1Niyakap agad ni Jose ang kanyang ama at hinalikan habang umiiyak.
2Pagkatapos, inutusan niya ang mga lingkod niyang manggagamot na embalsamohin ang kanyang ama. Kaya inembalsamo nila si Israel.
3Tumagal ang pag-eembalsamo sa kanya ng apatnapung araw, ayon sa kaugalian ng mga Ehipsiyo. Nagluksa ang mga Ehipsiyo sa loob ng pitumpung araw.
4Nang matapos ang kanilang pagluluksa, sinabi ni Jose sa mga opisyal ng Faraon, “Kung nalulugod po kayo sa akin, pakiusapan ninyo ang Faraon para sa akin. Sabihin ninyo sa kanya
5na pinasumpa ako ng aking ama. Sinabi niya, ‘Malapit na akong mamatay kaya ilibing mo ako sa libingang inihanda ko para sa akin sa Canaan.’ Ngayon, hayaan ninyong ilibing ko ang aking ama, at pagkatapos nooʼy babalik din po ako.”
6Sinabi ni Faraon, “Humayo ka. Ilibing mo ang iyong ama ayon sa isinumpa mo sa kanya.”
7Kaya umalis si Jose upang ilibing ang kanyang ama, kasama ang maraming opisyal ng Faraon: ang mga tagapamahala ng palasyo at ang mga tagapamahala ng Ehipto.
8Kasama rin ang sambahayan ni Jose, ang kanyang mga kapatid, at ang iba pang sambahayan ng kanyang ama. Ang tanging naiwan sa Goshen ay ang kanilang mga maliliit na anak, at ang kanilang mga kawan ng tupa, kambing at baka.
9Umalis silang kasama niya ang mga nakakarwahe at nangangabayo, kaya talagang napakarami ng kanilang pangkat.
10Pagdating nila sa giikan sa Atad, malapit sa Ilog Jordan, umiyak sila ng malakas at matindi ang kanilang pagtangis. Nagdaos si Jose roon ng pitong araw na pagluluksa para sa kanyang ama.
11Nang makita ng mga Cananeo ang pagdadalamhati nila sa may giikan sa Atad, sinabi nila, “Labis ang pagdadalamhati ng mga Ehipsiyo.” Kaya ang lugar na iyon na malapit sa Ilog Jordan ay tinawag na Abel-mizraim.[#50:11 : Ang ibig sabihin, ang pagdadalamhati ng mga Ehipsiyo.]
12Tinupad nga ng mga anak ni Jacob ang habilin niya sa kanila.
13Sapagkat dinala nila ang bangkay nito sa Canaan at inilibing sa kuwebang nasa bukid ng Macpela, sa silangan ng Mamre. Binili ni Abraham ang bukid na ito kay Efron na Heteo upang gawing libingan.
14Pagkatapos ng libing, bumalik si Jose sa Ehipto kasama ang kanyang mga kapatid at ang lahat ng sumáma sa paglilibing.
15Ngayong patay na ang kanilang ama, sinabi ng mga kapatid ni Jose, “Baka nagkikimkim pa ng galit sa atin si Jose at gumanti siya sa ginawa natin sa kanya.”
16Kaya nagpadala sila ng mensahe kay Jose na nagsasabi, “Nagbilin ang ating ama bago siya mamatay, sinabi niya,
17‘Ito ang sabihin ninyo kay Jose: Hinihiling ko sa saʼyo na patawarin mo ang mga kasalanan at pagkakasala ng iyong mga kapatid, dahil masama ang ginawa nila saʼyo.’ Kaya ngayon, patawarin mo sana kaming mga lingkod ng Diyos ng ating ama.” Nang marinig ni Jose ang kanilang mensahe, umiyak siya.
18Hindi nagtagal, lumapit sa kanya ang kanyang mga kapatid at silaʼy nagpatirapa sa kanyang harapan. Pagkatapos, sinabi nila, “Handa kaming maging alipin mo.”
19Ngunit sumagot si Jose, “Huwag kayong matakot. Bakit, ako ba ang Diyos?
20Binalak nga ninyong gawan ako ng masama, ngunit binalak naman ng Diyos na magdulot ito ng mabuti upang mailigtas ang maraming buhay na siyang nangyayari ngayon.
21Kaya huwag kayong matakot. Aalagaan ko kayo at ang inyong mga anak.” Malumanay siyang nagsalita sa kanila at napanatag ang kanilang kalooban sa sinabi niya.
22Nanatili si Jose sa Ehipto kasama ang buong sambahayan ng kanyang ama. Nabuhay siya ng 110 taon.
23Nakita pa niya ang kanyang mga apo sa tuhod sa anak niyang si Efraim at sa apo niyang si Maquir na anak ni Manases. Itinuring niya bilang sariling anak ang mga anak ni Maquir.
24Ngayon, sinabi ni Jose sa kanyang mga kamag-anak, “Malapit na akong mamatay, ngunit hindi kayo pababayaan ng Diyos. Kukunin niya kayo sa lugar na ito at dadalhin sa lugar na ipinangako niya kay Abraham, Isaac at Jacob.”
25Pagkatapos, pinasumpa ni Jose ang mga Israelita. Sinabi niya, “Ipangako ninyo na kung paaalisin na kayo rito ng Diyos, dadalhin din ninyo ang mga buto ko sa pag-alis nʼyo sa lupaing ito.”
26At namatay si Jose sa edad na 110. Inembalsamo siya at inilagay sa isang kabaong doon sa Ehipto.