The chat will start when you send the first message.
1Nang tumanaw si Jacob, nakita niya si Esau na paparating kasama ang apatnaraang lalaki. Kayaʼt pinaghiwa-hiwalay niya ang kanyang mga anak kina Lea, Raquel, at sa dalawang alipin.
2At pag-alis nila, pinauna niya ang dalawang aliping babae at ang mga anak nila, sumunod si Lea at ang mga anak niya, at si Raquel at ang anak niyang si Jose.
3Si Jacob ay nasa unahan nilang lahat at pitong ulit siyang nagpatirapa habang papalapit siya sa kanyang kapatid.
4Ngunit tumakbo si Esau para salubungin siya. Niyakap siya ni Esau at hinagkan, at umiyak silang dalawa.
5Nang makita ni Esau ang mga babae at ang mga bata, tinanong niya si Jacob, “Sino ang mga kasama mong iyan?”
Sumagot si Jacob, “Sila ang mga anak na ipinagkaloob ng Diyos sa inyong lingkod dahil sa kanyang awa.”
6Lumapit agad kay Esau ang dalawang alipin na babae at ang mga anak nila, at yumukod sila bilang paggalang sa kanya.
7Sumunod din si Lea at ang mga anak niya at yumukod. Ang huling lumapit at yumukod ay si Jose at ang ina niyang si Raquel.
8Nagtanong pa si Esau kay Jacob, “Ano ba ang ibig sabihin ng mga kawan ng hayop na nasalubong ko?”
Sinabi ni Jacob, “Upang malugod po kayo sa akin, aking panginoon.”
9Ngunit sumagot si Esau, “Marami na akong ari-arian, kaya sa iyo na lang iyon.”
10Ngunit nagpumilit si Jacob, “Sige na po, tanggapin nʼyo na po. Kung totoong pinatawad nʼyo na ako, tanggapin ninyo ang regalo ko sa inyo. Sapagkat nang makita ko ang inyong mukha at madama ang inyong magandang pagtanggap sa akin, para ko na ring nakita ang mukha ng Diyos.
11Tanggapin nʼyo na po ang regalo ko sa inyo dahil napakabuti ng Diyos sa akin at hindi ako nagkulang sa mga pangangailangan ko.” Pinilit ni Jacob si Esau hanggang tanggapin na ni Esau ang mga regalo niya.
12Pagkatapos, sinabi ni Esau, “Halika na, sabay na tayong umalis.”
13Ngunit sumagot si Jacob, “Alam po ninyong mabagal maglakad ang mga bata, at kailangan kong alagaang mabuti ang mga hayop na nagpapasuso. Kung pipilitin natin ang mga hayop na maglakad sa buong araw, baka mamatay sila.
14Ang mabuti pa, aking panginoon, mauna na lang po kayo sa amin. Susunod kami sa inyo ayon sa bilis ng mga bata at ng mga hayop na kasabay namin. Doon na lang tayo magkita sa Seir.”
15Sinabi ni Esau, “Kung ganoon, ipapaiwan ko na lang ang iba kong mga tauhan sa iyo.”
Sumagot si Jacob, “Hindi na po kailangan. Sapat na ang kabutihang-loob na ipinakita ninyo sa akin, panginoon ko.”
16Kaya bumalik si Esau sa Seir nang mismong araw na iyon.
17Ngunit sina Jacob ay pumunta sa Sucot. Pagdating nila roon, gumawa si Jacob ng tirahan at ginawaan din niya ng silungan ang mga hayop niya. Kaya ang lugar na iyon ay tinawag na Sucot.[#33:17 : Ang ibig sabihin, silungan.]
18Hindi nagtagal, nakarating din sila sa Canaan mula sa Padan-aram na walang masamang nangyari sa kanila. Nakarating sila sa lungsod na pagmamay-ari ni Shekem. Nagpatayo sila ng mga tolda nila malapit sa lungsod.
19Ang lupaing pinagtayuan nila ng mga tolda ay binili ni Jacob sa mga anak ni Hamor sa halagang isang daang pirasong pilak. Si Hamor ay ama ni Shekem.
20Doon ay nagpatayo si Jacob ng altar na pinangalanan niyang El-Elohe-Israel.[#33:20 : Ang ibig sabihin, Makapangyarihang Diyos ng Israel.]