Isaias 66

Hahatulan ng Panginoon ang mga Bansa

1Ito ang sinasabi ng Panginoon ,

“Ang langit ang aking trono,

at ang lupa ang aking apakan.

Anong uri ng bahay

ang gagawin nʼyo para sa akin?

Anong lugar ba

ang mapagpapahingahan ko?

2Hindi baʼt ako ang gumawa

ng lahat ng bagay na ito,

kaya silaʼy nalikha?”

wika ng Panginoon .

“Binibigyang pansin ko

ang mga taong mapagpakumbaba,

nagsisisi, at may takot sa aking mga salita.

3Ngunit ganito naman ang magiging trato ko

sa mga taong sumusunod

sa sarili nilang kagustuhan

at nagagalak sa kanilang

mga ginagawang kasuklam-suklam:

Kung papatay sila ng baka para ihandog,

ituturing ko na parang

pumatay sila ng tao.

Kung maghahandog sila ng tupa,

ituturing ko na parang

pumatay sila ng aso.

Kung mag-aalay sila ng handog na regalo,

ituturing ko na parang

naghandog sila ng dugo ng baboy.

At kung magsusunog sila ng insenso

bilang pag-alaala sa akin,

ituturing ko na parang

nagpupuri sila sa mga diyos-diyosan.

4Maliban diyan, padadalhan ko sila

ng parusang labis nilang katatakutan.

Sapagkat noong akoʼy tumawag,

hindi sila sumagot;

nang akoʼy nagsalita,

hindi sila nakinig.

Gumawa sila ng masama

sa aking paningin

at kung ano ang ayaw ko,

iyon ang ginagawa nila.”

5Kayong mga may takot

sa salita ng Panginoon ,

pakinggan nʼyo ang mensahe niya,

“Dahil kayoʼy tapat sa akin, kinapopootan

at tinatakwil kayo ng ilan

sa inyong mga kababayan.

Kinukutya nila kayo na nagsasabi,

‘Ipakita na sana ng Panginoon

ang kanyang kapangyarihan

upang makita namin ang inyong kagalakan!’ ”

Ngunit silaʼy mapapahiya.

6Naririnig nʼyo ba ang ingay

sa lungsod at sa Templo?

Iyan ang tinig ng Panginoon

habang pinaghihigantihan niya

ang kanyang mga kaaway.

7“Ang Jerusalem ay maitutulad

sa isang babaeng manganganak;

hindi pa sumasakit ang kanyang tiyan

ay nagsilang na ng sanggol.

8Sino ang nakarinig

at nakakita ng katulad nito?

May bansa ba o lupaing

isinilang sa maikling panahon?

Ngunit kapag nakaramdam na

ng paghihirap ang Jerusalem,

isisilang na ang kanyang mamamayan.

9Dadalhin ko ba ang bansang ito

sa araw ng kanyang kapanganakan,

at pagkatapos ay hindi ko siya hahayaang mailuwal?”

wika ng Panginoon .

“Siyempre hindi!

Hindi ko pipigilang maipanganak ito,”

sabi ng Diyos.

10Kayong lahat ng nagmamahal sa Jerusalem,

makigalak kayong kasama niya.

At kayong mga umiiyak para sa kanya,

makisaya kayo sa kanya,

11upang matamasa ninyo ang kanyang kasaganaan

katulad ng sanggol na sumususo

sa kanyang ina at nabusog.

12Sapagkat sinasabi ng Panginoon ,

“Pauunlarin ko ang Jerusalem

at itoʼy magiging payapa.

Dadalhin ko sa kanya ang kayamanan

ng mga bansa

na parang umaapaw

na daluyan ng tubig.

Kayoʼy matutulad sa isang sanggol

na aalagaan, hahawakan, pasususuhin,

at kakalungin ng kanyang ina.

13Aaliwin ko kayo doon sa Jerusalem,

katulad ng isang inang

umaaliw sa kanyang anak.”

14Kapag itoʼy nakita ninyong ginagawa ko na,

magagalak kayo,

at lalago na parang sariwang tanim.

Ipapakita ng Panginoon

ang kanyang kapangyarihan

sa kanyang mga lingkod,

ngunit ipapakita niya ang kanyang galit

sa kanyang mga kaaway.

15Makinig kayo!

Darating ang Panginoon

na may dalang apoy.

Sasakay siya sa kanyang

mga karwaheng pandigma na parang ipuipo.

Ipapakita niya ang kanyang galit

sa kanyang mga kaaway,

at parurusahan niya sila

ng nagliliyab na apoy.

16Sapagkat sa pamamagitan

ng apoy at espada,

parurusahan ng Panginoon

ang lahat ng taong makasalanan,

at marami ang kanyang papatayin.

17Sinabi ng Panginoon , “Sama-samang mamamatay ang mga nagpapakabanal at naglilinis ng mga sarili nila sa pagsamba sa kanilang mga diyos-diyosan sa halamanan. Mamamatay silang kumakain ng baboy, daga, at iba pang mga pagkaing kasuklam-suklam.

18“Alam ko ang kanilang ginagawa at iniisip. Kaya darating ako at titipunin ko ang lahat ng mamamayan ng lahat ng bansa, at makikita nila ang aking kapangyarihan.

19“Magpapakita ako ng himala sa kanila. At ang mga natitira sa kanila ay susuguin ko sa mga bansang Tarsis, Pul, Lud (ang mga mamamayan nito ay tanyag sa paggamit ng pana), Tubal, Gresya, at sa iba pang malalayong lugar na hindi nakabalita tungkol sa aking kadakilaan at hindi nakakita ng aking kapangyarihan. Ipapahayag nila ang aking kapangyarihan sa mga bansa.[#66:19 : Sa Hebreo, Javan.]

20At dadalhin nilang pauwi mula sa mga bansa ang lahat ng mga kababayan ninyo na nakasakay sa mga kabayo, sa mga mola, sa mga kamelyo, sa mga karwahe, at sa mga kariton,” wika ng Panginoon . “Dadalhin nila sila sa banal kong bundok sa Jerusalem bilang handog sa akin katulad ng ginagawa ng mga Israelita na naghahandog sa akin sa templo ng mga handog na pagkain, na nakalagay sa mga malinis na lalagyan.

21At ang iba sa kanila ay gagawin kong pari at mga Levita,” wika ng Panginoon .

22“Kung papaanong ang bagong langit at ang bagong lupa na aking gagawin ay mananatili magpakailanman,” pahayag ng Panginoon , “ang inyong lahi ay mananatili rin magpakailanman, at hindi kayo makakalimutan.

23Sa bawat Pista ng Bagong Buwan at sa bawat Araw ng Pamamahinga ang lahat ay sasamba sa akin,” sabi ng Panginoon .

24“At paglabas ng mga sumamba sa akin sa Jerusalem, makikita nila ang bangkay ng mga taong nagrebelde sa akin. Ang mga uod na kumakain sa kanila ay hindi namamatay at ang apoy na susunog sa kanila ay hindi napapawi. At pandidirian sila ng lahat ng tao.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.