1Sinong naniwala sa aming ibinalita?
At kanino inihayag ng Panginoon
ang kanyang kapangyarihan?
2Ang kanyang lingkod ay lumago
sa harapan niya
na katulad ng isang tanim
na sumisibol mula sa tuyong lupa.
Wala siyang kagandahan o kadakilaan
para maakit tayo sa kanya.
Walang anuman sa kanyang hitsura
para magustuhan natin siya.
3Hinamak siya at itinakwil ng mga tao.
Dumanas siya ng mga sakit at hirap.
Tinalikuran natin siya, hinamak,
at isinawalang-bahala.
4Ang totoo, pinasan niya
ang mga sakit natin,
at tiniis ang mga pighating
dapat sanaʼy ating dadanasin.
Inakala nating siyaʼy
pinarusahan ng Diyos,
sinaktan at pinahirapan.
5Subalit, sinugatan siya
dahil sa ating mga pagsuway;
dinurog siya dahil sa ating kasamaan.
Ang parusang tiniis niya
ay nagdulot sa atin ng kapayapaan.
At dahil sa kanyang mga sugat,
tayoʼy may kagalingan.
6Tayong lahat ay parang
mga tupang naligaw.
Bawat isa sa atin
ay gumawa ng nais nating gawin.
Ngunit siya ang pinarusahan ng Panginoon
ng parusang dapat sana
ay para sa ating lahat.
7Inapi siya at sinaktan,
ngunit hindi man lang dumaing.
Para siyang tupang dadalhin
sa katayan upang patayin,
o tupang gugupitan
na hindi man lang umiimik.
8Hinuli siya, hinatulan,
at pinatay.
Walang nakaisip,
isa man sa mga salinlahi niya,
na pinatay siya
dahil sa kanilang mga kasalanan,
at kinitil nang maaga ang kanyang buhay,
at tiniis niya ang parusang
dapat sana ay para sa kanila.
9Kahit na wala siyang ginawang kasalanan
at anumang pandaraya,
inilibing siyang parang isang kriminal;
inilibing siyang kasama ng mga mayayaman.
10Ngunit niloob ng Panginoon
na siyaʼy durugin at pahirapan.
Kahit na ang kanyang buhay
ay ginawang handog ng Panginoon
para sa kapatawaran ng kasalanan,
makikita niya ang pagpapatuloy
ng kanyang lahi
at matatamasa niya
ang mahabang buhay.
At sa pamamagitan niya
ay matutupad ang kalooban
ng Panginoon .
11Kapag matapos na
ang kanyang paghihirap,
makikita niya ang liwanag
at masisiyahan siya.
Dahil sa karunungan ng aking
matuwid na lingkod,
marami ang ituturing na matuwid,
at siya ang papasan
sa kaparusahan ng kanilang
mga kasalanan.
12Dahil dito, pararangalan ko siya
katulad ng mga taong tanyag
at makapangyarihan
dahil ibinigay niya ang buhay niya.
Ibinilang siya na isa sa mga makasalanan.
Nagdusa siya para
sa maraming makasalanan
at hiniling pa niya sa Diyos
na silaʼy patawarin.