Hageo 1

Ang Panawagan na Muling Itayo ang Templo

1Noong unang araw ng ikaanim na buwan, sa ikalawang taon ng paghahari ni Dario sa Persia, ipinahayag ng Panginoon ang kanyang mensahe kina Zerubabel at Josue sa pamamagitan ni Propeta Hageo. Si Zerubabel na anak ni Selatiel ang gobernador ng Juda, at si Josue na anak ni Josadac ang punong pari.

2Ito ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan: “Sinasabi ng mga tao na hindi pa ito ang panahon upang muling itayo ang aking tahanan.”

3Kaya ipinahayag ng Panginoon ang kanyang mensahe sa pamamagitan ni Propeta Hageo:

4“Nararapat bang nakatira kayo sa magagandang bahay habang nananatiling wasak ang tahanang ito?”

5Ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan: “Pag-isipan ninyo ang mga nangyayari sa inyo.

6Marami kayong inihasik, ngunit kakaunti ang inyong ani. May pagkain nga kayo, ngunit kulang. May inumin nga kayo, pero hindi rin sapat. May damit nga kayo, ngunit giniginaw pa rin. At may tinatanggap kayong suweldo, ngunit parang butas ang pitakang pinaglalagyan ninyo nito.”

7Ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan: “Kaya pag-isipan ninyo ang mga nangyayari sa inyo.

8Ngayon, umakyat kayo sa bundok at kumuha ng mga kahoy, at itayo ninyong muli ang tahanan. Sa ganitong paraan, masisiyahan ako at mapaparangalan,” sabi ng Panginoon .

9“Saganang ani ang inyong inaasahan, subalit ang inyong naani ay kakaunti lamang. At nang iuwi ninyo ito, ikinalat ko pa ito. Bakit, sabi ninyo? Sapagkat wasak ang aking tahanan habang lahat kayo ay abala sa sarili ninyong mga bahay,” sabi ng Panginoon ng mga Hukbo.

10“Kaya dahil sa inyo, ang langit ay hindi na magbibigay ng hamog, at ang lupa ay hindi na magbibigay ng ani.

11Nagpadala ako ng tagtuyot sa lupain at sa mga kabundukan, kaya naapektuhan ang mga butil, alak, langis, at ang iba pang mga ani, maging ang mga tao, at ang kanilang mga hayop at lahat ng kanilang pinaghirapan.”

12At sinunod nga nina Zerubabel na anak ni Selatiel at gobernador ng Juda, ang punong pari na si Josue na anak ni Josadac, at ng lahat ng Israelitang nakabalik sa Israel mula sa pagkabihag sa Babilonia ang sinabi ng Panginoon na kanilang Diyos sa pamamagitan ni Propeta Hageo na kanyang sugo. At nagkaroon ng takot sa Panginoon ang mga tao.

13Sinabi ni Hageo na sugo ng Panginoon sa mga Israelita, “Sinasabi ng Panginoon na kasama ninyo siya.”

14Pinalakas ng Panginoon ang loob nina Zerubabel na anak ni Selatiel at gobernador ng Juda, ang punong pari na si Josue na anak ni Josadac, at ng lahat ng Israelitang nakabalik sa Israel, upang muling itayo ang tahanan ng kanilang Panginoong Diyos na Makapangyarihan.

15Sinimulan nila ang pagtatayo noong ika-dalawampuʼt apat na araw ng ikaanim na buwan, sa ikalawang taon ng paghahari ni Dario.

Ang Ipinangakong Kaluwalhatian ng Bagong Tahanan

Sa ikalawang taon ng pamumuno ni Haring Dario,

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.