Genesis 17

Ang Pagtutuli ay Tanda ng Kasunduan

1Nang siyamnapuʼt siyam na taóng gulang si Abram, nagpakita sa kanya ang Panginoon at sinabi, “Ako ang Diyos na Makapangyarihan. Palagi kang maging matapat sa akin at mamuhay nang matuwid.

2Tutuparin ko ang kasunduan ko sa iyo; pararamihin ko ang mga lahi mo.”

3Nang marinig ito ni Abram, nagpatirapa siya. Sinabi ng Diyos sa kanya,

4“Sa ganang akin, ito ang aking kasunduan sa iyo: Magiging ama ka ng maraming bansa.

5Mula ngayon, hindi na Abram ang itatawag sa iyo kundi Abraham dahil gagawin kitang ama ng maraming bansa.[#17:5 : Ang ibig sabihin ay ama ng maraming tao.]

6Pararamihin ko ang mga lahi mo at magtatayo sila ng mga bansa, at ang iba sa kanila ay magiging hari.

7Tutuparin ko ang kasunduan ko sa iyo at sa mga lahi mo sa susunod mo pang mga henerasyon, at ako ang magiging Diyos nila. Ang kasunduang ito ay magpapatuloy magpakailanman.

8Mga dayuhan lamang kayo ngayon sa lupain ng Canaan. Ngunit ibibigay ko ang buong lupaing ito sa iyo at sa mga lahi mo. Magiging inyo na ito magpakailanman, at patuloy akong magiging Diyos ninyo.”

9Sinabi pa ng Diyos kay Abraham, “Ingatan mo ang kasunduan nating ito, at ganoon din ang dapat gawin ng mga lahi mo sa susunod pang mga henerasyon.

10At tungkol sa kasunduang ito, dapat ninyong tuliin ang lahat ng lalaki.

11Ito ang magiging palatandaan ng kasunduan ko sa inyo.

12Mula ngayon hanggang sa susunod pang mga henerasyon, ang lahat ng batang lalaking isinilang sa inyo ay dapat tuliin sa ikawalong araw nito, pati ang mga aliping lalaki na isinilang sa sambahayan ninyo o binili ninyo sa mga dayuhan.

13Kailangang matuli silang lahat, isinilang man ito sa sambahayan ninyo o binili ninyo. Sapagkat ito ang palatandaan sa katawan ninyo na ang kasunduan ko sa inyo ay magpapatuloy magpakailanman.

14Ang sinumang lalaki sa inyong tumangging magpatuli ay huwag ninyong ituring na kababayan, dahil binalewala niya ang aking kasunduan.”

15Sinabi pa ng Diyos kay Abraham, “Tungkol naman sa asawa mong si Sarai, hindi mo na siya tatawaging Sarai, kundi mula ngayon ay Sara na ang itatawag mo sa kanya.[#17:15 : Ang ibig sabihin ay prinsesa.]

16Pagpapalain ko siya at bibigyan kita ng anak sa pamamagitan niya. Magiging ina siya ng maraming bansa, at ang iba niyang mga lahi ay magiging hari.”

17Nang marinig ito ni Abraham, nagpatirapa siya, ngunit tumawa siya sa kanyang narinig. Sinabi niya sa kanyang sarili, “Magkakaanak pa ba ako na isangdaang taóng gulang na? At si Sara, mabubuntis pa kaya siya na nasa siyamnapung taóng gulang na?”

18Sinabi niya sa Diyos, “Kung ganoon po ang mangyayari, nawaʼy pagpalain nʼyo po ang anak kong si Ismael.”

19Sumagot ang Diyos, “Oo, ngunit ang asawa mong si Sara ay manganganak ng lalaki at papangalanan mo siyang Isaac. Sa kanya ko ipagpapatuloy ang kasunduan ko sa iyo, at magpapatuloy ang kasunduang ito sa mga lahi niya magpakailanman.[#17:19 : Ang ibig sabihin ay tumawa siya.]

20Tungkol naman kay Ismael, narinig ko ang kahilingan mo para sa kanya. Pagpapalain ko siya at bibigyan ng maraming lahi. Magiging ama siya ng labindalawang pinuno, at ang mga lahi niya ay magiging mga tanyag na tao.[#17:20 : O bansa.]

21Subalit ang kasunduan ko sa iyo ay tutuparin ko lang kay Isaac. Ipapanganak ni Sara si Isaac sa ganito ring panahon sa susunod na taon.”

22Umalis ang Diyos pagkatapos niyang sabihin kay Abraham ang mga ito.

23Sa mismong araw na iyon, tinupad ni Abraham ang iniutos sa kanya ng Diyos. Tinuli niya ang anak niyang si Ismael at ang lahat ng lalaki sa kanyang sambahayan: ang mga aliping isinilang sa tahanan niya at ang mga aliping binili niya.

24Si Abraham ay siyamnapuʼt siyam na taóng gulang nang tuliin siya,

25at si Ismael naman ay labingtatlong taóng gulang na.

26Sa mismong araw na iyon ay tinuli si Abraham at ang kanyang anak na si Ismael.

27At ang lahat ng mga alipin niya na isinilang sa sambahayan niya at binili niya sa mga dayuhan ay tinuli rin.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.