Hoseas 10

1Ang Israel ay parang tanim na lumalago

na mayabong at hitik sa bunga.

Ngunit habang umuunlad siya,

dumarami rin ang mga altar

na ipinapatayo niya.

Habang ang lupain niyaʼy pinagpapala,

lalo rin niyang pinapalamutian

ng maganda

ang mga sagradong bato

na kanyang sinasamba.

2Mapanlinlang sila, at ngayon[#10:2 : O Madaling magbago ang kanilang isip.]

dapat na nilang pagdusahan

ang kanilang mga kasalanan.

Gigibain ng Panginoon

ang mga altar nila

at mga sagradong bato.

3Siguradong sasabihin nila

sa bandang huli,

“Wala kaming hari

dahil wala kaming takot

sa Panginoon .

Subalit kahit na may hari kami,

wala rin itong magagawang mabuti

para sa amin.”

4Puro salita lang sila[#10:4 : Ang mga dating hari o ang mga tao.]

ngunit hindi naman nila tinutupad.

Nanunumpa sila ng kasinungalingan

at gumagawa ng kasunduan

na hindi naman nila tinutupad.

Kaya ang katarungan

ay parang nakakalasong damo

na tumutubo sa binungkal na lupain.

5Matatakot ang mga mamamayan

ng Samaria

dahil sa diyos-diyosang guya

sa Bet-aven.

Sila at ang kanilang mga pari na

nagagalak sa kagandahan

ng mga diyos-diyosan nila

ay iiyak dahil kukunin iyon sa kanila

6at dadalhin sa Asiria

at ihahandog sa dakilang hari doon.

Mapapahiya ang Israel

sa kanyang pagtitiwala

sa mga diyos-diyosan.

7Mawawala ang kanyang hari[#10:7 : Sa Hebreo, Samaria. Ito ang kabisera ng Israel at kumakatawan sa buong kaharian ng Israel. Tingnan ang talababa sa 4:15.]

na parang kahoy na tinangay ng agos.

8Gigibain ang mga sambahan

sa mga matataas na lugar ng Aven,

na naging dahilan ng pagkakasala

ng mga taga-Israel.

Matatakpan ang kanilang mga altar

ng matataas na damo

at mga halamang may tinik.

Sasabihin nila sa mga bundok at mga burol,

“Tabunan ninyo kami!”

9“Sinabi ng Panginoon ,

‘Kayong mga mamamayan ng Israel

ay patuloy sa pagkakasala

mula pa noong magkasala

ang inyong mga ninuno doon sa Gibea.

Hindi kayo nagbago.

Kaya kayong mga lahi ng masasama

ay lulusubin sa Gibea.

10Gusto ko na kayong parusahan.

Kaya magsasanib ang mga bansa

upang lusubin kayo

dahil sa patuloy ninyong pagkakasala.

11Noon, para kayong dumalagang baka

na sinanay na gumiik

at gustong-gusto ang gawaing ito.

Subalit ngayon, pahihirapan ko

kayong mga taga-Israel

at pati ang mga taga-Juda.

Magiging tulad kayo ng dumalagang baka

na sisingkawan ang makinis na leeg

at pahihirapan sa paghila ng pang-araro.’

12Sinabi ko sa inyo,

‘Palambutin ninyo ang inyong mga puso

tulad ng binungkal na lupa.

Magtanim kayo ng katuwiran

at mag-aani kayo ng pagmamahal.

Sapagkat panahon na

upang magbalik-loob kayo

sa Panginoon

hanggang sa aking pagdating,

at pauulanan ko kayo ng tagumpay.’

13“Subalit nagtanim kayo ng kasamaan,

kaya umani rin kayo ng kasamaan.

Nagsinungaling kayo,

at iyan ang bunga

ng inyong kasamaan.

At dahil sa nagtitiwala kayo

sa sarili ninyong kakayahan

at sa marami ninyong mga kawal,

14darating ang digmaan

sa inyong mga mamamayan

at magigiba ang inyong mga tanggulan.

Gagawin ng mga kalaban ninyo

ang ginawa ni Shalman

sa lungsod ng Bet-arbel

nang pagluray-lurayin niya ang mga ina

at ang kanilang mga anak.

15Ganyan din ang mangyayari sa iyo, Betel,

dahil sukdulan na ang kasamaan ninyo.

Sa pagbubukang-liwayway

ng araw na iyon,

tiyak na mamamatay

ang hari ng Israel.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.