Genesis 18

Ang Tatlong Panauhin ni Abraham

1Nagpakita ang Panginoon kay Abraham nang nakatira pa siya malapit sa malalaking puno ni Mamre. Mainit ang araw noon, at si Abraham ay nakaupo sa pintuan ng kanyang tolda.

2Habang nagmamasid siya, may nakita siyang tatlong lalaki na nakatayo sa di-kalayuan. Tumayo siya agad at dali-daling sumalubong sa kanila. Nagpatirapa siya sa kanila harapan.

3At sinabi, “Ginoo, kung maaari, tumuloy po muna kayo rito sa amin.

4Magpapakuha po ako ng tubig upang makapaghugas kayo ng mga paa ninyo at makapagpahinga sa lilim ng punongkahoy na ito.

5Kukuha rin ako ng pagkain para sa inyo upang may lakas po kayo sa inyong paglalakad. Ikinagagalak ko pong mapaglingkuran kayo habang nandito kayo sa amin.”

At sumagot sila, “Sige, gawin mo kung ano ang sinabi mo.”

6Kaya nagmadaling pumasok si Abraham sa tolda at sinabi kay Sara, “Kumuha ka ng kalahating sako ng magandang klaseng harina at magluto ka ng tinapay. At bilisan mo ang pagluluto.”

7Tumakbo agad si Abraham papunta sa bakahan niya at pumili ng matabang guya. Ipinakatay at ipinaluto niya ito sa isa niyang alipin na nagmadaling naghanda nito.

8Pagkatapos, dinala niya ito sa mga panauhin niya, at nagdala rin siya ng keso at gatas. At habang kumakain sila sa ilalim ng punongkahoy, naroon din si Abraham na naglilingkod sa kanila.

9Ngayon, nagtanong ang mga panauhin kay Abraham, “Nasaan ang asawa mong si Sara?”

Sumagot siya, “Naroon po sa loob ng tolda.”

10Ang isa sa mga panauhin ay nagsabi, “Tiyak na babalik ako rito sa ganito ring panahon sa susunod na taon at magkakaroon ng anak na lalaki ang asawa mong si Sara.”

Nakikinig pala si Sara sa pintuan ng tolda na nasa likod lamang ni Abraham.

11(Matanda na silang dalawa ni Abraham at huminto na nga ang buwanang dalaw ni Sara.)

12Tumawa si Sara sa kanyang sarili at nag-isip-isip, “Sa katandaan kong ito, masisiyahan pa ba akong sumiping sa asawa ko, na matanda na rin, upang magkaanak kami?”

13Nagtanong agad ang Panginoon kay Abraham, “Bakit tumawa si Sara at sinasabi, ‘Magkakaanak pa ba ako ngayong matanda na ako?’

14May bagay ba na hindi magagawa ng Panginoon ? Tulad ng sinabi ko, babalik ako rito sa ganito ring panahon sa susunod na taon at magkakaroon ng anak na lalaki si Sara.”

15Natakot si Sara, kaya nagsinungaling siya. Sinabi niya, “Hindi po ako tumawa!”

Ngunit sinabi ng Panginoon , “Tumawa ka talaga.”

Nakiusap si Abraham para sa Lungsod ng Sodoma

16Pagkatapos, umalis ang tatlong lalaki. Inihatid sila ni Abraham hanggang sa lugar kung saan nakikita nila sa ibaba ang lungsod ng Sodoma.

17Sinabi ng Panginoon , “Hindi ko dapat itago kay Abraham ang gagawin ko.

18Talagang magiging malaki at makapangyarihang bansa ang mga lahi niya sa hinaharap. At sa pamamagitan niya, makakatanggap ng pagpapala ang ibang mga bansa.

19Pinili ko siya upang ipatupad niya sa mga anak at mga lahi niya ang utos ko na gumawa sila ng tama at matuwid. Sa ganoong paraan, matutupad ang aking pangako sa kanya.”

20Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Abraham, “Napakarami na ng dumaraing laban sa Sodoma at Gomora, dahil sobrang-sobra na ang kanilang kasalanan.

21Kaya pupunta ako roon upang malaman ko kung totoo o hindi ang mga daing ng mga tao na dumating sa akin.”

22Umalis na ang dalawang lalaki papuntang Sodoma, ngunit nagpaiwan ang Panginoon kasama si Abraham.

23Lumapit si Abraham sa Panginoon at nagtanong, “Lilipulin nʼyo po ba ang mga matuwid kasama ng mga makasalanan.

24Kung mayroon po kayang limampung matuwid sa lungsod na iyan, lilipulin nʼyo pa rin po ba ang buong lungsod? Hindi nʼyo po ba kahahabagan ang lungsod alang-alang sa limampung taong matuwid?

25Hindi po kapani-paniwala na lilipulin ninyo ang mga matuwid kasama ng mga makasalanan. Hindi po maaaring pare-pareho ang pakikitungo nʼyo sa kanila. Kayo po na humahatol sa buong mundo, hindi po baʼt dapat gawin ninyo kung ano ang tama?”

26Sumagot ang Panginoon , “Kung may makita akong limampung matuwid sa Sodoma, hindi ko lilipulin ang buong lungsod alang-alang sa kanila.”

27Muling nagsalita si Abraham, “O Panginoon, patawarin nʼyo po akong naglakas-loob na makipag-usap sa inyo. Tao lang po ako, at wala akong katuwiran na magsabi nito sa inyo.

28Ngunit kung mayroon po kayang apatnapuʼt limang matuwid, lilipulin nʼyo pa rin ba ang buong lungsod dahil kulang po ito ng lima?”

Sumagot ang Panginoon, “Kung may makita akong apatnapuʼt limang matuwid, hindi ko lilipulin ang lungsod.”

29Muling nagsalita si Abraham, “Kung apatnapu lang po kaya ang matuwid?”

Sumagot ang Panginoon, “Hindi ko lilipulin ang lungsod alang-alang lamang sa apatnapung matuwid.”

30Muling nagsalita si Abraham, “Huwag po sana kayong magalit sa akin, Panginoon, dahil magtatanong pa po ako. Ano po kaya kung may tatlumpu lang na taong matuwid?”

Sumagot ang Panginoon, “Hindi ko pa rin lilipulin ang lungsod kung may makita akong tatlumpung taong matuwid.”

31Muling nagsalita si Abraham, “Panginoon, patawarin nʼyo po ako sa paglalakas-loob ko na pakikipag-usap sa inyo. Ano po kaya kung may dalawampu lang na taong matuwid?”

Sumagot ang Panginoon, “Hindi ko pa rin lilipulin ang lungsod alang-alang sa dalawampung matuwid.”

32Muling nagsalita si Abraham, “Panginoon, huwag po sana kayong magagalit; huling tanong na po ito. Halimbawa, sampu na lang po ang nakita ninyong matuwid?”

Sumagot ang Panginoon , “Hindi ko pa rin lilipulin ang lungsod alang-alang sa sampung matuwid.”

33Pagkatapos nilang mag-usap, umalis ang Panginoon at si Abraham ay umuwi naman sa kanila.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.