The chat will start when you send the first message.
1“Kayong mga nasa baybayin,
tumahimik kayo at makinig sa akin.
Kumuha kayo ng panibagong lakas,
kayong mga bansa.
Lumapit kayo sa akin
at kayoʼy magsalita.
Magtipon-tipon tayo
at hatulan natin ito.
2Sino ang nagpadala ng isang tao
mula sa silangan
at nagbigay sa kanya ng tagumpay
sa pakikipaglaban,
saan man siya pumunta?
Sino ang nagpasakop sa kanya
ng mga hari at mga bansa?
Winasak niya ang mga bansa at pinatay
ang mga hari nito sa pamamagitan
ng espada at pana.
At ang mga itoʼy naging
parang mga alikabok
na tinangay ng hangin.
3Hinabol niya sila
at walang humarang sa kanya
kahit sa mga lugar na
hindi pa niya napupuntahan.
4Sino ang gumawa ng lahat ng ito?
Sino ang nagpanukala
ng lahat ng mga mangyayari
mula pa noong unang henerasyon?
Hindi baʼt ako?
Akong Panginoon ay naroon
noong sinimulan ang mundo,
at naroroon din ako
hanggang sa katapusan nito.
5“Nakita ng mga tao sa malalayong lugar
ang aking mga gawa,
at nanginig sila sa takot.
Nagtipon sila,
6at ang bawat isa
ay nagtulungan at nagpalakas sa isaʼt isa.
7Ang mga karpintero, platero,
at ang iba pang mga manggagawa
na gumagawa ng mga diyos-diyosan
ay nagpalakas sa isaʼt isa na nagsasabi,
‘Maganda ang pagkakagawa natin.’
Pagkatapos, ipinako nila
ang ginawa nilang rebulto
sa lalagyan nito
para hindi ito mabuwal.
8“Ngunit ikaw, Israel, na aking lingkod
at ikaw, Jacob, na pinili ko,
mula sa lahi ni Abraham
na aking kaibigan,
9tinawag kita at kinuha
mula sa pinakamalayong
dako ng mundo.
Sinabi ko, ‘Ikaw ay aking lingkod.’
Pinili kita at hindi itinakwil.
10Huwag kang mangamba,
sapagkat kasama mo ako;
huwag kang malungkot,
sapagkat ako ang iyong Diyos.
Palalakasin kita at tutulungan.
Aalalayan kita sa pamamagitan
ng kamay kong nagliligtas.
11“Ang lahat ng nagagalit sa iyo
ay tiyak na mapapahiya nang husto.
Ang mga lumalaban sa iyo
ay mapapahamak at maglalaho.
12At kahit hanapin mo
ang iyong mga kaaway
hindi mo na sila matatagpuan.
Silang mga kumakalaban sa iyo
ay magiging walang kabuluhan.
13Sapagkat ako ang Panginoon na iyong Diyos.
Ako ang nagpapalakas sa iyo
at nagsasabing huwag kang matatakot
dahil tutulungan kita.
14Kahit na maliit ka at mahina,[#41:14 : Sa literal, parang uod.]
huwag kang matatakot
dahil ako mismo ang tutulong sa iyo,”
sabi ng Panginoon ,
ang iyong Tagapagligtas,
ang Nag-iisang Banal ng Israel.
15“Makinig ka! Gagawin kitang
parang bagong panggiik,
matalim at maraming ngipin.
Gigiikin mo at dudurugin
ang mga bundok at burol.
Gagawin mo ito na parang ipa.
16Tatahipan mo sila
at tatangayin sila ng hangin;
ikakalat sila ng malakas na hangin.
Ngunit ikaw ay magagalak sa Panginoon ;
magpupuri ka sa Banal na Diyos ng Israel.
17“Kapag nangangailangan ng tubig
ang mga mamamayan kong dukha,
at wala silang matagpuan,
at kapag natutuyo na
ang mga lalamunan nila sa uhaw,
akong Panginoon
ang tutulong sa kanila.
Ako na Diyos ng Israel
ay hindi magpapabaya sa kanila.
18Paaagusin ko ang tubig sa batis,
dadaloy ito sa mga tuyong burol
at magkakaroon ng mga bukal
sa mga lambak.
Gagawin kong tubigan ang ilang
at ang mga lupang tigang
ay magkakaroon ng mga bukal.
19Patutubuin ko sa ilang
ang mga puno ng sedro, akasya, mirto,
olibo, pino, enebro, at sipres,
20upang makita, malaman,
at maunawaan ng mga tao
na ang lumikha nito ay ako, ang Panginoon ,
ang Banal na Diyos ng Israel.”
21Sinabi ng Panginoon ,
ang Hari ng Israel, sa mga diyos-diyosan,
“Sige, magreklamo kayo
at mangatuwiran!
22Lumapit kayo
at sabihin sa amin
kung ano ang mga mangyayari
sa hinaharap.
Sabihin ninyo sa amin
ang inyong mga sinabi noon
na mangyayari
para malaman namin
kung nangyari nga ito.
23Sabihin ninyo sa amin kung ano
ang mangyayari sa hinaharap
para malaman namin na kayo ngaʼy mga diyos.
Gumawa kayo ng mabuti
o ng masama
para kami ay magtaka
at matakot sa inyo.
24Ngunit ang totoo, wala kayong silbi
at wala kayong magagawa.
Kasuklam-suklam ang mga
taong pumili sa inyo
para kayo ay sambahin.
25Pinili ko ang taong
mula sa hilaga para mamahala.
Dumudulog siya sa akin,
at ngayon ay darating siya
mula sa silangan.
Wawasakin niya ang mga namamahala
katulad ng pagyapak
ng magpapalayok sa putik
na gagawin niyang palayok.
26Sino sa inyo ang nakahula
noong una pa na mangyayari ito
para malaman namin
at nang masabi naming tama siya?
Ni isa man lang sa inyoʼy walang nagsabi,
at walang nakarinig
na mayroon kayong sinabi.
27Ako ang nagsabi nito noon sa Zion,
ang lungsod ng Jerusalem.
Nagpadala ako ng isang mensahero
para ibalita ang magandang balita
na nariyan na ang tutulong
sa kanila.
28Wala akong nakita kahit tumingin ako.
Wala sa mga diyos-diyosan
ang makapagpapayo.
Ni isa sa kanilaʼy hindi makasagot
sa aking mga tanong.
29Lahat ng mga diyos-diyosan
ay walang kabuluhan,
at walang magagawang anuman.
Para silang lalagyan
na puro hangin ang laman.”