Isaias 28

Ang Babala Tungkol sa Samaria

1Nakakaawa ang Samaria,

na ang katulad

ay koronang bulaklak

na karangalan

ng mga lasenggo ng Israel.

Ang lungsod ng Samaria

ay nasa matabang lambak,

ngunit ang kanyang kagandahan

ay mawawala katulad ng bulaklak

na nalalanta.

2Makinig kayo!

Ang Panginoon ay may inihahandang

malakas

at makapangyarihang bansa

na wawasak sa Samaria.

Katulad ito ng mapaminsalang bagyo

at rumaragasang baha.

3Tinapak-tapakan niya ang Samaria,

ang koronang bulaklak

na karangalan ng mga lasenggo ng Israel.

4Ang lungsod na ito ay nasa matabang lambak,

ngunit ang kagandahan nito

ay mawawala

katulad ng bulaklak na nalalanta.

Malalagas agad ito katulad

ng unang mga bunga ng igos

na kinukuha at kinakain agad

ng bawat makakita.

5Sa araw na iyon,

ang Panginoon ng mga Hukbo

ay magiging tulad

ng magandang koronang bulaklak

para sa nalalabi niyang mga mamamayan.

6Bibigyan niya ng hangarin

ang mga hukom

na pairalin ang katarungan.

At bibigyan niya ng tapang

ang mga tagapagbantay ng lungsod

laban sa mga kaaway.

7Ngunit ngayon, pasuray-suray

ang mga pari at mga propeta,

at wala na sa tamang pag-iisip.

Mali ang pagkakaunawa

ng mga propeta sa mga pangitain,

at hindi tama ang mga desisyon

ng mga pari.

8Ang mga mesa nilaʼy puno

ng mga suka nila

at walang parteng malinis.

9“Ano bang palagay niya sa atin,

mga batang kaaawat pa

lamang sa pagsuso?

Bakit ganyan ang tinuturo niya sa atin?

10Tingnan mo kung magturo siya;

paisa-isang letra, paisa-isang linya,

at paisa-isang aralin.”

11Dahil sa ayaw nilang makinig,

makikipag-usap ang Panginoon

sa mga taong ito sa pamamagitan

ng mga dayuhang iba ang wika.

12Ito ang sasabihin niya,

“Mararanasan ninyo ang kapahingahan

sa inyong lupain.”

Ngunit ayaw nilang makinig.

13Kung kaya, tuturuan sila ng Panginoon

ng paisa-isang letra, paisa-isang linya,

at paisa-isang aralin.

At sa paglalakad nilaʼy mabubuwal sila,

masusugatan, mabibitag, at mahuhuli.

14Kaya kayong mga nangungutyang mga pinuno

ng mga mamamayan ng Jerusalem,

pakinggan ninyo ang sinasabi

ng Panginoon !

15Sapagkat nagmamalaki kayo at nagsasabing,

“Nakipagkasundo kami sa kamatayan

para hindi kami mamatay,

at nakipagkasundo kami

sa lugar ng mga patay

upang hindi kami madala roon.

Kung kaya, hindi kami mapapahamak

kahit na dumating ang mga sakuna

na parang baha,

dahil sa kami ay umaasang maliligtas

sa pamamagitan

ng aming pagsisinungaling

at pandaraya.”

16Kaya ito ang sinabi

ng Makapangyarihang Panginoon :

“Makinig kayo! Maglalagay ako

ng batong pundasyon sa Zion,

batong maaasahan,

matibay, at mahalaga.

Ang mga sumasampalataya sa kanya

ay huwag maging padalos-dalos

sa kanilang mga ginagawa.

17Gagawin kong sukatan

ang katarungan at katuwiran.

Ipapatangay ko sa bagyo at baha

ang kasinungalingan

na inaasahan ninyong makakapagligtas

sa inyo.

18Magiging walang kabuluhan

ang pakikipagkasundo ninyo sa kamatayan

at ang pakikipagkasundo ninyo

sa lugar ng mga patay.

Sapagkat mapapahamak kayo

kapag dumating na

ang mga sakuna na parang baha.

19Palagi itong darating sa inyo,

araw-araw, sa umaga at sa gabi,

at tiyak na mapapahamak kayo.”

Matatakot kayo kapag naunawaan ninyo

ang mensaheng ito.

20Sapagkat kayoʼy matutulad

sa taong maiksi ang higaan

at makitid ang kumot.

21Ang totoo, sasalakay ang Panginoon

katulad ng ginawa niya

sa Bundok ng Perazim

at sa Lambak ng Gibeon.

Gagawin niya ang hindi inaasahan

ng kanyang mga mamamayan.

22Kaya ngayon, huwag na kayong mangutya,

baka dagdagan pa niya

ang parusa niya sa inyo.

Sapagkat napakinggan ko mismo ang utos

ng Panginoong Diyos na Makapangyarihan

na wawasakin niya

ang inyong buong lupain.

23Pakinggan ninyong mabuti

ang sasabihin ko.

24Ang magsasaka baʼy lagi

na lamang mag-aararo

at hindi na magtatanim?

25Hindi baʼt kapag handa na ang lupa,

sinasabuyan niya

ng sari-saring binhi

ang bawat bukid,

katulad halimbawa ng mga pampalasa,

trigo, sebada

at iba pang mga binhi?

26Alam niya ang dapat niyang gawin

dahil tinuturuan siya ng Diyos.

27Hindi niya ginagamitan

ng mabibigat na panggiik

o gulong ng kariton

ang mga inaning pampalasa,

kundi pinapagpag niya

o pinapalo ng patpat.

28Ang trigo na ginagawang tinapay

ay madaling madurog

kaya hindi niya ito gaanong ginigiik.

Ginagamitan niya ito

ng karitong panggiik,

ngunit sinisiguro niyang

hindi ito madudurog.

29Ang kaalamang ito

ay mula sa Panginoon ng mga Hukbo.

Napakabuti ng kanyang mga payo,

at kahanga-hanga

ang kanyang kaalaman.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.