Isaias 1

1Ang aklat na itoʼy tungkol sa ipinahayag ng Diyos kay Isaias na anak ni Amoz. Tungkol ito sa Juda at Jerusalem noong panahong magkakasunod na naghari sa Juda sina Uzias, Jotam, Ahaz, at Ezequias.

Ang Suwail na Bansa

2Makinig kayo, langit at lupa,

sapagkat nagsalita ang Panginoon ,

“Inalagaan koʼt pinalaki

ang aking mga anak,

ngunit silaʼy nagrebelde sa akin.

3Kahit ang mga bakaʼy kilala

ang nagmamay-ari sa kanila,

at ang mga asnoʼy alam kung nasaan

ang kanilang sabsaban

ngunit ang aking bayang Israel

ay hindi nakakakilala,

ang aking mamamayan

ay hindi nakakaunawa.”

4Kawawa ang makasalanang bansang ito,

isang sambayanang punong-puno

ng kasamaan,

lahi ng mga gumagawa

ng masama at mapaminsala.

Itinakwil nila at kinutya ang Panginoon ,

ang Banal na Diyos ng Israel,

at siyaʼy tinalikuran nila.

5Bakit ninyo ninanais na maparusahan pa?

Bakit patuloy kayong nagrerebelde?

Ang inyong uloʼy puro sugat na

at ang inyong pusoʼy nanghihina.

6Mula ulo hanggang talampakan,

walang bahagi na walang sugat,

pasa at pamamaga.

Hindi ito nahuhugasan,

o nabebendahan, o nagagamot.

7Ang inyong bansaʼy napabayaan;

ang inyong mga lungsod

ay sinunog na.

Ang inyong mga pananim

ay sinira ng mga dayuhan,

nasaksihan mismo ng inyong mga mata.

Wasak na wasak na ang inyong lupain

at itoʼy hindi na mapapakinabangan.

8Walang natira kundi ang Jerusalem.[#1:8 : Sa Hebreo, anak na babae ng Zion.]

Para itong silungan sa isang ubasan

o isang kubol sa taniman ng mga pipino,

at para ring lungsod na pinalibutan ng kaaway.

9Kung ang Panginoon ng mga Hukbo

ay hindi nagtira ng ilan sa atin,

natulad na sana tayo sa Sodoma at Gomora.

10Kayong mga pinuno

at mga mamamayan ng Jerusalem

na katulad ng mga taga-Sodoma at Gomora,

pakinggan ninyo ang salita

at kautusan ng Panginoon na ating Diyos.

11“Balewala sa akin ang napakarami

ninyong handog,”

wika ng Panginoon .

“Sawang-sawa na ako

sa inyong mga handog na sinusunog;

ang mga tupa at ang mga taba

ng mga pinatabang hayop,”

sabi ng Panginoon .

“Hindi ako nalulugod sa dugo

ng mga toro, tupa at mga kambing.

12Sino ang nag-utos sa inyo

na dalhin ang lahat ng ito

kapag sumasamba kayo sa akin?

Sino ang nag-utos sa inyo

na tumapak sa aking templo?

13Tigilan nʼyo na ang pagdadala

ng mga handog na walang silbi.

Nasusuklam ako sa amoy

ng inyong mga insenso.

Hindi ko na matiis ang inyong mga pagtitipon

kapag Pista ng Bagong Buwan

at Araw ng Pamamahinga,

dahil kahit na nagtitipon kayo,

gumagawa kayo ng kasamáan.

14Sa inyong mga Pista ng Bagong Buwan

at sa iba pa ninyong mga pista

ang aking kaluluwaʼy labis na nasusuklam.

Sobra-sobra na!

Hindi ko na ito matiis!

15Kapag nananalangin kayo,

hindi ko kayo papansinin.

Kahit paulit-ulit pa kayong manalangin

hindi ko kayo pakikinggan

dahil marami kayong pinatay na tao.

16“Linisin ninyo ang inyong sarili.

Tigilan na ninyo ang paggawa

ng kasamaan

sa aking harapan.

17Matuto kayong gumawa ng mabuti

at sikaping pairalin ang katarungan.

Tulungan ninyo ang mga inaapi;

ipagtanggol ang karapatan

ng mga ulila at mga biyuda.”

18Sinabi pa ng Panginoon ,

“Halikayoʼt pag-usapan natin ito.

Gaano man kabigat ang inyong kasalanan,

kahit itoʼy matingkad na pula,

itoʼy aking papuputiin tulad ng nyebe.

Kahit na itoʼy pulang-pula,

itoʼy magiging puting-puti.

19Kung susunod lang kayo sa akin

ay pagpapalain ko kayo.

20Ngunit kung patuloy

kayong magrerebelde,

tiyak na mamamatay kayo.”

Mangyayari nga ito

dahil sinabi ng Panginoon .

Ang Makasalanang Lungsod

21Tingnan ninyo ang lungsod ng Jerusalem.

Matapat ito noon,

ngunit ngayoʼy naging babaeng bayaran.

Datiʼy mga taong matuwid

ang mga nakatira rito,

ngunit ngayon

ay mga mamamatay-tao.

22Datiʼy mahalaga ka tulad ng pilak,

ngunit ngayon ay wala ka nang silbi.

Noon para kang mamahaling alak,

ngunit ngayon ay para ka nang alak

na may halong tubig.

23Ang mga pinuno moʼy mga suwail

at kasabwat ng mga magnanakaw.

Gusto nila palagi ng suhol,

at nanghihingi ng mga regalo.

Hindi nila ipinagtatanggol

ang karapatan ng mga ulila

at hindi rin nila pinapakinggan

ang daing ng mga biyuda.

24Kaya sinabi ng

Panginoon ng mga Hukbo,

ang Diyos na Makapangyarihan ng Israel,

“Ipapatikim ko

sa aking mga kaaway ang aking poot

ipararanas ko

sa kanila ang aking paghihiganti.

25Parurusahan ko kayo

upang magbago kayo,

katulad ng pilak na dinadalisay sa apoy.

26Muli ko kayong bibigyan ng mga pinuno

at mga tagapayo,

katulad noong una.

At ang inyong lungsod ay tatawaging

lungsod ng mga matuwid

at tapat na mga tao.”

27Magsisisi ang mga tao sa Jerusalem,[#1:27 : Sa Hebreo, Zion.]

at ito ay ililigtas ng Panginoon

at magiging matuwid ang pagtrato

ng mga pinuno

sa lahat ng mga mamamayan.

28Ngunit lilipulin niya ang mga suwail

at mga makasalanan,

ang mga taong

tumalikod sa Panginoon .

29Mapapahiya kayong mga taga-Jerusalem

dahil sa pagsamba ninyo

sa mga puno ng ensina

at sa mga sagradong halamanan.

30Matutulad kayo

sa isang nalalantang puno ng ensina,

at sa isang halamanang

hindi nadidiligan.

31Ang mga makapangyarihan sa inyo

ay magiging katulad ng tuyong kahoy

na madaling masunog,

at ang masasama nilang gawa

ay magiging parang tilamsik ng apoy

na susunog sa kanila.

Walang makatutupok sa apoy na iyon.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.