Isaias 37

Sumangguni si Haring Hezekias kay Isaias

(2~Hari 19:1‑7)

1Nang marinig ni Haring Ezequias ang balita, pinunit niya ang kanyang damit, nagsuot siya ng sako at pumunta siya sa Templo ng Panginoon upang manalangin.

2Pinapunta niya kay Propeta Isaias na anak ni Amoz sina Eliakim na tagapamahala ng palasyo, Shebna na kalihim at ang mga punong pari na nakadamit ng sako.

3Pagdating nila kay Isaias, sinabi nila sa kanya, “Ito ang sinabi ni Haring Ezequias: Ito ang panahon ng paghihirap, pagtutuwid at kahihiyan. Katulad tayo ng isang babae na malapit nang manganak na wala nang lakas para iluwal ang kanyang sanggol.

4Ipinadala ng hari ng Asiria ang kumander ng kanyang mga sundalo para kutyain ang Diyos na buháy. Baka sakaling narinig ng Panginoon na iyong Diyos ang sinabi ng kumander at parusahan ito sa sinabi niya. Kaya ipanalangin mo ang mga natira sa atin.”

5Nang dumating ang mga opisyal, na ipinadala ni Haring Ezequias kay Isaias,

6sinabi ni Isaias sa kanila, “Sabihin ninyo sa inyong amo na ito ang sinasabi ng Panginoon : Huwag kang matakot sa narinig mong paglapastangan sa akin ng mga tauhan ng hari ng Asiria.

7Pakinggan mo! Pupuspusin ko ng espiritu ang hari ng Asiria. Makakarinig siya ng balita na magpapabalik sa kanya sa sarili niyang bansa. At doon ko siya ipapapatay sa pamamagitan ng espada.”

Muling Pinagbantaan ng Asiria ang Juda

(2~Hari 19:8‑19)

8Nang marinig ng kumander na umalis na sa Laquis ang hari ng Asiria at kasalukuyang nakikipaglaban sa Libna, pumunta siya roon.

9Nang makatanggap ng balita si Haring Senaquerib ng Asiria na lulusubin sila ni Haring Tirhaka ng Etiopia, nagsugo siya ng mga mensahero kay Ezequias para sabihin ito:

10“Sabihin mo ito kay Ezequias na hari ng Juda: Huwag kang magpaloko sa inaasahan mong Diyos kapag sinabi niya, ‘Hindi ipapaubaya ang Jerusalem sa kamay ng hari ng Asiria.

11Makinig ka! Narinig mo kung ano ang ginawa ng mga hari ng Asiria sa halos lahat ng bansa. Nilipol sila nang lubusan. Sa palagay mo ba makakaligtas ka?

12Nailigtas ba ang mga bansang ito ng diyos nila? Ang mga lungsod ng Gozan, Haran, Reshef at ang mga mamamayan ng Eden na nasa Tel Asar ay nilipol ng mga ninuno ko.

13May nagawa ba ang hari ng Hamat, at ng Arpad? Ano ang nangyari sa mga hari ng lungsod ng Sefarvaim, Hena at Iva?’ ”

Ang Panalangin ni Ezequias

14Nang makuha ni Ezequias ang sulat mula sa mensahero, binasa niya ito. Pumunta siya sa Templo ng Panginoon at inilapag ang sulat sa presensya ng Panginoon .

15Pagkatapos, nanalangin si Ezequias,

16“Panginoon , Diyos ng Israel na nakaupo sa trono sa pagitan ng mga kerubin, kayo lang po ang Diyos na namamahala sa lahat ng kaharian dito sa mundo. Nilikha ninyo ang langit at lupa.

17Panginoon , pakinggan nʼyo po ako, at tingnan nʼyo ang mga nangyari. O buháy na Diyos, pakinggan nʼyo ang mga sinabi ni Senaquerib na lumapastangan sa inyo.

18Panginoon , totoo po na nilipol ng mga hari ng Asiria ang maraming mamamayan at mga lupain nila.

19Winasak nila ang mga diyos-diyosan ng mga ito sa pamamagitan ng pagtapon ng mga ito sa apoy. Dahil hindi po ito mga totoong diyos, kundi mga bato at kahoy lang na ginawa ng tao.

20Kaya, Panginoon naming Diyos, iligtas po ninyo kami sa kamay ng Asiria, upang malaman ng lahat ng kaharian dito sa mundo na kayo lang, Panginoon , ang Diyos.”

