The chat will start when you send the first message.
1Ngunit ito ngayon ang sinasabi ng Panginoong
lumikha sa iyo, O Israel:
“Huwag kang matakot dahil ililigtas kita.
Tinawag kita sa iyong pangalan,
at ikaw ay akin.
2Kapag dumaan ka sa tubig,
akoʼy kasama mo.
Kapag tatawid ka sa mga ilog,
hindi ka malulunod.
Kapag dumaan ka sa apoy,
hindi ka masusunog;
at sa ningas nitoʼy hindi ka magliliyab.
3Sapagkat ako ang Panginoon mong Diyos,
ang Banal na Diyos ng Israel,
na iyong Tagapagligtas.
Ibibigay ko ang Ehipto bilang pantubos sa iyo,
ang Etiopia, at ang Seba bilang kapalit mo.
4Ibibigay ko ang ibang mga tao
bilang kapalit mo,
dahil ikaw ay marangal
at mahalaga sa aking paningin,
at dahil mahal kita.
5Huwag kang matatakot
sapagkat kasama mo ako.
Titipunin ko ang iyong mga lahi
mula sa silangan hanggang sa kanluran.
6Sasabihin ko sa mga bansa sa hilaga,
‘Ibalik ninyo sila,’
at sa timog, ‘Huwag ninyo silang pigilan.’
Hayaan ninyong bumalik
ang aking mga mamamayan
mula sa malayo,
at umuwi
mula sa kasuluk-sulukan ng mundo.
7Sila ang mga taong aking tinawag.
Nilikha ko sila
para sa aking karangalan.”
8Tawagin mo ang aking mga mamamayan
na may mga mata, ngunit hindi makakita;
may mga tainga, ngunit hindi makarinig.
9Tawagin mo ang lahat
ng mamamayan ng mga bansa.
Sino sa mga diyos-diyosan nila
ang makakahula tungkol
sa hinaharap?
Sino sa kanila ang makapagsasabi
tungkol sa mga nangyayari ngayon?
Isama nila ang kanilang mga saksi
upang patunayan
ang kanilang sinasabi,
upang ang mga makakarinig
ay makapagsasabing, “Totoo nga.”
10“Kayo ang aking mga saksi,”
wika ng Panginoon .
“Pinili ko kayong maging mga lingkod ko,
upang makilala ninyo ako
at magtiwala kayo sa akin,
at maunawaan ninyo na ako lamang ang Diyos.
Walang ibang Diyos na nauna sa akin,
at wala ring Diyos na susunod pa sa akin.
11Ako lamang ang Panginoon
at maliban sa akin
ay wala nang iba pang Tagapagligtas.
12Nagpahayag ako na ililigtas ko kayo,
at tinupad ko nga ito.
Walang ibang Diyos
na gumawa nito sa inyo,
kayo ang mga saksi ko.”
Sinabi pa ng Panginoon ,
“Ako ang Diyos.
13Mula pa noon ako na ang Diyos.
Walang makakatakas
sa aking mga kamay.
Walang makakapagbago
ng mga ginagawa ko.”
14Ito ang sinasabi
ng Panginoon ninyong Tagapagligtas,
ang Banal na Diyos ng Israel,
“Para maligtas kayo,
ipapasalakay ko ang Babilonia
sa mga sundalo ng isang bansa,
at tatakas sila sa pamamagitan
ng mga barkong kanilang ipinagmamalaki.
15Ako ang Panginoon ,
ang inyong Banal na Diyos,
ang lumikha sa Israel, ang inyong Hari.
16“Ako ang Panginoon
na gumawa ng daan sa dagat,
ng landas sa gitna ng mabagsik na alon.
17Tinipon ko ang mga karwahe
at mga kabayo,
at ang buong hukbo ng Ehipto.
Doon sila natumba
at hindi na muling babangon pa.
Para silang ilaw na namatay,
napawi ang kanilang buhay.
18Ngunit huwag na ninyong
iisipin pa ang nakaraan,
19dahil bagong bagay na ang gagawin ko.
Itoʼy nangyayari
at nakikita na ninyo.
Gagawa ako ng daan
at mga bukal sa disyerto.
20Pararangalan ako ng maiilap na hayop,
pati na ng mga asong-gubat
at mga kuwago,
dahil maglalagay ako
ng mga bukal sa disyerto
para may mainom
ang mga pinili kong mamamayan.
21Sila ang mga taong aking nilikha
para sa akin
at upang magpuri sa akin.
22“Ngunit hindi mo ako tinawag, Jacob;
nagsawa ka na sa akin, Israel.
23Hindi ka na nag-aalay sa akin
ng mga tupang handog na sinusunog.
Hindi mo na ako pinararangalan
ng iyong mga handog
kahit na hindi kita pinahirapan
o pinagod sa paghingi
ng mga handog
na regalo at mga insenso.
24Hindi mo ako ibinili ng mga insenso
o pinagsawa sa mga taba ng hayop
na iyong mga handog.
Sa halip, pinahirapan mo ako
at pinagod sa iyong mga kasalanan.
25“Ako mismo ang naglilinis
ng mga kasalanan mo
para sa aking karangalan,
at hindi ko na iyon aalalahanin pa.
26Isipin natin ang mga nakaraan.
Magharap tayo.
Patunayan mong wala kang kasalanan.
27Nagkasala sa akin
ang mga ninuno mo,
at nagrebelde sa akin
ang iyong mga pinuno.
28Kaya inilagay ko sa kahihiyan
ang iyong mga opisyal,
at ikaw, Israel, ay ipinaubaya ko
sa kapahamakan at kahihiyan.