The chat will start when you send the first message.
1Kayong mga Israelitang naninirahan
sa lupain ng Israel,
pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon
sapagkat may paratang siya laban sa inyo:
“Wala ni isa man sa inyong lupain
ang tapat, nagmamahal,
at kumikilala sa akin.
2Sa halip, laganap ang paggawa
ng masama sa kapwa,
pagsisinungaling, pagpatay,
pagnanakaw at pangangalunya.
Laganap ito kahit saan,
at sunod-sunod ang patayan.
3Dahil dito, natutuyo ang inyong lupain
at ang mga naninirahan doon
ay namamatay,
pati mga hayop: ang lumalakad,
lumilipad, at ang lumalangoy.
4“Ngunit walang sinuman
ang dapat mang-usig
o mang-akusa sa kanyang kapwa
sapagkat kayong mga pari
ang gusto kong isakdal.
5Kayo at ang mga propeta
ay mapapahamak
sa araw man o sa gabi
pati ang inyong mga ina.
6Napapahamak
ang aking mga mamamayan
dahil kulang ang kaalaman nila
tungkol sa akin.
“Sapagkat kayo mismong mga pari
ay tinanggihan ang kaalamang ito,
kaya tinatanggihan ko rin kayo
bilang mga pari ko.
Kinalimutan ninyo ang aking kautusan
kaya kalilimutan ko rin
ang inyong mga anak.
7Habang dumarami kayong mga pari,
dumarami rin
ang mga kasalanan ninyo sa akin.
Ipinagpalit ninyo ang luwalhati ng Diyos
sa nakakahiyang mga diyos-diyosan.
8Gusto ninyong magkasala
ang aking mga mamamayan
upang makakain kayo
mula sa kanilang mga handog
sa paglilinis.
9Kaya kung paano ko parurusahan
ang mga mamamayan,
ganoon ko rin parurusahan
kayong mga pari
dahil sa masasama ninyong ginawa.
10“Kumakain nga kayo
ngunit hindi kayo nabubusog.
Sumasamba kayo sa mga diyos-diyosan
upang kayoʼy magkaanak.
Ngunit hindi kayo magkakaanak
sapagkat itinakwil ninyo ang Panginoon
11upang sumamba sa mga diyos-diyosan.
Mga mamamayan ko,
ang bago at lumang alak
ay nakakasira
ng inyong pang-unawa.
12Sumasangguni kayo sa diyos-diyosang kahoy,
at sa tungkod na sabi ninyoʼy sumasagot.
Iniligaw kayo ng espiritu ng pagtataksil
tulad ng babaeng bayaran
at akoʼy inyong iniwan
upang habulin ang ibang diyos-diyosan.
13Naghahandog kayo sa tuktok
ng mga bundok at mga burol,
sa ilalim ng matataas at mayayabong
na mga kahoy,
dahil masarap lumilim doon.
Kaya ang inyong mga anak na babae
ay nakikipagsiping sa mga lalaki
at ang inyong mga manugang na babae
ay nangangalunya.
14“Ngunit hindi ko sila parurusahan
sa kanilang ginagawang masama,
dahil kayong mga lalaki
ay sumisiping din
sa mga babaeng bayaran sa templo
at kasama pa nilang naghahandog
sa mga diyos-diyosan.
Sapagkat kayoʼy mga mangmang
sa katotohanan,
mapapahamak kayo.
15“Mga taga-Israel,
kahit na akoʼy tinalikuran ninyo
tulad ng babaeng nangalunya,
huwag na ninyong idamay
ang mga taga-Juda.”
“At kayong mga taga-Juda,
huwag kayong pumunta
sa Gilgal at sa Bet-aven
upang sumamba sa akin
o gumawa ng mga pangako
sa pangalan ng Panginoon .
16Sapagkat matigas ang ulo
ng mga taga-Israel
katulad ng dumalagang
baka na ayaw sumunod.
Kaya paano sila mababantayan
ng Panginoon
tulad ng mga tupang nasa pastulan?
17Sumamba ang Efraim
sa mga diyos-diyosan
kaya pabayaan na lang sila.
18Ubos man ang inumin nilang nakakalasing,
patuloy pa rin ang kanilang pangangalunya
(na parang mga bayarang babae).
Gustong-gusto ng kanilang mga pinuno
na gumawa ng mga nakahihiyang bagay.
19Kaya lilipulin sila na parang tinatangay
ng malakas na hangin,
at mapapahiya sila dahil
sa kanilang paghahandog
sa mga diyos-diyosan.”