The chat will start when you send the first message.
1Sinabi pa ng Panginoon ,
“Makinig kayo, kayong mga pari!
Dinggin ninyo ito, kayong mga Israelita,
pati na kayong nabibilang
sa sambahayan ng hari!
Ang hatol na ito laban sa inyo:
Kayo ay naging bitag sa Mizpa,
isang lambat na inihagis sa Tabor.
2Nagrerebelde kayo sa akin
at gusto ninyong pumatay,
kaya didisiplinahin ko kayong lahat.
3Alam ko ang lahat ng tungkol
sa inyong mga taga-Israel.
Wala kayong maililihim sa akin.
Sumasamba kayo sa mga diyos-diyosan
kaya naging marumi kayo.
4“Ang inyong masasamang gawain
ang pumipigil sa inyo
upang magbalik-loob
sa akin na inyong Diyos.
Sapagkat nasa puso ninyo
ang espiritu
na nag-uudyok
sa inyong mangalunya
kapag sinasamba ninyo
ang mga diyos-diyosan,
at hindi ninyo ako kinikilalang Panginoon .
5Ang pagmamataas ninyo
ay nagpapatunay
na dapat kayong parusahan.
At dahil sa mga kasalanan nʼyo,
mapapahamak kayo,
kayong mga taga-Israel
pati ang lahi ni Efraim
kasama ang mga taga-Juda.
6Maghahandog kayo ng mga tupa,
mga kambing, at mga baka
sa paglapit ninyo sa Panginoon .
Ngunit hindi ninyo mararanasan
ang presensya ko
sapagkat itinakwil ko na kayo.
7Nagtaksil kayo sa Panginoon ,
dahil nagkaanak kayo sa labas.
Kaya lilipulin ko kayo
at sisirain ko ang lupain ninyo
sa loob lamang ng isang buwan.
8“Hipan ninyo ang mga trumpeta
upang bigyang babala
ang mga tao
sa Gibea at Rama!
Iparinig ang sigaw ng digmaan sa Bet-aven!
Magbantay kayo,
kayong mga mamamayan ng Benjamin.
9Mawawasak ang Israel
sa araw ng pagpaparusa.
Tiyak na mangyayari ang sinasabi ko
laban sa mga lahi ng Israel!
10Ang mga pinuno ng Juda
ay katulad ng taong naglilipat ng muhon
dahil inagaw nila ang lupain ng Israel.
Kaya ibubuhos ko sa kanila
ang aking galit na tulad ng baha.
11Ginigipit at winawasak ang Israel
dahil pinarurusahan ko siya.
Sapagkat patuloy siyang sumusunod
sa mga diyos-diyosan.
12Sapagkat akoʼy tulad ng gamo-gamo
sa lahi ni Efraim,
tulad ng kalawang na sisira
sa sambahayan ni Juda.
13“Nang makita ng mga taga-Israel
at taga-Juda
ang kanilang masamang kalagayan,
humingi ng tulong ang Israel
sa makapangyarihang hari ng Asiria.
Subalit hindi ito makakatulong
sa kanila.
14Sapagkat sasalakayin kong gaya ng leon
ang Israel at ang Juda.
Ako mismo ang lilipol
sa kanila.
Dadalhin ko sila sa ibang bansa
at walang makapagliligtas sa kanila.
15Pagkatapos, babalik ako
sa aking lungga
hanggang sa maparusahan sila
dahil sa kanilang mga kasalanan.
At sa gayoʼy hahanapin nila ako;
sa kanilang pagdurusa
ay lalapit sila sa akin.”