Isaias 55

Ang Habag ng Diyos

1“Lumapit kayo,

kayong lahat na nauuhaw,

lumapit kayo sa tubig!

Kahit wala kayong pera,

lumapit kayo at kumain!

Halikayo, kumuha kayo ng inumin

at gatas ng walang bayad!

2Bakit ninyo ginugugol

ang inyong mga salapi

sa mga bagay na hindi makakain?

Bakit nʼyo inuubos ang inyong suweldo

sa mga bagay

na hindi makakapagpabusog sa inyo?

Makinig kayo sa akin

at makakakain kayo

ng mga masasarap na pagkain,

at talagang mabubusog kayo.

3Lumapit kayo sa akin at kayoʼy makinig

upang inyong matagpuan ang buhay.

Gagawa ako ng walang hanggang

kasunduan sa inyo.

Ipapadama ko sa inyo

ang pag-ibig koʼt awa

na aking ipinangako kay David.

4Gagamitin ko siya upang ipakita

ang aking kapangyarihan

sa mga bansa.

Gagawin ko siyang pinuno nila.

5Tatawagin ninyo

ang mga bansang hindi ninyo kasama,

at magmamadali silang lalapit sa inyo,

dahil ako, ang Panginoon na inyong Diyos,

ang Banal na Diyos ng Israel,

ang nagbigay sa inyo ng karangalan.”

6Lumapit na kayo sa Panginoon

at tumawag sa kanya

habang naririyan pa siya

para tulungan kayo.

7Talikuran na ng mga taong masama

ang masasama nilang ugali

at baguhin na ang masasama nilang pag-iisip.

Magbalik-loob na sila

sa Panginoon na ating Diyos,

dahil kaaawaan at patatawarin niya sila.

8Sinabi ng Panginoon ,

“Ang aking kaisipan ay hindi katulad

ng inyong kaisipan,

at aking kapamaraanan ay hindi katulad

ng inyong kapamaraanan,

pahayag ng Panginoon .”

9“Kung gaano kalayo ang langit sa lupa,

ganoon din kalayo ang aking pamamaraan

at pag-iisip kaysa sa inyo.

10Kung paanong ang ulan at nyebe

ay nagmumula sa itaas,

at hindi bumabalik doon

hanggaʼt hindi muna nakapagbibigay

ng tubig sa lupa

at nakapagpapalago ng mga halaman

upang makapagbigay ng binhi

at pagkain sa nagtatanim

at sa mga tao.

11Ganyan din ang aking mga salita,

hindi ito mawawalan ng kabuluhan.

Isasakatuparan nito ang aking ninanais,

at isasagawa ang aking layunin

kung bakit ko ito ipinadala.

12Kayo ay hahayo nang masaya

mula sa Babilonia

at mapayapang papatnubayan ng Diyos.

Ang mga bundok at mga burol

ay parang mga taong aawit sa tuwa.

At ang lahat ng mga puno

ay parang mga taong magpapalakpakan.

13Tutubo na ang mga puno

ng sipres at mirto

sa dating tinutubuan

ng matitinik na halaman.

Ang mga pangyayaring itoʼy magbibigay

ng karangalan sa Panginoon .

Magiging tanda ito

ng kanyang kapangyarihan magpakailanman.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.