The chat will start when you send the first message.
1Ang pahayag na itoʼy tungkol sa Ehipto:
Makinig kayo!
Ang Panginoon
ay nakasakay sa matulin na ulap
at patungo sa Ehipto.
Nangangatog sa takot
ang mga diyos-diyosan ng Ehipto,
at kinakabahan ang mga Ehipsiyo.
2“Pag-aawayin ko ang mga taga-Ehipto:
Kapatid laban sa kapatid,
kapitbahay laban sa kapitbahay,
lungsod laban sa lungsod,
at kaharian laban sa kaharian.
3Masisiraan ng loob
ang mga taga-Ehipto,
at guguluhin ko
ang kanilang mga plano.
Silaʼy sasangguni sa mga diyos-diyosan,
sa kaluluwa ng mga patay,
sa mga mangkukulam
at mga espiritista.
4Ipapasakop ko sila
sa isang haring malupit,”
pahayag ng Panginoon ng mga Hukbo.
5Matutuyo ang tubig ng Ilog Nilo
at ang ilog ay mawawalan ng tubig
hanggang matuyot ito.
6Ang mga sapa at mga batis
na dinadaluyan nito
ay babaho at matutuyo.
Malalanta ang mga tambo
at mga talahib,
7ang lahat ng tanim
sa pampang ng ilog.
Matutuyo at titigas ang lupa
malapit sa Ilog ng Nilo
at mamamatay
ang mga halaman dito.
8Ang mga mangingisda
ay iiyak at maghihinagpis,
lahat ng mga mamimingwit sa Ilog Nilo.
Ang mga maghahagis ng lambat
ay manghihina.
9Malulungkot ang mga gumagawa ng damit
mula sa halamang ginagawang pinong lino,
ang mga humahabi ng pinong lino
ay mawawalan ng pag-asa.
10Manlulumo ang mga manghahabi
at ang iba pang mga manggagawa.
11Hangal ang mga pinuno ng Zoan!
Kinikilala silang mga pinakamatalinong
tagapayo ng Faraon,
ngunit ang kanilang mga payo
ay walang kabuluhan.
Paano nila nasabi sa Faraon,
“Lahi kami ng matatalino
at mga tagasunod ng mga hari
noong unang panahon.”
12Faraon, nasaan na ngayon
ang iyong matatalinong tao?
Kung talagang matatalino sila,
itanong mo kung ano ang plano
ng Panginoon ng mga Hukbo
para sa Ehipto.
13Talagang mga mangmang
ang mga pinuno ng Zoan at Memfis.
Madali silang malinlang.
Sila na mga pinuno ng mamamayan,
ang nagligaw sa landas ng Ehipto.
14Ipinadala sa kanila ng Panginoon
ang espiritu ng pagkahilo,
at inililigaw nila ang mga Ehipsiyo.
Kaya pasuray-suray sila sa lansangan
katulad ng lasenggong
ang suka ay iniikutan.
15Walang sinuman sa buong Ehipto,
mayaman man o mahirap,
marangal man o aba,
ang makakatulong sa kanyang bansa.
16Sa mga araw na iyon, ang mga taga-Ehipto ay magiging mahina gaya ng mga babae. Manginginig sila sa takot sa parusang ihahatol sa kanila ng Panginoon ng mga Hukbo.
17Matatakot sila sa Juda, kahit marinig lang nila ang pangalan nito. Mangyayari ito sa kanila dahil sa plano ng Panginoon ng mga Hukbo laban sa kanila.
18Sa araw na iyon, limang lungsod ng Ehipto ang manunumpa ng katapatan sa Panginoon ng mga Hukbo, at magsasalita sila sa wikang Hebreo na wika ng Canaan. Isa sa mga lungsod na itoʼy tatawaging, Lungsod ng Araw.[#19:18 : Ito ang makikita sa karamihang mga tekstong Hebreo. Sa ibang mga tekstong Hebreo at sa Latin Vulgate, Lungsod ng Kapahamakan.]
19Sa araw na iyon, itatayo ang isang altar para sa Panginoon sa lupain ng Ehipto, at itatayo ang isang alaalang bato sa hangganan nito.
20Magiging tanda ito at patunay na naroon ang Panginoon ng mga Hukbo sa lupain ng Ehipto. Kung ang mga taga-Ehipto ay hihingi ng tulong sa Panginoon sa dahilang pinapahirapan sila ng mga umaapi sa kanila, padadalhan niya sila ng tagapagligtas at tagapagtanggol, at siya ang magliligtas sa kanila.
21Ipapakilala ng Panginoon ang kanyang sarili sa kanila, at sa araw na iyon ay kikilalanin nila ang Panginoon . Sasambahin nila siya sa pamamagitan ng sari-saring mga handog. Mamamanata sila sa Panginoon , at tutuparin nila iyon.
22Parurusahan ng Panginoon ng salot ang mga taga-Ehipto; parurusahan sila ngunit pagagalingin din niya ang mga ito. Dudulog sila sa Panginoon , at didinggin niya ang mga dalangin nila at pagagalingin sila.
23Sa araw na iyon, magkakaroon ng malapad na daan mula sa Ehipto papuntang Asiria. Ang mga taga-Ehipto at mga taga-Asiria ay magpaparooʼt parito sa Ehipto at sa Asiria, at magkasama silang sasamba.
24Sa araw na iyon, magsasama ang Israel, Ehipto, at ang Asiria. At ang tatlong bansang ito ay magiging pagpapala sa buong mundo.
25Pagpapalain sila ng Panginoon ng mga Hukbo at sasabihin, “Pinagpapala ko ang mga taga-Ehipto na aking mga mamamayan, ang mga taga-Asiria na aking nilalang, at ang mga taga-Israel na pagmamay-ari ko.”