The chat will start when you send the first message.
1“Ipinakilala ko ang aking sarili
sa mga taong hindi nagtatanong
tungkol sa akin.
Natagpuan nila ako
kahit na hindi nila ako hinahanap.
Ipinakilala ko ang aking sarili
sa bansang hindi tumatawag sa akin.
Sinabi ko sa kanila,
‘Narito ako, narito ako.’
2Patuloy kong iniaabot ang aking kamay
sa mga mamamayan kong
matitigas ang ulo,
na lumalakad sa hindi mabuting daan
at sinusunod lamang
ang sarili nilang isipan.
3Buong araw nila akong iniinsulto
nang harapan,
sa pamamagitan ng pagsamba
sa kanilang mga diyos-diyosan
doon sa kanilang mga sagradong halamanan.
Nagsusunog sila ng mga insenso
doon sa altar ng mga pagano
at nagsusunog ng mga insenso
sa mga altar na bato.
4Umuupo sila kung gabi sa mga libingan
at sa mga lihim na lugar
para makipag-usap sa kaluluwa
ng mga patay.
Kumakain sila ng karne ng baboy
at ng iba pang pagkain
na ipinagbabawal na kainin.
5Sinasabi nila sa iba,
‘Huwag kang lumapit sa akin
baka akoʼy madungisan.
Mas banal ako kaysa sa iyo!’
Naiinis ako sa ganitong mga tao.
At ang galit ko sa kanila ay parang apoy
na nagniningas sa buong maghapon.”
6Sinabi pa ng Panginoon ,
“Makinig kayo,
nakasulat na ang hatol
para sa aking mga mamamayan.
Hindi maaaring manahimik na lamang ako;
maghihiganti ako.
7Gagantihan ko sila ng nararapat
sa kanilang mga kasalanan
pati sa mga kasalanan
ng kanilang mga ninuno,”
sabi ng Panginoon .
“Sapagkat nagsunog sila ng mga insenso
at nilapastangan ako
sa mga bundok at mga burol.
Kaya gagantihan ko sila
ng nararapat sa kanilang mga ginawa.”
8Sinabi pa ng Panginoon ,
“Hindi sinisira ang kumpol
ng ubas na may mga sirang bunga,
dahil ang magandang bunga
ay mapapakinabangan pa.
Ganyan din ang gagawin ko
sa aking mga mamamayan,
hindi ko sila lilipulin lahat.
Ililigtas ko ang mga naglilingkod sa akin.
9May ititira akong mga buháy
sa mga lahi ni Jacob
pati sa lahi ni Juda
at sila ang magmamana ng aking lupain
na may maraming bundok.
Sila na aking mga pinili
at mga lingkod ang siyang maninirahan
sa lupaing ito.
10Pagpalain ko silang mga lumalapit sa akin.
Ang mga Lambak ng Saron at Acor
ay magiging pastulan ng kanilang mga hayop.
11“Ngunit dahil itinakwil ninyo Panginoon
at binalewala ang banal niyang Templo,
at dahil naghandog kayo
sa mga diyos-diyosang
inyong pinaniniwalaan
na magbibigay sa inyo ng suwerte
at magandang kapalaran,
12kaya inilaan ko sa inyong lahat
ang kapalarang mamamatay.
Sapagkat nang tumawag ako,
hindi kayo sumagot;
nang nagsalita ako,
hindi kayo nakinig.
Gumawa kayo ng masama
sa aking harapan;
kung ano ang ayaw ko,
iyon ang ginagawa ninyo.”
13Kaya ito ang sinabi
ng Makapangyarihang Panginoon ,
“Ang aking mga lingkod ay kakain at iinom,
ngunit kayoʼy magugutom at mauuhaw.
Matutuwa sila,
ngunit kayoʼy mapapahiya.
14Aawit sila sa tuwa,
ngunit kayoʼy iiyak sa lungkot
at sama ng loob.
15Ang inyong mga pangalan
ay susumpain ng aking mga pinili,
at ako, ang Makapangyarihang Panginoon ,
ang papatay sa inyo.
Ngunit ang aking mga lingkod
ay bibigyan ko ng bagong pangalan.
16Ang sinumang magsasabi ng pagpapala
o manunumpa sa lupain ng Israel,
gagawin niya ito sa pangalan ko,
ang Diyos na tapat.
Sapagkat kakalimutan ko na
ang mga nagdaang hirap,
at itoʼy papawiin ko na sa aking paningin.
17“Makinig kayo! Gagawa ako
ng bagong langit at bagong lupa.
Ang dating langit at lupa
ay kakalimutan na.
18Kaya magalak kayo at magdiwang
nang walang hanggan sa aking gagawin.
Sapagkat ang Jerusalem
ay gagawin kong kagalakan ng mga tao,
at ang kanyang mga mamamayan
ay magbibigay din ng kagalakan.
19Magagalak ako sa Jerusalem
at sa kanyang mga mamamayan.
Hindi na maririnig doon ang iyakan
at paghingi ng tulong o mga pagdaing.
20“Doon ay walang mamamatay
na sanggol o bata pa.
Ang sinumang mamamatay sa gulang
na isang daang taon
ay ituturing na bata pa,
at ang mamamatay nang hindi pa
umaabot sa isang daang taon
ay ituturing na pinarusahan ko.
21Sa mga panahong iyon,
magtatayo ang aking mga mamamayan
ng mga bahay at titirhan nila ito.
Magtatanim sila ng mga ubas
at sila rin ang aani ng mga bunga nito.
22Hindi na ang mga kaaway nila
ang makikinabang sa kanilang
mga bahay at mga pananim.
Sapagkat kung papaanong ang punongkahoy
ay nabubuhay nang matagal,
ganoon din ang aking mga mamamayan
at lubos nilang pakikinabangan
ang kanilang pinaghirapan.
23Hindi sila magtatrabaho nang walang pakinabang
at ang kanilang mga anak
ay hindi makakaranas ng kamalasan.
Sapagkat silaʼy mga taong
pinagpapala ng Panginoon .
At ang kanilang mga anak
ay kasama nilang pinagpala.
24Bago pa sila manalangin
o habang silaʼy nananalangin pa lang,
sasagutin ko na sila.
25Sa mga araw na iyon magkasamang kakain
ang asong lobo at mga tupa,
pati mga leon at mga baka
ay kakain ng damo.
At ang mga ahas
ay hindi na manunuklaw.
Wala nang mamiminsala
o gigiba sa aking banal na bundok ng Zion.
Ako, ang Panginoon , ang nagsasabi nito.”