The chat will start when you send the first message.
1Huwag kayong matuwa, Israel;
huwag kayong magdiwang
katulad ng mga ibang bansa.
Sapagkat hindi kayo naging tapat
sa inyong Diyos;
nasisiyahan kayo sa inyong upa
bilang babaeng bayaran,
at inaakalang ang mga butil
sa bawat giikan
ay ibinigay ng inyong diyos-diyosan.
2Ngunit sa bandang huli,
mauubusan kayo ng mga trigo
at bagong alak.
3Lilisanin ninyo ang Israel,
ang lupain ng Panginoon ,
at babalik kayo sa Ehipto,
at ang iba sa inyo
ay pupunta sa Asiria,
at doon ay kakain kayo
ng mga pagkaing
itinuturing ninyong marumi.
4Hindi na kayo papayagang magbuhos
ng mga handog na inumin
sa Panginoon .
Wala sa anumang handog ninyo
ang nakakalugod sa kanya.
Ang mga itoʼy ituturing na marumi
gaya ng pagkaing inihahain
ng isang taong nagluluksa.
Ang inyong mga pagkain
ay para lamang sa inyong sarili
at hindi maaaring ihandog
sa Templo ng Panginoon .
5Kung ganoon,
ano ngayon ang inyong gagawin
kapag dumating ang mga espesyal
na araw ng pagsamba
o mga pista upang parangalan
ang Panginoon ?
6Kahit na makatakas kayo
sa kapahamakan,
titipunin pa rin kayo sa Ehipto
at ililibing sa Memfis.
Matatakpan ng mga damo
at matitinik na halaman
ang inyong mga mamahaling
kagamitang pilak
pati ang inyong mga tolda.
7Mga taga-Israel,
dumating na ang araw
ng inyong kaparusahan,
ang araw na gagantihan kayo
sa inyong mga ginawa.
At tiyak na malalaman ninyo
na dumating na nga ito.
Sinasabi ninyo,
“Ang propetang iyan ay hangal,
isang lingkod ng Diyos
na nasisiraan ng ulo.”
Sinasabi ninyo iyon
dahil marami na kayong mga kasalanan
at galit kayo sa akin.
8Bilang propeta,
kasama ko ang Diyos
sa pagbabantay sa inyo
na mga taga-Israel.
Ngunit kahit saan ako pumunta
ay nais ninyo akong ipahamak;
para akong ibon
na gusto ninyong mahuli sa bitag.
Galit sa akin ang mga tao sa Israel,
na itinuturing ng Diyos
na kanyang tahanan.
9Napakasama na ninyo
tulad ng mga lalaki noon sa Gibea.
Aalalahanin ng Diyos
ang inyong mga kasamaan,
at parurusahan niya kayo
sa inyong mga kasalanan.
10Sinabi ng Panginoon ,
“Mga taga-Israel, noong piliin ko
ang mga ninuno ninyo
na maging mamamayan,
tuwang-tuwa ako.
Gaya ng taong tuwang-tuwa
nang makakita ng ubas
na tumubo sa disyerto
o nang makakita ng unang bunga
ng puno ng igos.
Ngunit nang pumunta sila sa Baal Peor,
itinalaga nila ang kanilang sarili
sa mga nakakasuklam
na diyos-diyosan,
at naging gaya sila
ng mga kasuklam-suklam
na diyos-diyosang iyon
na kanilang iniibig.
11Mga taga-Israel,
mawawala ang inyong kadakilaan
na parang ibong lumipad.
Wala nang mabubuntis
at wala ring manganganak
sa inyong mga kababaihan.
12At kung may manganganak man,
kukunin ko ang mga anak nila
at magluluksa kayo.
Nakakaawa naman kayo
kapag iniwan ko na kayo.
13Ang tingin ko sa inyo noon
ay parang palmang tumutubo
sa matabang lupa.
Ngunit ngayon, kailangang dalhin ninyo
ang inyong mga anak
sa digmaan para mamatay.”
14Panginoon , ganoon nga po
ang gawin ninyo
sa inyong mga mamamayan.
Loobin nʼyo pong hindi magkaanak
at makapagpasuso
ang mga kababaihan nila.
15Sinabi ng Panginoon ,
“Ang lahat ng kasamaan
ng aking mga mamamayan
ay nagsimula sa Gilgal.
Doon pa lang ay kinapootan ko na sila.
At dahil sa kanilang kasamaan,
palalayasin ko sila sa lupain
ng Israel na aking tahanan.
Hindi ko na sila mamahalin.
Naghimagsik sa akin ang lahat
ng kanilang mga pinuno.
16Para silang tanim na natuyo
ang ugat kaya hindi namumunga.
At kahit mabuntis man sila,
papatayin ko
ang mga minamahal nilang anak.”
17Itatakwil ng aking Diyos
ang mga Israelita
dahil hindi sila sumunod sa kanya.
Kaya magiging mga palaboy sila
sa ibaʼt ibang bansa.