Genesis 19

Ang Pagkawasak ng Sodoma at Gomora

1Magdidilim na nang dumating ang dalawang anghel sa Sodoma. Nakaupo noon si Lot sa pintuan ng lungsod. Pagkakita ni Lot sa kanila, tumayo siya at sinalubong sila. Pagkatapos, nagpatirapa siya sa harapan nila at nagsabing,

2“Kung maaari po, dumaan muna kayo sa bahay ko upang makapaghugas kayo ng mga paa ninyo at dito na po kayo matulog ngayong gabi. At bukas na lang kayo ng umaga magpatuloy sa paglalakbay ninyo.”

Ngunit sumagot sila, “Huwag na lang, doon na lang kami matutulog sa plasa ngayong gabi.”

3Ngunit pinilit sila ni Lot, kaya sumáma na lang sila sa bahay niya. Naghanda si Lot ng mga inumin at mga pagkain. Nagpaluto rin siya ng tinapay na walang pampaalsa. At nang maihanda na ang pagkain, naghapunan sila.

4Nang mahihiga na sila upang matulog, dumating ang lahat ng bata at matatandang lalaki ng Sodoma, at pinaligiran nila ang bahay ni Lot.

5Tinawag nila si Lot at tinanong, “Nasaan na ang mga panauhin mong lalaki na dumating ngayong gabi? Palabasin mo sila rito dahil gusto namin silang sipingan.”

6Lumabas si Lot ng bahay upang harapin sila. Nang nasa labas na siya, isinara niya agad ang pintuan.

7Sinabi niya sa kanila, “Mga kaibigan, nakikiusap ako sa inyo na huwag ninyong gagawin ang iniisip ninyong masama.

8Kung gusto nʼyo, may dalawa akong anak na dalaga. Ibibigay ko sila sa inyo at bahala na kayo kung ano ang gusto ninyong gawin sa kanila. Ngunit huwag ninyong galawin ang dalawang taong ito, dahil mga bisita ko sila at dapat ko silang protektahan.”

9Ngunit sinabi ng mga tao, “Dayuhan ka lang dito kaya sino ka para makialam sa amin? Umalis ka riyan! Baka mas higit pa ang magawa namin sa iyo kaysa sa kanila.” Pagkatapos, itinulak nila si Lot. Lalapit sana sila sa pintuan upang gibain ito,

10ngunit binuksan ito ng dalawang anghel na nasa loob at hinatak nila si Lot papasok, at isinara ang pintuan.

11Pagkatapos, binulag nila ang mga tao na nasa labas upang hindi na nila makita ang pintuan.

12Sinabi ng dalawang anghel kay Lot, “Kung may mga anak ka pa, o mga manugang na lalaki, o mga kamag-anak sa lungsod na ito, isama mo silang lahat at umalis kayo rito,

13dahil lilipulin namin ang lungsod na ito. Narinig ng Panginoon ang mga daing laban sa mga taong ito. Kaya ipinadala niya kami upang lipulin ang lungsod na ito.”

14Kaya pinuntahan ni Lot ang mga magiging manugang niyang lalaki at sinabi, “Magmadali kayong umalis dito dahil lilipulin na ng Panginoon ang lungsod na ito.” Ngunit hindi sila naniwala dahil akala nilaʼy nagbibiro lang si Lot.[#19:14 : O mga manugang.]

15Nang magbubukang-liwayway na, pinagmadali si Lot ng mga anghel na umalis sa lungsod. Sinabi nila, “Bilisan mo! Dalhin mo ang asawa mo at ang dalawang anak mong babae na nandito, at umalis kayo agad, dahil baka madamay kayo kapag nilipol na ang lungsod na ito dahil sa sobrang sama ng mga tao rito.”

16Hindi pa sana aalis si Lot. Ngunit dahil naaawa ang Panginoon sa kanila, hinawakan sila ng mga anghel sa kamay at dinala palabas ng lungsod.

17Nang nasa labas na sila ng lungsod, sinabi ng isang anghel, “Tumakbo kayo! Huwag kayong lilingon, o hihinto sa kahit saan dito sa kapatagan! Tumakbo kayo papunta sa bundok upang hindi kayo mamatay!”

