The chat will start when you send the first message.
1Si Sarai na asawa ni Abram ay hindi magkaanak. Ngunit may alipin siyang babae na taga-Ehipto na ang pangalan ay Hagar.
2Kaya sinabi ni Sarai kay Abram, “Sapagkat hindi pinahintulutan ng Panginoon na akoʼy magkaanak, sumiping ka sa alipin kong babae, baka sakaling magkaroon tayo ng anak sa pamamagitan niya.”
Pumayag si Abram sa sinabi ng kanyang asawa.
3Kaya ibinigay ni Sarai ang kanyang Ehipsiyong alipin na si Hagar kay Abram upang maging asawa nito. (Nangyari ito matapos manirahan si Abram sa Canaan ng sampung taon.)
4Sumiping nga siya kay Hagar at itoʼy nagbuntis.
Nang malaman ni Hagar na buntis siya, hinamak niya si Sarai, ang kanyang amo.
5Dahil dito, sinabi ni Sarai kay Abram, “Ikaw ang dapat sisihin sa pang-aalipusta ni Hagar sa akin. Ibinigay ko siya sa iyo ngunit ngayong buntis na si Hagar hinahamak na niya ako. Ang Panginoon na ang humatol kung sino sa atin ang tama.”
6Sumagot si Abram, “Kung ganoon, ibabalik ko siya sa iyo bilang alipin mo at bahala ka kung ano ang gusto mong gawin sa kanya.” Simula noon, hindi naging maganda ang pakikitungo ni Sarai kay Hagar, kaya tumakas na lamang ito.
7Nakita si Hagar ng anghel ng Panginoon doon sa bukal ng tubig sa ilang. Ang bukal na ito ay malapit sa daan na papuntang Shur.
8Tinanong siya ng anghel, “Hagar, alipin ni Sarai, saan ka ba nanggaling at saan ka pupunta?”
Sumagot siya, “Tumakas po ako sa amo kong si Sarai.”
9Sinabi ng anghel ng Panginoon sa kanya, “Bumalik ka sa amo mo at magpakumbaba ka sa kanya.”
10Pagkatapos, sinabi pa ng anghel, “Pararamihin ko ang lahi mo, at ang dami nilaʼy hindi mabibilang.”
11At sinabi pa ng anghel ng Panginoon sa kanya,
“Nagdadalantao ka ngayon
at magsisilang ka ng lalaki.
Pangangalanan mo siyang Ismael,
sapagkat narinig ng Panginoon
ang iyong pagdaing.
12Ngunit ang anak mo ay mabubuhay
tulad ng isang asnong-gubat.
Kakalabanin niya ang lahat,
at ang lahat ay lalaban sa kanya.
Kahit ang mga kamag-anak niya
ay kakalabanin sa kanya.”
13Tinawag ni Hagar na “Diyos na Nakakakita” ang pangalan ng Panginoon na nakipag-usap sa kanya, sapagkat sinabi niya, “Tunay bang nakita ko ang Diyos na nakakakita sa akin sa lugar na ito?”
14Iyon ang bukal na naroon sa gitna ng Kades at Bered na tinatawag na Beer-lahai-roi.[#16:14 : Ang ibig sabihin, Balon ng buháy na Diyos na nakakakita sa akin.]
15At nagsilang si Hagar ng isang anak na lalaki kay Abram. Pinangalanan niya ang kanyang anak ng Ismael.
16Si Abram ay walumpuʼt anim na taóng gulang nang ipinanganak ni Hagar si Ismael.