The chat will start when you send the first message.
1Nakakaawa ang mga lugar
malapit sa mga ilog ng Etiopia,
na may mga pagaspas
ng pakpak ng mga kulisap na naririnig.
2Mula sa lugar na ito
ay may mga sugong nakasakay
sa mga bangkang yari sa tambo
at dumadaan sa Ilog Nilo.
Humayo kayo,
mabibilis na sugo,
Dalhin ninyo ang mensahe
sa mga mamamayang matatangkad
at makikinis ang balat,
sa mga taong kinatatakutan
kahit saan,
dahil sa kanilang pananakop at paninira,
at nakatira sa lupaing
dinadaanan ng mga ilog.
3Kayong lahat ng naninirahan sa mundo,
at naninirahan sa lupa,
abangan ninyo ang pagtaas ng bandila
sa ibabaw ng bundok,
at pakinggan ninyo
ang tunog ng trumpeta.
4Sapagkat ito ang sinabi
sa akin ng Panginoon ,
“Mula sa aking luklukan,
panatag akong nagmamasid
na parang nagniningning na araw
sa tanghaling tapat,
at parang namumuong ambon
sa maalinsangang gabi
sa panahon ng anihan.”
5Bago pa dumating
ang panahon ng pag-ani,
sa panahon pa lang
ng pamumulaklak ng mga ubas
at unti-unting paghinog ng mga bunga nito,
puputulin na ng Diyos
ang mga sanga nito
gamit ang karit.
6Ang mga bangkay nila
ay ipapaubaya sa ibong mandaragit
at mababangis na hayop.
Magiging pagkain sila ng mga ibon
sa panahon ng tag-araw
at ng mababangis na hayop
sa panahon ng taglamig.
7Ngunit darating ang araw na tatanggap
ang Panginoon ng mga Hukbo
ng mga handog
mula sa lupaing dinadaanan ng mga ilog.
Ang mga mamamayan nitoʼy
matatangkad, makikinis ang balat,
makapangyarihan,
at kinatatakutan kahit saan.
Dadalhin nila ang kanilang mga regalo
sa Bundok ng Zion,
kung saan sinasamba
ang Panginoon ng mga Hukbo.