The chat will start when you send the first message.
1Nang dinala na si Jose ng mga Ismaelita sa Ehipto, binili siya ni Potifar na isang Ehipsiyong isa sa mga opisyal ng Faraon. (Si Potifar ay kapitan ng mga guwardiya sa palasyo.)
2Ginagabayan ng Panginoon si Jose, kaya naging matagumpay siya. Doon siya nakatira sa bahay ng amo niyang Ehipsiyo.
3Nakita ni Potifar na ginagabayan ng Panginoon si Jose at pinagpapala sa lahat ng ginagawa niya,
4kayaʼt panatag ang kalooban niya kay Jose. Ginawa niya itong sarili niyang katiwala at tagapamahala ng kanyang sambahayan at ng lahat ng kanyang ari-arian.
5Mula nang panahong si Jose ang namamahala, binasbasan ng Panginoon ang sambahayan ni Potifar na Ehipsiyo at ang lahat ng ari-arian niya sa kanyang bahay at bukirin. Ginawa ito ng Panginoon dahil kay Jose.
6Ipinagkatiwala ni Potifar ang lahat kay Jose at wala na siyang ibang iniintindi maliban na lang sa pagpili ng kakainin niya.
Gwapo si Jose at matipuno ang katawan.
7Hindi nagtagal, nagkagusto sa kanya ang asawa ng kanyang amo. Inakit niya si Jose upang sumiping sa kanya.
8Ngunit tumanggi si Jose. Sinabi niya sa babae, “Pakinggan nʼyo po ako! Ipinagkatiwala po sa akin ng amo ko ang lahat ng kanyang ari-arian kaya hindi na po siya nag-aalaa sa mga gamit dito sa kanyang sambahayan.
9Wala na pong hihigit sa akin sa sambahayang ito. Ipinagkatiwala niya sa akin ang lahat maliban lang sa inyo dahil asawa niya kayo. Kaya hindi ko po magagawang pagtaksilan ang amo ko at magkasala sa Diyos.”
10Kahit araw-araw ang pang-aakit ng babae kay Jose na sumiping sa kanya, hindi pa rin siya pumayag.
11Isang araw, pumasok si Jose sa bahay upang magtrabaho. Nagkataon na wala kahit isang alipin sa loob ng bahay.
12Hinawakan siya sa damit ng asawa ng amo niya at sinabi, “Sipingan mo ako!” Ngunit tumakbong palabas ng bahay si Jose, at naiwan ang balabal niya na hawak ng babae.
13Nang makita ng babae na nakalabas si Jose at hawak niya ang balabal nito,
14tinawag niya ang kanyang mga alipin at sinabi, “Tingnan ninyo! Dinalhan tayo rito ng asawa ko ng isang Hebreo upang hamakin tayo. Alam nʼyo ba na pumasok siya sa silid ko upang pagsamantalahan ako, ngunit sumigaw ako.
15Kaya tumakbo siya palabas, at naiwan niya ang kanyang balabal.”
16Itinago ng babae ang balabal ni Jose hanggang sa dumating ang kanyang asawa.
17Isinalaysay niya agad sa asawa niya ang nangyari. Sinabi niya, “Ang Hebreong alipin na dinala mo rito ay gusto akong hamakin dahil pumasok siya sa aking silid upang pagsamantalahan ako.
18Ngunit tumakbo siya palabas nang sumigaw ako, at naiwan pa nga ang kanyang balabal.”
19Nang marinig ni Potifar ang salaysay ng kanyang asawa tungkol sa ginawa ni Jose, galit na galit siya.
20Kaya ipinadakip niya si Jose at ipinasok sa bilangguan ng hari.
Ngunit kahit nasa bilangguan si Jose,
21ginagabayan pa rin siya ng Panginoon . At dahil sa kabutihan ng Panginoon , panatag ang loob ng tagapamahala ng bilangguan kay Jose.
22Kaya ipinagkatiwala niya kay Jose ang pamamahala sa lahat ng bilanggo at ang lahat ng gawain sa bilangguan.
23Hindi nag-aalala ang tagapamahala ng bilangguan sa mga bagay na ipinagkatiwala niya kay Jose, dahil ginagabayan ng Panginoon si Jose at pinagpapala sa lahat ng ginagawa niya.