Isaias 35

Ang Kaligayahan ng mga Iniligtas

1Ang disyerto at ang tuyong lupa

ay matutuwa na

sa mga araw na iyon;

ang ilang ay magagalak

at mamumukadkad.

Katulad ng mga halaman sa tagsibol,

2aawit at sisigaw ito sa tuwa,

at mamumukadkad

ang maraming bulaklak nito.

Magiging maganda ito

katulad ng Bundok ng Lebanon,

at mamumunga ito nang sagana

katulad ng kapatagan ng Carmel at Saron.

At mahahayag dito ang kapangyarihan

at kadakilaan ng Panginoon

na ating Diyos.

3Kaya palakasin ninyo

ang mga nanghihina.

4Sabihin ninyo sa mga natatakot,

“Huwag kayong matakot.

Lakasan ninyo ang inyong loob.

Darating ang inyong Diyos

para maghiganti sa inyong mga kaaway,

at ililigtas niya kayo.”

5At kapag nangyari na ito,

makakakita na ang mga bulag

at makakarinig na ang mga bingi.

6Lulundag ang mga pilay

na parang usa

at sisigaw sa tuwa ang mga pipi.

Aagos ang tubig sa disyerto

at dadaloy ang tubig sa mga sapa sa ilang.

7Ang mainit na buhanginan

ay magiging tubigan.

At sa tigang na lupain

ay bubukal ang tubig.

Tutubo ang sari-saring damo

sa lugar na tinitirhan noon

ng mga asong-gubat.

8Magkakaroon ng maluwang

na lansangan sa ilang

at iyon ay tatawaging,

“Banal na Lansangan.”

Walang makasalanan o hangal

na makakadaan doon,

kundi ang mga sumusunod lamang

sa pamamaraan ng Panginoon .

9Walang leon

o anumang mababangis

na hayop ang makakadaan doon

kundi ang mga tinubos lamang

ng Panginoon .

10Ang mga tinubos ng Panginoon

ay magbabalik.

Papasok sila sa Zion na umaawit;

ang wagas na kagalakaʼy

korona sa kanilang mga ulo.

Ang kagalakan at kaligayahaʼy

kanilang makakamtan,

at ang kalungkutan at panghihinayang

ay mawawala nang tuluyan.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.