The chat will start when you send the first message.
1Sino itong dumarating
mula sa Bosra na sakop ng Edom,
na ang maganda niyang damit
ay namantsahan ng pula?
Dumarating siya
na taglay ang kapangyarihan.
Ako ang Panginoong
nagpapahayag ng katarungan
at may kapangyarihang magligtas sa inyo.
2Bakit napakapula ng kanyang damit,
kasimpula ng damit ng taong
nagpipisa ng ubas?
3“Sa aking galit, pinisa ko
na parang ubas ang mga bansa.
Mag-isa akong nagpisa;
wala akong kasama.
Ang dugo nila ay tumalsik sa aking damit;
kaya namantsahan ang damit ko.
4Ginawa ko ito dahil dumating na
ang araw ng aking paghihiganti
sa aking mga kaaway
at ililigtas ko ang aking mga mamamayan.
5Nagtaka ako dahil nakita ko
na wala kahit isa ang tumulong sa akin.
Kaya ako lang ang nagligtas
sa aking mga mamamayan
sa pamamagitan ng aking kapangyarihan.
Ang galit ko ang nagtulak sa akin
upang parusahan ang aking mga kaaway.
6At sa galit ko, tinapakan ko ang mga bansa
at pinasuray-suray sila na parang mga lasing.
Ibinuhos ko
ang kanilang dugo sa lupa.”
7Ihahayag ko ang pag-ibig ng Panginoon .
Pupurihin ko siya sa lahat
ng kanyang ginawa sa atin.
Napakarami ng ginawa niya
sa atin na mga mamamayan ng Israel
dahil sa laki ng kanyang awa at pag-ibig.
8Sinabi ng Panginoon ,
“Totoo ngang sila
ang aking mga mamamayan,
silaʼy mga anak
kong hindi magtataksil sa akin.”
Kung kaya,
iniligtas niya sila.
9Sa lahat ng kanilang pagdadalamhati,
nagdalamhati rin siya,
at iniligtas niya sila
sa pamamagitan ng anghel
na nagpahayag ng kanyang presensya.
Dahil sa pag-ibig niyaʼt awa,
iniligtas niya sila.
Noong una pa man, inalagaan niya sila
sa lahat ng araw.
10Ngunit nagrebelde sila
at pinalungkot nila
ang kanyang Banal na Espiritu.
Kung kaya, kinalaban sila ng Panginoon ,
at silaʼy naging kaaway niya.
11Ngunit sa huli naalala nila
ang mga lumipas na panahon,
noong pinalabas ni Moises
ang mga mamamayan niya sa Ehipto.
Nagtanong sila, “Nasaan na ang Panginoon
na nagpatawid sa atin sa dagat
kasama ng ating pinunong si Moises
na parang isang pastol ng mga tupa?
Nasaan na ang Panginoon
na nagpadala sa atin ng kanyang Espiritu?
12Nasaan na ang Panginoon
na nagbigay ng kapangyarihan kay Moises,
at naghati ng dagat sa ating harapan,
upang siyaʼy maitanyag magpakailanman?
13Nasaan na siya na gumabay sa atin
nang tumawid tayo sa dagat?
Ni hindi tayo natisod
katulad ng mga kabayong dumadaan
sa malinis na lugar.
14Binigyan tayo ng Espiritu ng Panginoon
ng kapahingahan,
katulad ng mga bakang pumupunta
sa pastulan sa kapatagan.”
Panginoon , pinatnubayan nʼyo po kami
na inyong mga mamamayan
upang kayoʼy aming maparangalan.
15Masdan po ninyo kami mula sa langit,
na siyang iyong banal at dakilang tahanan.
Nasaan na ang inyong pagmamalasakit sa amin,
at ang inyong kapangyarihang ipinakita noon sa amin?
Nasaan na ang inyong pag-ibig
at awa sa amin?
16Sapagkat kayo ang aming Ama,
kahit na hindi kami kilalanin ni Abraham
at ni Jacob na kanilang lahi.
Totoo, Panginoon , kayo ang aming Ama,
ang aming Tagapagligtas mula pa noon.
17Panginoon , bakit ninyo kami pinahintulutang
mapalayo sa inyong mga pamamaraan?
Bakit ninyo pinapatigas ang aming mga puso
na nagbunga ng hindi namin paggalang sa inyo?
Magbalik po kayo sa amin,
dahil kami ay mga lingkod ninyo
at lahing tanging sa inyo lamang.
18Sa maikling panahon,
ang mga mamamayan ninyo
ang may-ari ng inyong banal na lugar.
At ngayon, giniba na ito
ng aming mga kaaway.
19Kami ay inyo mula pa noon,
ngunit itinuring nʼyo kaming hindi sa inyo,
at parang hindi nʼyo pinamumunuan.