The chat will start when you send the first message.
1Ang pahayag na itoʼy tungkol sa Lambak ng Pangitain.[#22:1 : Maaaring ang Jerusalem.]
Ano ang nangyayari?
Bakit kayo umaakyat sa mga bubong?
2Nagkakagulo at nagsisigawan
ang mga tao sa bayan.
Ang mga namatay sa inyo
ay hindi sa espada
o digmaan namatay.
3Ang lahat ninyong pinuno
ay nagsitakas
at nahuli nang walang kalaban-laban.
Ang ilan sa inyo
ay nagtangkang tumakas,
ngunit nahuli pa rin.
4Kaya sinabi ko,
“Ibaling ninyo
ang inyong paningin
at hayaan ninyo akong umiyak.
Huwag ninyo akong aliwin
para sa aking mga kababayang
namatay.”
5Sapagkat itinakda
ng Panginoong Diyos na Makapangyarihan
ang araw na ito ng pagkakagulo,
pagkakataranta at pagkatakot
sa Lambak ng Pangitain.
Ang mga pader nito ay nagbabagsakan
at ang sigawan ng mga tao
ay dinig hanggang sa kabundukan.
6Sumasalakay ang mga sundalo ng Elam
na sakay ng mga kabayo
at may mga pana.
Ang mga sundalo ng Kir ay sumasalakay din
na may mga hawak na kalasag.
7Ang mga sagana ninyong lambak
ay puno ng mga karwahe,
at ang mga mangangabayoʼy
nakabantay sa mga pintuang-bayan.
8Tinanggal ng Panginoon
ang mga depensa ng Juda
at sa araw na iyon,
kayo ay tumingin sa mga sandatang
nasa Palasyo ng Gubat.
9Tiningnan ninyo ang mga pader
ng Lungsod ni David
para malaman ninyo
kung nasaan ang mga sira nito.
Nag-imbak kayo ng tubig
sa imbakan sa ibaba.
10Binilang ninyo ang mga bahay sa Jerusalem
at giniba ang ilan
para gamitin ang mga bato
sa pag-aayos ng nagibang
pader ng lungsod.
11Gumawa kayo ng imbakan ng tubig
sa pagitan ng dalawang pader,
at itoʼy pinuno ninyo ng tubig
mula sa dating imbakan.
Ngunit hindi ninyo naisip
ang Diyos na siyang gumawa
at nagplano nito noong una pa
at niloob niyang mangyari ito.
12Nanawagan sa inyo
ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan
na kayoʼy magdalamhati, umiyak,
magpakalbo at magsuot ng damit
na panluksa.
13Sa halip, nagdiwang kayo at nagsaya.
Nagkatay kayo ng mga baka at tupa,
kumain ng karne at nag-inuman pa.
Sabi ninyo,
“Kumain tayoʼt uminom,
sapagkat mamamatay rin lang
naman tayo bukas.”
14Sinabi sa akin ng Panginoon ng mga Hukbo na hindi niya kayo patatawarin sa kasalanang ito habang kayoʼy nabubuhay.
15Ito ang sinabi ng Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa akin:
“Puntahan mo si Shebna
ang katiwalang nangangasiwa sa palasyo
at sabihin sa kanya:
16Sino ka ba sa akala mo,
at ano ang ginagawa mo rito,
gumagawa ng iyong libingan
sa gilid ng bundok,
at umuukit ng iyong himlayan
sa malaking bato?
17“Mag-ingat ka!
Kahit na ikaw ay makapangyarihan,
huhulihin at itatapon ka ng Panginoon .
18Igugulong ka niyang parang isang bola,
at ihahagis sa malawak na lupain.
Doon ka mamamatay,
kasama ng mga magagarang
karwaheng ipinagmamalaki mo,
at sa iyong panginoon,
ikaʼy magiging kahihiyan.
19Paaalisin kita sa iyong katungkulan,
tatanggalin kita sa iyong kinalalagyan.
20“Sa araw na iyon, tatawagin ko ang lingkod kong si Eliakim na anak ni Hilkias.
21Ipapasuot ko sa kanya ang damit mong pang-opisyal pati ang iyong sinturon, at ibibigay ko sa kanya ang kapangyarihan mo. Siya ang magiging ama ng mga taga-Jerusalem at taga-Juda.
22Ibibigay ko sa kanya ang susi ng kaharian ni David. Kapag binuksan niya ang pintuan, walang makapagsasara nito, at kapag isinara niya, walang makapagbubukas nito.
23Itatatag ko siyang tulad ng pakong sabitan na matatag ang pagkabaon sa pader, at siyaʼy magbibigay karangalan sa kanyang pamilya.
24Isasalalay sa kanya ang karangalan ng kanyang buong pamilya: lahat ng mga supling at sanga nito. Sa sabitang ito nakabitin ang mga sisidlan, mula sa mga maliliit na tasa, sa mga mangkok hanggang sa mga garapon.
25“Sa araw na iyon,” sabi ng Panginoon ng mga Hukbo, “mahuhulog siya at mawawasak ang lahat ng nakasabit sa kanya.” Ang Panginoon ang nagsasabi nito.