The chat will start when you send the first message.
1Panginoon , punitin ninyo ang kalangitan
at kayoʼy bumaba
nang mayanig ang lahat
ng kabundukan sa inyong harapan.
2Kung papaanong pinapaliyab ng apoy
ang mga tuyong sanga
at pinapakulo ang tubig,
sa inyong pagdating ay manginginig
ang mga bansang kaaway ninyo,
at malalaman nila kung sino kayo.
3Noong kayoʼy bumaba
at gumawa ng mga kahanga-hangang bagay
na hindi namin inaasahan,
nayanig ang mga bundok
sa inyong harapan.
4Mula pa noong unang panahon,
wala pang taingang nakarinig,
wala pang matang nakakita
sa Diyos maliban sa inyo
na kumikilos para sa sinumang nagtitiwala
sa kanya.
5Tinatanggap ninyo
ang mga nagagalak
na gumawa ng matuwid
at sumusunod
sa inyong mga pamamaraan.
Ngunit dahil patuloy naming sinusuway
ang inyong mga kapamaraanan,
nagalit po kayo sa amin.
Kaya papaano kami maliligtas?
6Kaming lahat
ay naging marumi at madungis,
at ang lahat ng aming mabubuting gawa
ay parang maruming basahan.
Kaming lahat ay parang dahong natutuyo,
at ang aming kasamaan
ay parang hangin na tumatangay sa amin.
7Wala kahit isa man
sa amin ang humihiling
at nagsusumikap na kumapit sa inyo.
Sapagkat lumayo po kayo sa amin,
at pinabayaan ninyo kaming mamatay
dahil sa aming mga kasalanan.
8Ngunit, Panginoon ,
kayo pa rin ang aming Ama.
Ang katulad ninyoʼy magpapalayok,
at kami naman ay parang putik.
Kayo ang lumikha sa aming lahat.
9Panginoon , huwag naman po ninyong lubusin
ang inyong galit sa amin
o kayaʼy alalahanin ang mga kasalanan namin
magpakailanman.
Nakikiusap po kami sa inyo
na kamiʼy inyong dinggin,
dahil kaming lahat ay inyong mamamayan.
10Ang mga banal ninyong lungsod
ay naging ilang;
maging ang bundok ng Zion
ay walang naninirahan,
ang Jerusalem ay naiwang nakatiwangwang.
11Nasunog ang aming banal at magandang Templo,
kung saan po kayo sinasamba
ng aming mga ninuno.
Nawasak ang lahat ng bagay
na mahalaga sa amin.
12Sa kalagayan naming ito, Panginoon ,
kami po ba ay ayaw pa rin ninyong tulungan?
Kayo po ba ay tatahimik na lamang,
at parurusahan kami nang lubusan?