The chat will start when you send the first message.
1Nang panahong iyon, nagkasakit si Ezequias na halos ikamatay niya. Pumunta sa kanya si Propeta Isaias na anak ni Amoz at sinabi, “Sinabi ng Panginoon na magbilin ka na sa sambahayan mo dahil hindi ka na gagaling, mamamatay ka na.”
2Nang marinig ito ni Ezequias, humarap siya sa dingding at nanalangin sa Panginoon .
3Sinabi niya, “Panginoon , alalahanin po ninyo kung papaano ako namuhay nang tapat at buong pusong naglingkod sa inyo at kung papaano ako gumawa ng mabuti sa paningin ninyo.” At umiyak si Ezequias ng husto.
4Sinabi ng Panginoon kay Isaias
5na bumalik siya kay Ezequias at sabihin ito: “Sinabi ng Panginoon , ang Diyos ng iyong ninunong si David: Narinig ko ang iyong dalangin at nakita ko ang mga luha mo. Dadagdagan ko pa ng labinlimang taon ang buhay mo.
6Ililigtas kita pati ang lungsod na ito sa hari ng Asiria. Ipagtatanggol ko ang lungsod na ito.
7Ito ang tanda na ibibigay ng Panginoon upang patunayang gagawin niya ang kanyang ipinangako:
8Pababalikin ko ng sampung guhit ang anino ng araw sa orasang ipinagawa ni Ahaz.” At nangyari nga ito.
9Ito ang isinulat ni Haring Ezequias ng Juda nang gumaling siya sa kanyang sakit:
10Akala koʼy mamamatay na ako
sa panahon ng aking kabataan,
at mananatili sa lugar ng mga patay.
11Akala koʼy hindi ko na makikita
ang Panginoon dito
sa mundo ng mga buháy
o hindi ko na makikita
ang mga tao rito sa mundo.
12Tulad ng tolda ng pastol,
ang aking tirahan
ay tinanggal sa kinalalagyan
at kinuha sa akin.
Tulad ng manghahabing iginulong na ang tela,
para ko na ring tinapos ang buhay ko,
at para rin akong nakabiting sinulid
na pinutol mo sa habihan.
Araw at gabiʼy winawakasan mo
ang aking buhay.
13Buong pagpapakumbaba akong
naghintay hanggang umaga
sa pag-aakalang akoʼy mamamatay na.
Parang nilalansag ng leon
ang aking mga buto
kaya akala koʼy wawakasan mo na
ang buhay ko.
14Humingi ako ng tulong
hanggang sa ang tinig koʼy
para nang huni ng langay-langayan
o ng tagak.
Dumaing ako na parang tinig na ng kalapati.
Ang mga mata koʼy pagod na rin
ng katititig sa itaas.
Panginoon , tulungan nʼyo po ako
sa kahirapang ito.
15Ngunit ano pa ang masasabi ko?
Sapagkat sinagot niya ako at pinagaling.
Mamumuhay ako nang may kababaan
dahil sa mapait kong karanasan.
16Panginoon , sa ginawa nʼyo pong ito,
mapapalakas nʼyo ang loob ng tao,
at ako mismo napalakas ninyo.
Pinagaling nʼyo ako
at pinayagan pang mabuhay.
17Totoong ang mga kahirapang aking tiniis
ay para rin sa aking kabutihan.
Dahil sa pag-ibig nʼyo, iniligtas nʼyo ako
mula sa kapahamakan
at ang aking mga kasalanan
ay inyong tinalikuran.
18Sapagkat papaano pa
akong makakapagpuri sa inyo
kung akoʼy patay na?
Ang mga patay
ay hindi makakapagpuri sa inyo
o makakaasa man
sa inyong katapatan.
19Ang mga buháy lamang
ang makakapuri sa inyo
katulad ng ginagawa ko ngayon.
Ang bawat henerasyon
ay magpapahayag
sa susunod na henerasyon
tungkol sa inyong katapatan.
20Panginoon , iniligtas nʼyo po ako,
kaya aawit kami sa saliw ng kuwerdas,
sa inyong Templo
habang kami ay nabubuhay.
21Noong hindi pa gumagaling si Ezequias, sinabi sa kanya ni Isaias na patapalan niya sa kanyang mga katulong ng dinikdik na bunga ng igos ang bukol niya upang gumaling ito.
22Nagtanong si Ezequias, “Ano ang palatandaan na magpapatunay na ako ngaʼy gagaling at makakapunta sa Templo ng Panginoon ?”