The chat will start when you send the first message.
1Nag-asawa ulit si Abraham, at ang pangalan ng asawa niya ay Ketura.
2Ang mga anak nila ay sina Zimran, Jocsan, Medan, Midian, Isbak at Suah.
3Si Jocsan ang ama nina Seba at Dedan. Ang mga lahi ni Dedan ay ang mga Asurim, Letusim, at Leumim.
4Ang mga anak na lalaki ni Midian ay sina Efa, Efer, Enoc, Abida at Eldaa. Silang lahat ang mga lahi ni Ketura.
5Iniwang lahat ni Abraham ang kanyang ari-arian kay Isaac.
6Ngunit habang buhay pa siya, binigyan niya ng mga regalo ang iba niyang mga anak sa iba niyang mga asawa, at pinapunta sa silangan upang ihiwalay sa anak niyang si Isaac.
7Nabuhay si Abraham ng 175 taon.
8Matapos mamuhay ng isang mahaba at matiwasay na buhay, nalagot ang kanyang hininga at inilibing siya kasama ng kanyang mga kamag-anak na sumakabilang buhay na.
9Inilibing siya ng mga anak niyang sina Isaac at Ismael doon sa kuweba ng Macpela, sa silangan ng Mamre, sa bukid na dating pagmamay-ari ni Efron na anak ni Zohar na Heteo.
10Ang bukid na iyon ay binili ni Abraham sa harapan ng mga Heteo. Doon inilibing si Abraham at ang asawa niyang si Sara.
11Pagkatapos mamatay ni Abraham, binasbasan ng Diyos si Isaac at doon siya nanirahan sa Beer-lahai-roi.
12Ito ang salaysay tungkol sa pamilya ni Ismael na anak ni Abraham kay Hagar na Ehipsiyo, na alipin ni Sara.
Si Nebayot ang panganay ni Ismael,
sumunod sina Kedar, Adbeel, Mibsam,
14Misma, Duma, Massa,
15Hadad, Tema, Jetur,
Nafis at Kedema.
17Nabuhay si Ismael ng 137 taon. Namatay siya at kasama na ng kanyang mga kamag-anak na sumakabilang buhay na.
18Tumira ang mga angkan niya sa mga lugar na galing sa Havila hanggang sa Shur, sa silangan ng Ehipto na papunta sa Asiria. Kinalaban nila ang lahat ng kamag-anak nila na mga lahi ni Isaac.
19Ito ang salaysay tungkol sa pamilya ni Isaac na anak ni Abraham.
Si Abraham ang ama ni Isaac.
20Si Isaac ay apatnapung taóng gulang nang napangasawa niya si Rebeca na anak ni Betuel na Arameo na taga-Padan-aram. Si Rebeca ay kapatid ni Laban na Arameo rin.[#25:20 : Isang lugar sa Mesopotamia.]
21Ipinanalangin ni Isaac sa Panginoon ang kanyang asawa dahil baog siya. Tinugon ng Panginoon ang dalangin niya, kaya nagbuntis si Rebeca.
22Naramdaman niya na nagtutulakan ang kambal na sanggol sa loob ng kanyang tiyan. Sinabi ni Rebeca, “Kung ganyan lang ang mangyayari sa kanila pagdating ng panahon mabuti pang mamatay na lang ako.” Kaya nagtanong siya sa Panginoon tungkol dito.
23Sinabi ng Panginoon sa kanya,
“Dalawang bansa ang nasa iyong sinapupunan;
ang dalawang bayan na nasa loob mo ay magkalaban.
Ang isaʼy magiging makapangyarihan kaysa sa isa.
Ang nakatatanda ay maglilingkod sa nakababata niyang kapatid.”
24Nang nanganak na si Rebeca, kambal ang anak niya.
25Ang unang lumabas ay mapula-pula at balbon, kaya pinangalanan nila siyang Esau.
26Nang lumabas ang ikalawa, ang kamay niya ay nakahawak sa sakong ng kanyang kakambal, kaya pinangalanan nila siyang Jacob. Si Isaac ay animnapung taóng gulang nang ipanganak ni Rebeca ang kambal.[#25:26 : Maaaring ang ibig sabihin, hinahawakan niya ang sakong o manloloko siya.]
27Nang lumaki na ang dalawang sanggol, naging mahusay na mangangaso si Esau at palagi lang siya sa bukid, habang si Jacob naman ay tahimik na tao at palaging nasa loob ng mga tolda.
28Mas nagustuhan ni Isaac si Esau dahil mahilig siyang kumain ng mga ipinangaso ni Esau, ngunit si Jacob naman ay mas nagustuhan ni Rebeca.
29Isang araw, habang nagluluto si Jacob ng sabaw, dumating si Esau galing sa pangangaso na gutom na gutom.
30Sinabi niya kay Jacob, “Pakiusap, bigyan mo nga ako ng niluluto mong mapula-pulang sabaw dahil gutom na gutom na ako.” (Kaya tinatawag din si Esau na Edom.)[#25:30 : Ang ibig sabihin, pula.]
31Ngunit sumagot si Jacob, “Bibigyan kita nito kung ibibigay mo sa akin ang karapatan mo bilang panganay.”
32Sinabi ni Esau, “Sige, ano baʼng gagawin ko sa karapatan na iyan kung mamamatay din lang ako sa gutom.”
33Sumagot si Jacob, “Kung ganoon, sumumpa ka muna sa akin.” Kaya sumumpa si Esau na mapupunta kay Jacob ang karapatan niya bilang panganay.
34Binigyan agad siya ni Jacob ng tinapay at nilagang bitsuwelas. Pagkatapos niyang kumain at uminom, umalis siya agad.
Dahil sa ginawang iyon ni Esau, binalewala niya ang karapatan niya bilang panganay.