Isaias 11

Ang Mapayapang Kaharian

1May tutubong sanga

sa tuod ni Jesse;

mula sa mga ugat nito

ay sisibol ang isang usbong.

2Ang Espiritu ng Panginoon

ay mananatili sa kanya,

at bibigyan siya

ng karunungan at pang-unawa,

ng kakayahang magpayo at kalakasan,

ng kaalaman at takot sa Panginoon .

3Magiging kagalakan niya

ang pagsunod sa Panginoon .

Hindi siya mamumuno at hahatol

batay lang sa kanyang nakita

o narinig sa iba.

4Bibigyan niya ng katarungan

ang mga mahihirap

at ipagtatanggol

ang kanilang mga karapatan.

Sa pamamagitan ng kanyang salita,

parurusahan niya

ang mga tao sa mundo

at mamamatay ang masasamang tao.

5Paiiralin niya ang katarungan at katapatan,

ito ang magiging pinakasinturon niya.

6Sa araw na iyon, ang asong lobo

ay maninirahang kasama ng tupa.

Mahihigang magkakasama

ang kambing at leopardo.

Magsasama ang guya at batang leon,

at ang mag-aalaga sa kanila

ay mga batang paslit.

7Magkasamang kakain

ang baka at ang oso,

at ang mga anak nila

ay magkakatabing hihiga.

Ang leon ay kakain ng dayami

na tulad ng baka.

8Kahit maglaro ang mga paslit

sa tabi ng lungga ng makamandag na ahas,

o kahit na isuot nila

ang kamay nila sa lungga nito,

hindi sila mapapahamak.

9Walang mamiminsala o gigiba sa Zion,

ang banal kong bundok.

Sapagkat magiging laganap

sa buong mundo

ang pagkilala sa Panginoon

katulad ng karagatan na puno ng tubig.

10Darating ang araw na ang tagapagmana ng trono ni David ang magsisilbing hudyat sa mga bansa. Darating sila upang humingi ng patnubay sa kanya at ang lugar na tinitirhan niya ay magiging tanyag.[#11:10 : Sa literal, ang Ugat ni Jesse.]

11Sa araw na iyon, muling kikilos ang Panginoon upang ibalik ang kanyang mga natitirang mamamayan na dinalang bihag sa Asiria, Ehipto, Patros, Etiopia, Elam, Babilonia, Hamat at sa iba pang malalayong lugar.

12Itataas niya ang isang bandila

upang tipunin ang mga nabihag

na mga Israelita.

Pauuwiin niya ang mga nakakalat

na mamamayan ng Juda

mula sa ibaʼt ibang dako ng mundo.

13Mawawala na ang inggit ng Israel sa Juda

at ang galit ng Juda sa Israel.

14Magkasama silang lulusob

sa mga Filisteo sa kanluran,

sasamsamin nila ang yaman

ng mga tao sa silangan.

Ang Edom at Moab

ay kanilang sasakupin,

at ang mga Amonita

ay magpapasakop din.

15Patutuyuin ng Panginoon

ang Dagat ng Ehipto,

at sa galaw ng kanyang kamay

ay paiihipin niya

ang mainit na hangin

sa Ilog ng Eufrates.

Itoʼy hahatiin niya sa pitong

maliliit na ilog daluyan

upang kahit ang naglalakad

ay makakatawid.

16Kung paanong may malapad na daan

na dinaanan

ng mga mamamayan ng Israel

noong umalis sila sa Ehipto,

mayroon ding malapad na daan

para sa mga natitira niyang

mga mamamayan sa Asiria.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.