Genesis 14

Iniligtas ni Abram si Lot

1Nang panahong iyon, sina Haring Amrafel ng Sinar, Haring Arioc ng Elasar, Haring Kedorlaomer ng Elam, at Haring Tidal ng Goyim

2ay nakipagdigma kina Haring Bera ng Sodoma, Haring Birsa ng Gomora, Haring Sinab ng Adma, Haring Semeber ng Zeboim, at sa hari ng Bela na tinatawag ding Zoar.

3Nagtipon ang limang haring ito kasama ang kanilang mga sundalo roon sa Lambak ng Sidim na tinatawag ngayon na Dagat na Patay.

4Ang mga haring ito ay sinakop ni Kedorlaomer sa loob ng labindalawang taon, ngunit nang ikalabintatlong taon, nagrebelde sila laban sa kanya.

5At nang ikalabing-apat na taon, tinalo ni Kedorlaomer at ng mga kakampi niyang hari ang mga Refaita sa Asterot-carnaim, ang mga Zuzita sa Ham, ang mga Emita sa kapatagan ng Save-kiryataim,

6at ang mga Horeo sa kaburulan ng Seir hanggang sa Elparan na malapit sa disyerto.

7Mula roon, bumalik sila at nakarating sa Enmispat na tinatawag ngayong Kades. At sinakop nila ang lahat ng lupain ng mga Amalekita at mga Amoreo na nakatira sa Hazazon-tamar.

8Ngayon, tinipon ng mga hari ng Sodoma, Gomora, Adma, Zeboim at Bela ang mga sundalo nila sa Lambak ng Sidim

9at nakipaglaban sila kina Haring Kedorlaomer ng Elam, Haring Tidal ng Goyim, Haring Amrafel ng Sinar, at Haring Arioc ng Elasar; limang hari laban sa apat na hari.

10Ang Lambak ng Sidim sa panahong iyon ay may maraming malalim na hukay na pinagkukunan ng aspalto. At nang tumakas ang hari ng Sodoma at ng Gomora kasama ang mga tauhan nila, nahulog sila sa mga balon, ngunit ang natirang mga kasamahan nila ay tumakas sa kabundukan.

11At sinamsam ng apat na hari ang lahat ng mga ari-ariang nasa Sodoma at Gomora pati ang mga pagkain nila; saka sila umalis.

12Binihag din nila si Lot na ang pamangkin ni Abram sapagkat nakatira siya sa Sodoma, at kinuha rin ang lahat ng kanyang mga ari-arian.

13Ngunit may isang nakatakas at nagbalita kay Abram na Hebreo tungkol sa nangyari. Si Abram ay nakatira malapit sa malalaking puno ni Mamre na Amoreo. Si Mamre at ang mga kapatid niyang sina Escol at Aner ang mga kakampi ni Abram.

14Nang marinig ni Abram na binihag ang kanyang pamangking si Lot, tinipon niya agad ang 318 niyang sanay na tauhan na ipinanganak sa kanyang sambahayan. Hinabol nila ang apat na hari hanggang sa Dan.

15Kinagabihan, pinangkat ni Abram ang kanyang mga tauhan at nilusob nila ang mga kalaban, at natalo nila ang mga ito. Ang ibang nakatakas ay hinabol nila hanggang sa Hoba, sa hilaga ng Damasco.

16Binawi nila ang lahat ng ari-ariang sinamsam ng mga kalaban. Binawi rin nila si Lot at ang mga ari-arian nito pati ang mga babae at ang iba pang mga tao.

Binasbasan ni Melquisedec si Abram

17Nang pauwi na si Abram, matapos nilang talunin si Kedorlaomer at ang mga kasama niyang mga hari, sinalubong siya ng hari ng Sodoma sa Lambak ng Save (na tinatawag ding Lambak ng Hari).

18Sumalubong din kay Abram si Haring Melquisedec ng Salem at pari ng Kataas-taasang Diyos na may dalang pagkain at inumin.

19Binasbasan niya si Abram at sinabing:

“Nawaʼy pagpalain ka Abram ng Kataas-taasang Diyos

na lumikha ng langit at lupa.

20Purihin ang Kataas-taasang Diyos

na nagbigay ng tagumpay sa iyo laban sa mga kaaway mo!”

Pagkatapos, binigyan ni Abram si Melquisedec ng ikasampung bahagi ng lahat ng nasamsam niya sa labanan.

21Sinabi ng hari ng Sodoma kay Abram, “Kahit sa iyo na lang ang lahat ng mga samsam na nabawi mo, isauli mo lang sa akin ang lahat ng aking mga tauhan.”

22Ngunit sinabi ni Abram sa hari ng Sodoma, “Isinusumpa ko sa harapan ng Panginoon , ang Kataas-taasang Diyos na siyang lumikha ng langit at lupa,

23na hindi ako kukuha ng kahit anumang ari-ariang galing sa iyo, kahit sinulid o kayaʼy tali ng sandalyas, upang hindi mo sabihing, ‘Ako ang nagpayaman kay Abram.’

24Hindi ako tatanggap ng kahit anuman para sa sarili ko. Ang ituturing ko lang na natanggap ko ay ang mga kinain ng aking mga tauhan, at pabayaan mo lang sina Aner, Escol at Mamre na sumáma sa akin na makuha ang bahagi nila.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.