Isaias 54

Ang Darating na Kaluwalhatian ng Jerusalem

1“Umawit ka, babaeng baog,

ikaw na hindi makapagluwal ng sanggol.

Umawit ka at sumigaw sa tuwa,

ikaw na hindi nakaranas

ng hirap sa panganganak.

Sapagkat kahit na iniwan ka

ng iyong asawa,

mas marami ang iyong magiging anak

kaysa sa babaeng kapiling ang asawa,”

sabi ng Panginoon .

2Palawakin mo ang lugar

ng iyong tolda,

at iunat nang malapad

ang iyong mga kurtina.

Huwag mong liliitan.

Pahabain mo ang iyong mga lubid

at pagtibayin ang mga tulos.

3Sapagkat lalawak ang iyong hangganan,

sasakupin ng iyong mga lahi

ang ibang mga bansa,

at kanilang titirhan

ang mga naiwang lungsod doon.

4“Huwag kang matakot

dahil hindi ka mapapahiya.

Malilimutan mo na ang kahihiyan

ng iyong kabataan

at hindi mo na maaalala

ang pangungutya dala

ng iyong pagkabalo.

5Sapagkat ako na lumikha sa iyo

ay para mong asawa.

Panginoon ng mga Hukbo

ang pangalan ko.

Ako ang Banal na Diyos ng Israel,

ang iyong Tagapagligtas.

Tinatawag akong

‘Diyos ng buong mundo.’

6Sapagkat katulad ng isang

babaeng iniwan

at masakit ang kalooban,

nag-asawa noong bata pa

pero hiniwalayan,

tinatawag kitang muli,”

sabi ng Panginoon .

7“Iniwan kitang pansamantala,

ngunit dahil sa laki ng awa ko sa iyo

ay muli kitang kukupkupin.

8Dahil sa bugso ng galit ko sa iyo,

iniwan kita nang panandalian,

ngunit dahil sa walang hanggang

pag-ibig ko sa iyo, kaaawaan kita,”

sabi ng Panginoon

na inyong Tagapagligtas.

9“Para sa akin, katulad ito

noong panahon ni Noe

nang nangako akong hindi ko na

gugunawin ang mundo.

Kaya ngayon, nangangako akong

hindi na ako magagalit

ni magpaparusa sa inyo.

10Kahit mayanig ang mga bundok,

at maglaho ang mga burol,

ang pag-ibig ko sa iyoʼy hindi mayayanig,

at ang kapayapaang ipinangako ko

ay hindi maglalaho,”

sabi ng Panginoong nagmamalasakit sa iyo.

11“O Jerusalem, para kang binagyo.

Nagdusa kaʼt walang umaliw

at nagpalakas sa iyo.

Ngunit muli kitang itatayo

sa pundasyong gawa

sa batong safiro,

at gagamitin ko

ang mga mamahaling bato

para sa mga dingding ng bahay mo.

12Mga batong rubi ang gagamitin ko

sa iyong mga tore,

mga makikislap na bato

sa iyong mga pinto,

at mamahaling hiyas

sa iyong mga pader.

13Ang iyong mga anak

ay tuturuan ng Panginoon

at silaʼy magkakaroon ng kapayapaan.

14Magiging matatag ka

dahil mamumuhay nang matuwid

ang mga mamamayan mo.

Tatakas ang mga kaaway mo,

kaya wala kang dapat katakutan.

Hindi na makakalapit sa iyo

ang iyong mga kaaway

para takutin ka.

15Kung may lulusob sa iyo,

hindi ko iyon kalooban.

Susuko sila sa iyo.

16Makinig ka!

Ako ang lumikha ng mga panday

na nagpapaningas ng apoy

at gumagawa ng mga sandata.

Ako rin ang lumikha

ng mga namumuksang gumagamit

ng mga sandatang ito para manglipol.

17Walang anumang sandatang nagawa

ang magtatagumpay laban sa iyo,

at masasagot mo

ang anumang ibibintang laban sa iyo.

Ito ang pamana ko sa aking mga lingkod.

Bibigyan ko sila ng tagumpay,”

sabi ng Panginoon .

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.