Isaias 49

Ang mga Gawain ng Lingkod ng Diyos

1Makinig kayo sa akin,

kayong mga nasa isla,

dinggin ninyo ito,

kayong mga nasa malalayong lupain:

Hindi pa man ako isinisilang,

hinirang na ako ng Panginoon

mula sa sinapupunan ng aking ina,

akoʼy tinawag niya.

2Ginawa niyang kasintalim

ng espada ang mga salita ko.

Iningatan niya ako sa pamamagitan

ng kanyang kapangyarihan.

Ginawa niya akong parang makinang

na pana na handa nang itudla.

3Sinabi niya sa akin,

“Israel, ikaw ay lingkod ko.

Sa pamamagitan mo,

pararangalan ako ng mga tao.”

4Ngunit sinabi ko, “Ang paghihirap koʼy

nauwi sa wala;

nasayang ang lakas ko

at walang kinahinatnan.

Ngunit ipinaubaya ko ito

sa Panginoon na aking Diyos.

Siya ang magbibigay ng gantimpala

sa aking mga gawa.”

5Ang Panginoon ang nagsasabi,

siya na lumikha sa akin

sa sinapupunan ng aking ina,

ang pumili sa akin

na maging lingkod niya,

para pabalikin sa kanya

at tipunin ang mga Israelita.

Pinarangalan ako

ng Panginoon na aking Diyos

at binigyan niya ako ng lakas.

6Sinabi niya, “Ikaw na lingkod ko,

marami pang mga gawain

ang ipapagawa ko sa iyo,

maliban sa pagpapabalik

sa mga tribo ng Israel

na aking kinakalinga.

Gagawin pa kitang ilaw ng mga bansa

upang maligtas ang buong mundo.”

7Ito ang sinasabi ng Panginoon ,

ang Tagapagligtas at Banal na Diyos ng Israel,

sa taong hinahamak

at kinasusuklaman ng mga bansa

at sa lingkod ng mga pinuno:

“Makikita ng mga hari kung sino kang talaga

at tatayo sila para magbigay-galang sa iyo.

Ang mga pinuno ay yuyuko sa iyo

dahil tapat ang Panginoon ,

ang Banal na Diyos ng Israel

na pumili sa iyo.”

Muling Itatayo ang Jerusalem

8Ito ang sinabi ng Panginoon ,

“Sa tamang panahon ay tutugunin kita,

sa araw ng pagliligtas ay tutulungan kita.

Iingatan kita,

at sa pamamagitan mo gagawa ako

ng kasunduan sa mga tao.

Muli mong itatayo ang lupain

ng Israel na nawasak,

at muli mo itong ibibigay

sa aking mga mamamayan.

9Sasabihin mo sa mga Israelitang binihag,

‘Lumabas kayo!’

at sa mga piniit sa kadiliman,

‘Malaya na kayo!’

“Matutulad sila sa mga tupang nanginginain

sa tabi ng mga daan at mga burol.

10Hindi sila magugutom o mauuhaw.

Hindi sila maiinitan

ng matinding init ng araw

o ng mainit na hangin sa ilang.

Sapagkat akong nagmamalasakit

sa kanila

ay magpapatnubay sa kanila

sa mga bukal.

11Gagawin kong daanan

ang aking mga bundok

na kanilang dadaanan.

Ang mga lugar na matataas

ay magiging pangunahing daan.

12Darating ang aking mga mamamayan

mula sa malayo.

Manggagaling ang iba sa hilaga,

ang iba namaʼy sa kanluran,

at ang ibaʼy galing pa sa Sinim.”

13Umawit ka sa tuwa, O langit.

At magalak ka, O mundo!

Umawit kayo,

kayong mga bundok.

Sapagkat kaaawaan

at aaliwin ng Panginoon

ang kanyang mga mamamayang nahihirapan.

14Ngunit sinabi ng Zion,

“Pinabayaan ako ng Panginoon ;

kinalimutan na niya ako.”

15“Makakalimutan ba ng isang ina

ang sanggol na kanyang pinasuso?

Hindi ba niya pagmamalasakitan

ang anak na galing sa kanyang sinapupunan?

Bagamaʼt makakalimutan niya,

hindi kita makakalimutan!

16Tingnan ninyo!

Iniukit ko ang pangalan mo

sa aking mga palad.

Palagi kong iniisip

ang iyong mga nasirang pader.

17Malapit nang dumating

ang muling magtatayo sa iyo,

at ang mga nagwasak sa iyo

ay paaalisin na.

18Tingnan mo ang iyong paligid;

nagtitipon na

ang iyong mga mamamayan

para umuwi sa iyo.

At bilang buháy na Panginoon ,

sumusumpa akong ipagmamalaki mo sila

katulad ng pagmamalaki ng nobyang ikakasal

sa mga alahas na kanyang suot-suot.

19“Nawasak ka at pinabayaang giba,

ngunit ngayon ay titirhan ka na

ng iyong mga mamamayan.

Hindi na sila halos magkakasya sa iyo.

At ang mga nagwasak sa iyo ay lalayo na.

20Sasabihin ng mga anak mong isinilang[#49:20 : O mga mamamayan. Ganito rin sa talata 21|ISA 49:21, 22|ISA 49:22, 25|ISA 49:25.]

sa panahon ng iyong pagdadalamhati,

‘Ang lugar na itoʼy napakaliit para sa amin.

Kailangan namin ng mas malaking lugar.’

21At sasabihin mo sa iyong sarili,

‘Sino ang nagluwal ng mga ito

para sa akin?

Namatay ang karamihan

ng aking mga anak,

at dahil doon akoʼy nagluksa.

Ang iba sa kanila ay binihag

at dinala sa ibang bansa,

at nag-iisa na lamang ako.

Kaya saan galing ang mga ito?

Sino ang nag-alaga sa kanila?’ ”

22Ito ang sinabi ng Makapangyarihang Panginoon :

“Sesenyasan ko ang mga bansa,

itataas ko ang aking bandila

at ibabalik nila sa iyo

ang iyong mga anak

na parang mga sanggol

na kanilang kinalinga.

23Maglilingkod sa iyo

ang mga hari at mga reyna.

Sila ang mag-aalaga sa iyo.

Luluhod sila sa iyo bilang paggalang,

at magpapasakop sa iyo.

Sa ganoon malalaman mong

ako ang Panginoon ,

at ang mga nagtitiwala sa akin

ay hindi mabibigo.”

24Mababawi mo pa ba

ang mga sinamsam

ng mga sundalong malulupit?

Maililigtas pa ba

ang mga binihag nila?

25Ngunit ito ang sagot ng Panginoon ,

“Oo, maililigtas mo pa ang mga binihag

ng mga sundalong malulupit

at mababawi mo pa ang mga sinamsam nila.

Sapagkat lalabanan ko

ang mga lumalaban sa iyo

at ililigtas ko ang iyong mga anak.

26Ipapakain ko sa mga umaapi sa iyo

ang sarili nilang katawan,

at silaʼy magiging parang mga lasing

sa sarili nilang dugo.

Dahil dito, malalaman ng lahat na ako,

ang Panginoon ,

ang iyong Tagapagligtas at Tagapagpalaya,

ay ang Diyos na Makapangyarihan ni Jacob.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.