Isaias 32

Ang Paghahari ng Katuwiran

1May isang hari na mamumuno

nang matuwid,

at ang kanyang mga opisyal

ay mamamahala nang may katarungan.

2Ang bawat isa

sa kanilaʼy magiging kanlungan

sa malakas na hangin at bagyo.

Katulad sila ng ilog

na dumadaloy sa disyerto,

o kayaʼy anino ng malaking bato

na lumililim sa tuyong lupain.

3Ang mga mata ng mga may paningin

ay makakakita na nang tuluyan,

at ang mga tainga ng mga may pandinig

ay makakarinig na nang mabuti.

4Ang taong pabigla-bigla

ay mag-iisip nang mabuti

para malaman niya

ang kanyang gagawin.

Ang taong hindi alam

kung ano ang sasabihin

ay makakapagsalita

nang mabuti at malinaw.

5Ang mga hangal

ay hindi na dadakilain,

at ang mga mandaraya

ay hindi na igagalang.

6Sapagkat kahangalan

ang sinasabi ng hangal,

at ang masama niyang isipan

ay nagbabalak na gumawa

ng mga kasamaan.

Nilalapastangan niya ang Panginoon ,

at pinagkakaitan ang mga

nagugutom at nauuhaw.

7Masama ang pamamaraan

ng mandaraya.

Ipinapahamak niya

ang mga dukha sa pamamagitan

ng kanyang kasinungalingan,

kahit na sa panahon ng paghingi

ng mga ito ng katarungan.

8Ngunit ang taong marangal

ay may hangarin

na palaging gumawa ng mabuti,

at itoʼy kanyang tinutupad.

Ang mga Kababaihan ng Jerusalem

9Kayong mga babaeng kampante,

bumangon kayo at pakinggan ninyo ako!

Kayong mga dalagang

labis ang tiwala sa sarili,

makinig kayo sa sasabihin ko!

10Makalipas ang isang taon,

mababagabag kayong

mga may tiwala sa sarili

dahil hindi na mamumunga

ang mga ubas

at wala na kayong mapipitas.

11Matagal na kayong pabaya

at walang pakialam.

Ngayon manginig na kayo sa takot.

Hubarin ninyo ang inyong mga damit

at magbigkis ng sako sa inyong baywang.

12Dagukan ninyo ang inyong dibdib

sa kalungkutan

dahil sa mangyayari

sa inyong masaganang bukirin

at mabungang ubasan.

13Ang lupain ng aking mga mamamayan

ay tutubuan ng mga damo

at matitinik na halaman,

iyakan ninyo ang dating masayang tahanan

at sa lungsod na datiʼy puno ng galak.

14Ang mataong lungsod

at ang mga tanggulan

ay hindi na titirhan.

Ang burol at ang bantayang tore nito

ay magiging

parang ilang magpakailanman.

Itoʼy magiging tirahan

ng mga maiilap na asno

at pastulan ng kawan ng tupa.

15Mangyayari ito hanggang

sa ipadala sa atin

ang Espiritu mula sa langit.

Kung magkagayon, ang ilang

ay magiging matabang lupain

at ang matabang lupain

ay magiging kagubatan.

16Lalaganap ang katarungan at katuwiran

sa ilang at matabang lupain.

17At ang bunga ng katuwiran

ay ang mabuting kalagayan,

kapayapaan, at kapanatagan magpakailanman.

18Kayong mga mamamayan ng Diyos

ay titira sa mapayapang tahanan

at ligtas sa kapahamakan.

At wala nang gagambala sa inyo.

19Kahit masisira ang kagubatan

at ang lungsod dahil umuulan ng yelo

na parang bato,

20pagpapalain kayo ng Diyos.

Magiging masagana ang tubig

para sa mga pananim,

at ang inyong mga baka at asno

ay malayang manginginain kahit saan.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.