Isaias 10

1Nakakaawa kayong mga gumagawa

ng mga kautusang di-makatarungan,

at naglalabas ng mga batas

na wala sa katuwiran.

2Dahil ditoʼy, inaapi ang mga mahihirap

at ipinagkakait ang katarungan

sa aking mga mamamayan.

Ang mga biyuda ang binibiktima nila,

at ninanakawan nila ang mga ulila.

3Ano ang gagawin ninyo

sa araw ng pagpaparusa sa inyo?

Ano ang gagawin ninyo

kapag dumating ng panganib mula sa malayo?

Kanino kayo hihingi ng tulong?

At saan ninyo itatago

ang mga kayamanan ninyo?

4Walang matitira sa inyo.

Mabibihag o mamamatay kayo,

ngunit ang poot ng Panginoon

ay hindi pa humuhupa.

Nakahanda pa rin siyang

magparusa sa inyo.

Ang Parusa ng Panginoon sa mga taga-Asiria

5Sinabi ng Panginoon ,

“Nakakaawa ang mga taga-Asiria.

Sila ang gagamitin kong pamalo

upang parusahan

ang mga kinamumuhian ko.

6Uutusan ko silang salakayin

ang bansang hindi makadiyos

at kinapopootan ko,

para wasakin ito

at tapak-tapakan tulad ng putik

sa lansangan,

at samsamin ang lahat

ng kanilang ari-arian.”

7Ngunit hindi malalaman ng hari ng Asiria

na ginagamit lang siya ng Panginoon .

Akala niyaʼy basta na lang siya mangwawasak

ng maraming bansa.

8Buong pagmamalaki niyang sinabi,

“Ang mga kumander ng aking hukbo

ay parang mga hari.

9Anong pagkakaiba ng Carquemis at Calno,

ng Arpad at Hamat,

at ng Damasco at Samaria?

Silang lahat ay pare-pareho

kong winasak.

10Nilupig ko ang mga kaharian

ng mga diyos-diyosan,

mga kahariang higit pa ang mga imahen

kaysa sa Jerusalem at Samaria.

11Winasak ko na ang Samaria

at ang mga diyos-diyosan nito.

Ganyan din ang gagawin ko

sa Jerusalem at sa mga diyos-diyosan nito.”

12Ngunit ito ang sinabi ng Panginoon na mangyayari kapag natapos na niya ang gagawin niya laban sa Bundok ng Zion at sa Jerusalem: “Parurusahan ko ang hari ng Asiria dahil sa kanyang pagmamataas at pagmamalaki.

13Sapagkat sinasabi niya,

‘Nagawa ko ito

dahil sa sarili kong lakas

at karunungan.

Tinalo ko ang maraming bansa

at sinamsam ang kanilang

mga kayamanan.

Para akong toro,

ibinagsak ko ang mga nakaupo sa trono.

14Kinuha ko ang mga kayamanan

ng mga bansa,

na para bang nag-iipon lang ako

ng mga itlog

sa mga pugad na iniwanan ng inahin.

Walang pakpak na pumagaspas

o huni na narinig.’ ”

15Maaari bang magmalaki ang palakol

o ang lagare sa gumagamit sa kanya?

Mabubuhat ba ng pamalo

ang may hawak sa kanya?

16Kaya magpapadala

ang Panginoon ng mga Hukbo

ng sakit na magpapahina

sa makikisig na sundalo nito,

at lalamunin ng naglalagablab

na apoy ang karangyaan nito.

17Ang Ilaw ng Israel ay magiging tulad ng apoy,

ang Banal na Diyos ay magliliyab

na susunog at tutupok sa mga dawag

at matitinik nitong halaman

sa loob ng isang araw lamang.

18Mawawasak nang tuluyan

ang maririlag nitong kagubatan

at masasaganang kabukiran,

tulad ng maysakit na nanghihina

ang katawan.

19Kakaunti lamang ang matitirang puno.

Kahit ang batang paslit

ay mabibilang ito.

Ang mga Natitirang Lahi ni Jacob

20Sa araw na iyon,

ang mga natitirang Israelita,

ang mga nakatakas na lahi ni Jacob

ay hindi na aasa sa Asiria

na pumuksa sa kanila.

Silaʼy magtitiwala na sa Panginoon ,

ang Nag-iisang Banal ng Israel.

21Magbabalik-loob ang

mga natitirang lahi ni Jacob

sa Diyos na Makapangyarihan.

22Kahit na kasindami

ng buhangin sa tabing-dagat

ang mga Israelita,

iilan lang ang makakabalik.

Nakatakda na ang parusang nararapat

para sa buong Israel.

23At tiyak na gagawin

ng Panginoong Diyos na Makapangyarihan

ang parusang nakatakda sa buong lupain.

24Kaya sinabi ng Panginoong Diyos

na Makapangyarihan,

“Kayong mga mamamayan ko na

sa Zion naninirahan,

ang mga taga Asiriaʼy huwag ninyong katakutan

kahit kayo ay kanilang pinahihirapan

katulad ng ginawa sa inyo ng mga Ehipsiyo.

25Sapagkat hindi magtatagal

at lilipas na ang galit ko sa inyo

at sa kanila ko naman ibubuhos ito

hanggang sa silaʼy mawasak.”

26Parurusahan sila ng Panginoon ng mga Hukbo

katulad ng ginawa niya

sa mga taga-Midian sa Bato ng Oreb

at sa mga Ehipsiyo

nang nilunod niya sila sa dagat.

27Sa araw na iyon, palalayain ko kayo

mula sa kapangyarihan ng Asiria.

Para kayong natanggalan ng mabigat

na pasanin sa mga balikat nʼyo

at ng pamatok na nagpapabigat

sa leeg ninyo.

Lalaya kayo mula sa kapangyarihan nila

dahil magiging makapangyarihan kayo.

28Nilusob ng Asiria ang Aiat.

Doon sila dumaan sa Migron

at iniwan nila sa Micmas

ang mga dala nila.

29Dumaan sila sa tawiran,

at doon natulog sa Geba.

Natakot ang mga taga-Rama,

at tumakas ang mga mamamayan ng Gibea

na bayan ni Haring Saul.

30Sumigaw kayong mga taga-Galim!

Makinig kayong mga taga-Laisa

at kayong mga kawawang taga-Anatot.

31Tumakas na ang mga mamamayan

ng Madmena at Gebim.

32Sa araw na ito,

darating ang mga taga-Asiria sa Nob.

At sesenyas sila na salakayin

ang bundok ng Jerusalem,

ang Bundok ng Zion.

33Makinig kayo!

Ang Panginoon ng mga Hukbo

ang wawasak sa mga taga-Asiria

sa pamamagitan ng kahanga-hanga

niyang kapangyarihan,

na parang pumuputol

ng mga sanga sa puno.

Ibabagsak niya ang mga mapagmataas

katulad ng pagputol ng matataas

na punongkahoy.

34Pababagsakin niya sila

katulad ng pagputol

ng mga puno sa kagubatan

sa pamamagitan ng palakol.

Silang mga katulad ng puno sa Lebanon

ay pababagsakin ng Diyos na Makapangyarihan.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.