21Pagkatapos, nagpadala si Isaias na anak ni Amoz ng ganitong mensahe kay Ezequias: Ito ang sinabi ng Panginoon , ang Diyos ng Israel: Dahil nanalangin ka tungkol kay Haring Senaquerib ng Asiria,

22ito ang sinabi ng Panginoon laban sa kanya:

“Pinagtatawanan at iniinsulto ka

ng mga naninirahan sa Zion,

ang lungsod ng Jerusalem.

Umiiling-iling sila sa paghamak sa iyo

habang ikaʼy nakatalikod.

23Sino ba ang hinahamak

at nilalapastangan mo?

Sino ang pinagtataasan mo ng boses

at pinagyayabangan mo?

Hindi baʼt ako,

ang Banal na Diyos ng Israel?

24Kinutya mo ako

sa pamamagitan ng iyong mga sugo.

Sinabi mo pa,

‘Sa pamamagitan ng aking maraming karwahe

naakyat ko ang matataas na mga bundok

pati ang tuktok ng bundok ng Lebanon.

Pinutol ko ang pinakamataas

na mga puno ng sedro

at natatanging sipres nito.

Nakarating ako sa tuktok

na may makapal na kagubatan.

25Naghukay ako ng balon

sa ibang mga lugar

at uminom ng tubig mula rito.

Sa pagdaan ko,

natuyo ang mga sapa sa Ehipto.’

26“Totoo ngang winasak mo

ang mga tanggulang lungsod.

Ngunit hindi mo ba alam

na matagal ko nang itinakda iyon?

Mula pa noon, naplano ko na ito

at ngayon ginagawa ko na ito.

27Ang mga mamamayan

ng mga lungsod na iyong nilipol

ay nawalan ng lakas.

Natakot sila at napahiya.

Para silang mga damo sa parang

na madaling malanta,

o mga damong tumutubo sa bubungan ng bahay

na pagkatapos tumubo ay nalanta rin agad.

28“Ngunit alam ko ang lahat tungkol sa iyo,

kung saan ka nananatili,

kung saan ka galing,

kung saan ka pupunta,

at kung gaano katindi ang galit mo sa akin.

29Dahil narinig ko ang galit mo

at ang pagmamayabang sa akin,

lalagyan ko ng kawit ang ilong mo,

at bubusalan ko ang bibig mo,

at hihilahin ka pabalik sa iyong pinagmulan,

sa daan na iyong tinahak.

30“Ito ang magiging tanda para sa iyo, Ezequias:

Sa taóng ito, ang mga bunga

ng mga tanim na kusang tumutubo lang

ang kakainin ninyo.

At sa susunod na taon,

ang mga bunga naman

ng mga tanim na tumubo

mula sa mga dating tanim lang

ang kakainin ninyo.

Ngunit sa ikatlong taon,

makakapagtanim na kayo

ng trigo at makakaani.

Makakapagtanim na rin kayo ng mga ubas

at makakakain ng mga bunga nito.

31At ang mga natirang buháy sa Juda

ay muling uunlad, katulad ng tanim

na nagkakaugat ng malalim

at namumunga.

32Sapagkat may mga matitirang buháy

na kakalat mula sa Jerusalem

sa Bundok ng Zion.

Sa kagustuhan ng Panginoon ng mga Hukbo

tiyak na itoʼy magaganap.

33“Kaya ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa hari ng Asiria:

Hindi siya makakapasok

sa lungsod ng Jerusalem,

ni hindi nga siya makakapana

kahit isang palaso rito.

Hindi siya makakalapit na may pananggalang

o kayaʼy mapapaligiran ang lungsod

para lusubin ito.

34Babalik siya sa kanyang pinanggalingan,

sa daan na kanyang tinahak;

hindi siya makakapasok sa lungsod na ito,”

sabi ng Panginoon .

35“Ipagtatanggol at ililigtas ko

ang lungsod na ito

para sa karangalan ko

at dahil sa pangako ko

kay David na aking lingkod.”

36Pumunta ang anghel ng Panginoon sa kampo ng Asiria at pinatay niya ang 185,000 kawal. Kinaumagahan, paggising ng mga natitirang buhay, nakita nila ang napakaraming bangkay.

37Dahil dito, umuwi ang hari ng Asiria na si Senaquerib sa Nineve at doon na tumira.

38Isang araw, habang sumasamba si Senaquerib sa templo ng diyos niyang si Nisroc, pinatay siya ng kanyang dalawang anak na lalaki na sina Adramelec at Sharezer sa pamamagitan ng espada at tumakas ang mga ito papunta sa Ararat. At ang anak niyang si Esarhadon ang pumalit sa kanya bilang hari.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.