18Ngunit sumagot si Lot, “Mga panginoon ko, huwag nʼyo na po akong patakbuhin papunta sa bundok.

19Kinahabagan nʼyo po ako at ipinakita ang nʼyo ang inyong dakilang kabutihan sa akin sa pagliligtas ninyo sa buhay ko. Ngunit napakalayo po ng bundok; baka maabutan ako ng sakuna at mamatay ako bago makarating doon.

20Nakita nʼyo po ba ang maliit na bayang iyon sa unahan? Tiyak na mararating ko po iyon dahil malapit lang. Maaari po bang doon na lang ako pumunta sa maliit na bayang iyon upang maligtas ako?”

21Sumagot ang anghel sa kanya, “Oo, payag ako sa kahilingan mo; hindi ko lilipulin ang bayan na iyon.

22Sige, tumakbo na kayo roon, dahil wala pa akong gagawin hanggaʼt hindi pa kayo nakakarating doon.” Ang bayang iyon ay tinatawag na Zoar dahil maliit ang bayang iyon.[#19:22 : Ang ibig sabihin, maliit.]

23Nakasikat na ang araw nang dumating sina Lot sa Zoar.

24Biglang pinaulanan ng Panginoon ng naglalagablab na asupre ang Sodoma at Gomora.

25Nilipol ng Panginoon ang dalawang lungsod at ang buong kapatagan. Namatay ang lahat ng nakatira roon pati ang lahat ng tanim.

26Lumingon ang asawa ni Lot, kaya ginawa siyang haliging asin.

27Kinaumagahan, dali-daling pumunta si Abraham sa lugar kung saan siya nakipag-usap sa Panginoon .

28Minasdan niya ang Sodoma at Gomora, at ang buong kapatagan. Nakita niya ang usok na pumapaitaas mula sa lupa na parang usok na nagmula sa isang malaking hurno.

29Inalala ng Diyos si Abraham, nang lipulin ng Diyos ang mga lungsod sa kapatagan kung saan nakatira si Lot, iniligtas niya muna si Lot upang hindi ito mapahamak.

Si Lot at ang Kanyang mga Anak na Babae

30Dahil natakot si Lot na tumira sa Zoar, lumipat siya at ang dalawa niyang anak na dalaga sa bundok, at tumira sila sa kuweba.

31Isang araw, sinabi ng panganay na anak sa kanyang kapatid, “Matanda na ang ating ama at wala nang ibang lalaki rito na maaari nating mapangasawa upang magkaanak tayo katulad ng pamamaraan ng tao kahit saan sa mundo.

32Mabuti pang painumin natin ang ating ama ng alak hanggang sa malasing siya, pagkatapos, sumiping tayo sa kanya upang magkaanak tayo sa pamamagitan niya.”

33Kaya nang gabing iyon, nilasing nila ang kanilang ama. Pagkatapos, sumiping ang panganay na anak sa kanyang ama. Ngunit dahil sa sobrang kalasingan ni Lot, hindi niya namalayan kung ano ang nangyayari.

34Kinabukasan, sinabi ng panganay sa nakababata niyang kapatid, “Sumiping na ako kagabi sa ating ama. At ngayong gabi muli natin siyang painumin ng alak hanggang sa malasing siya, at ikaw naman ang sumiping sa kanya upang tayong dalawa ay magkaanak sa pamamagitan niya.”

35Kaya nang gabing iyon, muli nilang nilasing ang kanilang ama at ang nakababatang kapatid naman ang sumiping sa kanya. At sa sobrang kalasingan, hindi rin niya namalayan kung ano ang nangyayari.

36Sa ganoong paraan, nabuntis ang dalawang anak ni Lot sa pamamagitan niya.

37Dumating ang panahon, nanganak ang panganay ng isang lalaki at pinangalanan niyang Moab. Siya ang pinagmulan ng lahi ng Moabita.[#19:37 : Maaaring ang ibig sabihin, mula sa aking ama.]

38Nanganak din ang nakababatang kapatid ng isang lalaki at pinangalanan niyang Ben-ami. Siya ang pinagmulan ng lahi ng Amonita.[#19:38 : Ang ibig sabihin, anak ng malapít kong kamag-anak sa aking ama.]

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.