The chat will start when you send the first message.
1Magpatuloy kayo sa pagmamahalan bilang magkakapatid kay Kristo.
2Huwag ninyong kalimutang patuluyin ang mga dayuhan sa tahanan ninyo. May mga taong gumawa niyan noon, at hindi nila alam na mga anghel pala ang mga bisita nila.
3Damayan ninyo ang mga kapatid na nasa bilangguan na parang nakabilanggo rin kayong kasama nila, at damayan din ninyo ang mga kapatid na pinagmamalupitan na para bang dumaranas din kayo ng ganoon.
4Dapat ninyong pahalagahan ang pag-aasawa, at dapat ninyong iwasan ang pangangalunya. Sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga nangangalunya at ang mga gumagawa ng seksuwal na imoralidad.
5Iwasan nʼyo ang pagiging sakim sa salapi. Maging kontento kayo sa kung anuman ang nasa inyo, sapagkat sinabi ng Diyos,
“Hinding-hindi ko kayo iiwan
ni pababayaan man.”
6Kaya buong pagtitiwalang masasabi natin,
“Ang Panginoon ang tumutulong sa akin,
kaya hindi ako matatakot.
Ano ang magagawa ng tao laban sa akin?”
7Alalahanin nʼyo ang mga dating namuno sa inyo na nagbahagi sa inyo ng salita ng Diyos. Isipin nʼyo kung paano silang namuhay at namatay na may pananampalataya. Sila ang tularan ninyo.
8Si Hesu-Kristo ay hindi nagbabago. Kung ano siya noon, ganoon din siya ngayon at magpakailanman.
9Huwag kayong padadala sa ibaʼt-iba at kung anu-anong mga aral. Mas maiging patibayin natin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Diyos kaysa sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin tungkol sa pagkain, na wala namang naidudulot sa mga sumusunod nito.
10Tayong mga mananampalataya ay may altar, at walang karapatang makisalo rito ang mga pari ng mga Hudyo na naghahandog sa sambahan nila.
11Sapagkat ang dugo ng mga hayop na handog para sa kasalanan ay dinadala ng punong pari sa Pinakabanal na Lugar, ngunit ang katawan ng mga hayop ay sinusunog sa labas ng kampo.
12Ganyan din ang nangyari kay Hesus. Pinatay siya sa labas ng kampo upang malinis niya ang mga tao sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang dugo.
13Kaya lumapit tayo kay Hesus sa “labas ng kampo” at makibahagi sa mga tiniis niyang kahihiyan.
14Sapagkat wala tayong tunay na bayan sa mundong ito, ngunit hinihintay natin ang bayan na paparating pa lang.
15Kaya patuloy tayong maghandog ng papuri sa Diyos sa pamamagitan ni Hesus. Itoʼy ang mga handog na nagmumula sa mga labi natin at nagpapahayag ng pagkilala natin sa kanya.
16At huwag nating kalimutan ang paggawa ng mabuti at pagtulong sa iba, dahil ang ganitong uri ng handog ay kalugod-lugod sa Diyos.
17Sundin nʼyo ang mga namumuno sa inyo at magpasakop kayo sa kanila, dahil sila ang nangangalaga sa espirituwal ninyong kalagayan. At alam nilang may pananagutan sila sa Diyos sa pangangalaga nila sa inyo. Kung susundin nʼyo sila, magiging masaya sila sa pagtupad ng tungkulin nila. Ngunit kung hindi, malulungkot sila, at hindi ito makakatulong sa inyo.
18Ipanalangin nʼyo kami, dahil sigurado kaming malinis ang mga konsensiya namin. Sapagkat hinahangad naming mamuhay nang marangal sa lahat ng bagay.
19At lalo ninyong ipanalangin na makabalik ako sa inyo sa lalong madaling panahon.
20Idinadalangin ko rin kayo sa Diyos na siyang pinagmumulan ng kapayapaan. Siya ang bumuhay sa ating Panginoong Hesus na Dakilang Pastol nating mga tupa niya. At dahil sa kanyang dugo, pinagtibay niya ang walang hanggang kasunduan.
21Nawaʼy ipagkaloob niya sa inyo ang lahat ng inyong kailangan upang masunod ninyo ang kanyang kalooban. At sa pamamagitan ni Hesu-Kristo, nawaʼy gawin niya sa atin ang kalugod-lugod sa kanyang paningin. Purihin natin siya magpakailanman. Amen.
22Mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo na pakinggan ninyong mabuti ang mga payo ko, dahil maikli lang ang sulat na ito.
23Gusto ko ring malaman nʼyo na pinalaya na sa bilangguan ang kapatid nating si Timoteo. At kung makarating agad siya rito, isasama ko siya pagpunta ko diyan.
24Ikumusta nʼyo kami sa mga namumuno sa inyo at sa lahat ng mga hinirang ng Diyos.
Kinukumusta kayo ng mga kapatid nating taga-Italya.
25Sumainyong lahat nawa ang biyaya ng Diyos.