si Ezra, na pari, at sinabi, “Nagkasala kayo dahil nagsipag-asawa kayo ng mga dayuhan. Dahil dito, dinagdagan nʼyo pa ang kasalanan ng Israel.

11Ngayon, ipahayag nʼyo ang mga kasalanan nʼyo sa Panginoon ng mga ninuno nʼyo, at gawin nʼyo ang kalooban niya. Ibukod nʼyo ang sarili nʼyo sa mga tao sa paligid ninyo, at hiwalayan nʼyo ang mga asawa nʼyong dayuhan.”

12Sumagot nang malakas ang buong mamamayan, “Tama ka! Gagawin namin ang sinabi mo.

13Ngunit ang bagay na ito ay hindi matatapos sa isa o dalawang araw lamang dahil napakarami sa amin ang nakagawa ng ganitong kasalanan. Tag-ulan pa ngayon, at hindi namin kayang magpaulan dito sa labas.

14Ang mga opisyal na lang natin ang magpaiwan dito at mag-asikaso nito para sa buong mamamayan. Papuntahin na lang dito sa takdang oras ang mga nagsipag-asawa ng dayuhan kasama ang mga tagapamahala at mga hukom ng bayan nila. Gawin natin ito upang mapawi ang matinding galit ng Diyos sa atin dahil sa bagay na ginawa natin.”

15Walang sumuway sa planong ito maliban kina Jonatan na anak ni Asahel at Jazeias na anak ni Tikva. Sinuportahan din sila nina Mesulam at Sabetai na Levita.

16Tinupad ng mga bumalik sa pagkabihag ang planong iyon. Kaya pumili si Ezra, na pari, ng mga lalaking pinuno ng mga pamilya, at inilista ang pangalan nila. At sa unang araw ng ikasampung buwan, naupo sila at sinimulan nila ang pagsisiyasat ng mga kaso.

17At sa unang araw ng unang buwan, natapos nila ang pagsisiyasat sa lahat ng mga kalalakihang nag-asawa ng mga dayuhang babae.

Ang mga Lalaking Nagsipag-asawa ng mga Dayuhan

Mula sa angkan ni Josue na anak ni Josadac at ang mga kapatid niya:

20Mula sa angkan ni Imer:

21Mula sa angkan ni Harim:

22Mula sa angkan ni Pashur:

23Mula sa mga Levita:

24Mula sa mga musikero:

Mula sa mga tagapagbantay ng Templo:

25Mula sa iba pang mga Israelita:

44Silang lahat ang nagsipag-asawa ng mga dayuhang babae, at ang iba sa kanila ay may mga anak sa mga babaeng ito.[#10:44 : O at pinalayas nila ang mga asawaʼt mga anak nila.]

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.
0:00-0:00